Hindi maiwasang maluha ni Janus at Donna habang binabasa ang sulat ng kanilang anak. Magkahalong pagsisisi at panghihinayang ang kanilang naramdaman habang tangan-tangan ang papel na naging hingahan nito ng kanyang mga hinanakit at saloobin.
——————
Masaya nagsimula ang pamilya nina Janus at Donna. Nagkakilala sila sa Arellano University kung saan sila nagtapos ng kolehiyo. Kakapasa pa lamang noon ni Donna sa Nursing Board Exam nang mabuntis ito kaya kinailangan nilang magpakasal. Naging biglaan man ang pagpapakasal nila, masayang masaya naman sila sa pagdating ni Samantha sa kanilang buhay. Ang una nilang anak na nagdagdag ng kulay at sigla sa tahanan na kanilang sinisimulan.
Dahil sa matalino at ma-appeal itong si Janus ay madali siyang nakahanap ng trabaho. Bagamat hindi gaanong kalakihan ang sweldo niya sa isang bangko sa Makati ay nagkakasya naman iyon sa mga gastusin nila sa bahay at sa pangangailangan ni Sam. Isang taon ang lumipas bago nagpasya si Donna na maghanap na rin ng trabaho para kahit papaano ay makatulong naman sa kanilang mga gastusin. Bilang Top 6 sa Nursing Board, madali ring itong natanggap sa isang ospital sa Pasig. At dahil pareho na silang nagtatrabaho, naiwan ang pangangalaga kay Sam sa kaniyang yaya Ising at sa paminsan-minsang pagbisita ng kanyang Lola.
Naging maayos ang takbo ng kanilang pagsasama, may mga tampuhan pero naayos din naman agad. Hindi nga nila namalayan na nakatatlong taon na pala sila bilang mag-asawa. At dahil lumalaki na si Sam, naisip ni Donna ang maghanap ng mas magandang trabaho sa ibang bansa. Sakto naman na naghahanap pala ng staff nurse yung ospital na pinapasukan ng pinsan niya sa London. Madaling natanggap si Donna sa inaplayan nitong trabaho at makaraan nga lang ang ilang buwan ay kinailangan na nitong umalis at mangibang-bayan. Mabigat man sa loob ni Janus ang naging desisyon ng asawa, inisip na lamang nito na para rin iyon sa kanilang pamilya at sa kinabukasan ni Samantha. Isa pa meron naman telepono at internet para lagi pa rin sila makapag-usap.
Dahil sa kamusmusan, tila parang wala lang kay Sam ang pag-alis ng Ina. Nakangiti pa itong nagpaalam samantalang ang Ina’y walang humpay sa pagtangis habang nakayakap ng mahigpit. Isang matamis na halik naman sa labi ang pinabaon ni Janus sa asawa.
“Ma, mag-iingat ka palagi doon ah. Ako na ang bahala dito kay Sam. Mahal na mahal kita Ma”
Hindi na nagawang tumugon pa ni Donna, bagkus ay yumakap na lamang muli ito ng mahigpit sa kaniyang mag-ama habang patuloy pa rin ang pag-agaos ng kanyang luha.
Naging sandigan ng pamilya ang telepono at internet para kahit papano ay manatili silang malapit sa isa’t-isa. Ngunit lingid sa kanilang mga isip na ang sandigang ito rin pala ang magiging dahilan ng pagsubok na kanilang pag-dadaanan.
——————
Sa pangingibang-bansa ni Donna animo’y may kakaibang kalayaang nadama si Janus. Bagamat lagi pa rin naman silang nag-uusap ni Donna sa Skype, Facebook at Text, naging madalas naman ang pagsama nito sa kanyang mga barkada. At sa isa nga sa mga gimik nila nakilala ni Janus si Sharmaine. Selebrasyon ng kaarawan noon ni Anton nang magkita sina Janus at Sharmaine. Palibhasa’y alam ng tropa na nasa ibang bansa si Donna kaya sinadya nilang tuksuhin ang dalawa.
“Sharmaine si Janus nga pala, single yan ngayon nasa London ang asawa nyan. hehe” nakangising pagpapakilala ni Carlos
Hindi na nagawang makapagsalita nang dalawa, bagkus ay nagkangitian na lamang kasabay ng pakikipagkamay sa isa’t-isa. Pagkauwi ng bahay agad nitong binuksan ang laptop para tignan kung may mensahe si Donna. Imbes na mensahe ng asawa “Friend Request” ni Sharmaine ang bumungad sa kanya na kaagad naman nitong pinagbigyan. Simula noon ay naging madalas na ang pakikipag-usap ni Janus kay Sharmaine, at palagi na rin silang nagkakasama sa mga lakad ng mga kaibigan at ka-opisina nito.
——————
Pagkalipas ng dalawang taon, ay nakakuha ng bakasyon si Donna. Masayang-masaya itong umuwi sa kanyang pamilya na sobra niyang na-miss. Walang siyang inaksayang oras para makabawi sa asawa at anak.
Isang gabi, habang nagba-bonding ang mag-ina, ay abala naman si Janus sa kusina sa pagluluto ng hapunan nang biglang tumunog ang celphone nito. Dahil nakagawian naman nila noon ang magbasa ng celphone ng bawat isa, kinuha ito ni Donna at binasa ang text mula sa numberong hindi nakarehistro ang pangalan.
“Hon, klan ul8 tau la2bs. na-mi2ss n kta eh” – Sharmaine
Natigilan si Donna matapos mabasa ang text. Hindi niya alam kung kukumprontahin ang asawa, ngunit naisip nya na baka nagkamali lang yung nagpadala nito dahil hindi naman nakarehistro ang numero. Sinubukan na lamang niyang kalimutan ang nabasa at nagpatuloy sa pakikipagkulitan sa anak. At hindi na rin niya nagawang sabihin pa kay Janus ang tungkol dito, hanggang sa bumalik na nga ulit siya sa London.
Pagdating niya ng London, naging abala ulit ito sa trabaho. Dahil sa pagkaabala naging madalang ang komuniksyon ni Donna sa kanyang pamilya sa Pilipinas. Madaliang tawag at text na lang ang nagagawa nito at hindi na rin masyadong nakakapagbukas ng Facebook. Si Janus naman ay naging madalas ang pakikipagkita kay Sharmaine. Halos mas marami pa nga siyang oras para dito kesa sa oras niya sa kanilang tahanan. Hindi na rin niya masyadong natututukan si Sam at palaging si yaya Ising na lamang ang nakakasama nito. Ilang programa na nga ni Sam sa eskwelahan ang hindi nito nadaluhan dahil nga mas pinili nitong makasama ang babae niya na noo’y lingid pa sa kaalaman ng bata.
Dahil dito naging malulungkutin si Samantha, lalo na kapag nakikita niya ang mga kaklaseng magkasama ang mga magulang na dumadalo sa mga pagtitipon sa eskwelahan. Isang beses nga noong bibigyan siya ng parangal dahil sa pangunguna sa kanilang klase, sinubukan niyang ayain ang kanyang ama para dumalo subalit muli lamang siyang nabigo. Wala siyang nagawa kundi tanggapin ang parangal na ang kasama ay ang kanyang yaya. Tuwing ikukuwento naman niya ito sa Ina ay tanging paumanhin lamang ang nasasabi nito.
——————
Walang kamalay-malay si Donna sa pinag-dadaanan ng kanilang pamilya. Nagkaka-usap pa naman sila ni Janus kahit papano kaya akala niya ay maayos pa ang lahat. Ngunit lingid sa kanyang kaalaman ay mayroon na palang pinagdadaanang problema ang kanilang pagsasama. Hanggang sa isang araw ay kinausap si Donna ng kanyang pinsan na si Goldie. Sunod-sunod ang mga tanong nito tungkol sa pag-sasama nila, kung maayos pa ba sila o kung may problema silang pinagdadaanan. Walang kaalam-alam si Donna sa mga pinag-sasabi ng pinsan, hanggang sa ipinakita nito ang larawan ni Janus na may kasamang ibang babae. Kaibigan pala ng dating katabaho ni Goldie si Sharmaine at sa Facebook nito nakita ang larawan. Mistulang binuhusan ng malamig na tubig si Donna nang makita ang larawan ng dalawa na naghahalikan sa isang party. Hindi na nito nagawang magsalita pa at tuluyan na lamang itong humagulgol sa harap ng pinsan. Lumong-lumo si Donna na umuwi sa kanyang inuupahang bahay at kahit gulong-gulo ang isip ay kaagad nitong tinawagan ang asawa.Tila ipinag-aadya ng tadhana na malaman na talaga niya ang nagaganap sa Pilipinas, dahil sa kanyang pagtawag ay si Sharmaine ang nakasagot ng telepono.
“Hello, who’s this?” tanong ni Sharmaine
“Ikaw ang sino, telepono ito ng asawa ko ah, asan si Janus?” matapang na sagot ni Donna
Hindi na sumagot pa si Sharmaine at kaagad nitong binigay ang telepono kay Janus, sabay senyas na asawa nito ang nasa kabilang linya. Bago pa makapagsalita si Janus ay agad nang humagulgol sa iyak si Donna. Garalgal ang boses nito habang tinatanong ang asawa sa mga nangyayari. Si Janus naman ay tila posteng natigilan sa pakikinig sa asawa. Hindi niya alam kung anong paliwanag ang sasabihin nito sa kanyang nagawa. Tanging pagpapatahan na lamang sa asawang tumatangis sa kabilang linya ang nagawa nito. Bago matapos ang tawag sinabihan na lang ni Janus si Donna na pag-usapan na lamang nila ito sa ibang araw kapag nahimasmasan na siya sa galit nito.
Dahil sa nangyari, napilitang bumalik ng mas maaga sa Pilipinas si Donna, kahit na dalawang buwan pa dapat bago ang takda nitong bakasyon. Pagdating nito sa kanilang bahay ay tanging ang anak at ang yaya lamang nito ang kanyang nadatnan. Agad na yumakap ang anak ngunit dahil nga sa pinagdadaanan ay malamig na yakap naman ang naiganti ng Ina.
Halos madaling araw na ng makauwi si Janus sa kanilang bahay. Pagbungad nito ay nakita niya ang asawa na nakaupo sa sala. Dahil nakainom, nakangiti itong bumati at akmang hahalik, ngunit imbes na labi ang dumampi sa kanyang mga pisngi ay isang malakas na pwersa mula sa palad ni Donna ang sa kanya’y sumalubong. Sa lakas ng sampal nito, animo’y nahulasan si Janus sa kanyang pagkalasing.
“Anong kasalanan ko sa’yo bakit mo ito nagawa sa’min Janus? Nagpapakahirap ako sa ibang bansa para maging maayos itong pamilya natin, tapos ikaw panay pala ang pasarap mo dito. Hindi ka man lang nahiya sa anak natin.” sumbat ni Donna habang umiiyak
“Ah at isinusumbat mo sa’kin ngayon yang pag-alis mo, bakit tinanong mo ba ako noon bago ka nag-apply dyan sa trabaho na yan? Sinabi mo na lang sa’kin na natanggap ka na sa trabaho na yan at kailangan mo nang umalis ah”
Dahil sa lakas ng pagtatalo ng dalawa ay nagising si Samantha at lumabas sa kwarto na umiiyak.
“Mommy, daddy wag na po kayo mag-away, tama na po”
“Sam, bumalik ka sa kwarto mo” sigaw ng ama
Nanatiling nakatayo si Sam sa harap ng mga nagtatalong magulang habang umiiyak.
“Sam sinabing pumasok ka eh, pasok sa kwarto” muling sigaw ng ama
Sa pagkakataong yun ay tumalima na si Sam at bumalik na nga sa kanyang kwarto habang patuloy sa pag-iyak. Kinabukasan ay walang kibuan ang mag-asawa sa hapag-kainan. Tila hindi magkakilala sina Janus at Donna sa turingan nila sa isa’t-isa. Umalis si Janus ng bahay nang hindi man lang kinikibo ni Donna. Dahil doon hindi nakatiis si Sam at tinanong ang Ina kung bakit hindi sila nagpapansinan at pati na rin ang tungkol sa sigawan nila kagabi. Wala naman naisagot ang Ina kundi, wag na lang itong mag-alala dahil may pinagdadaanan lamang silang problema. Muling bumalik ng London si Donna nang hindi sila nagka-ayos ni Janus. Sinubukang pigilan at kumbinsihin ni Sam na wag nang umalis pa ito ngunit naging matigas ang Ina at nagpatuloy pa rin sa pag-alis kasabay ang pangako na pagkalipas ng ilang taon ay isasama na niya ito sa London.
Sa pagbabalik ni Donna sa London, tuluyan na nang nawasak ang pamilyang masaya nilang sinimulan. Pinutol nito ang komunikasyon kay Janus at tanging si Samantha na lamang ang paminsan-minsan nitong kinukumusta. Si Janus naman ay patuloy na nadarang sa pakikipagrelasyon kay Sharmaine. Paminsan-minsan nga ay dinadala na rin niya ito sa kanilang bahay at ipinakilala na rin niya ito kay Sam bilang bagong Mommy.
Hindi naging madali para kay Sam na tanggapin ang mga nangyayari sa kaniyang mga magulang. Mas pinapasakit pa ito sa mga pagkakataong tinatanong siya ng kanyang mga kaklase kung bakit laging yaya lamang ang kasama niya tuwing may programa sa eskwelahan ngunit wala siyang maisagot. Isang beses nga pagka-uwi nila galing eskwelahan kung saan muling nabigyan ng parangal si Sam, bigla na lamang itong nagsalita ng mga katagang nagbigay ng takot at pangamba sa kanyan yaya.
“Yaya bakit ganun, parang wala nang paki-alam sa akin si Mommy at Daddy? Sana mamatay na lang ako yaya, hindi na naman yata nila ako mahal eh”
“Hala Diyos ko po, wag ka ngang magsalita ng ganyan Sam, at wag na wag mong iisipin yan. Mahal ka ng mga iyon, may pinag-dadaanan lang siguro silang problema ngayon. Magdasal ka na lang para magka-ayos na silang dalawa”
“Pag namatay ba ako yaya, magkaka-ayos kaya silang dalawa?”
“Ano ka bang bata ka, magbihis ka na nga dun at kakain na tayo. Maya-maya dadating na din ang daddy mo. Wag mo na ulit iisipin yang patay patay na yan ah. Sige na, bihis na”
Pagkatapos magbihis ay naghapunan na ang mag-yaya. Sarap na sarap si Sam sa nilutong sinigang ni Ising kaya marami itong nakain. Pagkatapos kumain ay dumiretso si Sam sa sala para manood ng TV. Habang nagliligpit ng kanilang pinag-kainan si Ising ay patakbong lumapit si Sam sa kanyang yaya sabay yakap dito at sabing,
“Salamat yaya ah, mahal po kita kasi ikaw na ang nagpalaki at nag-alaga saken. Samalat yaya” nakangiti at malambing na bigkas ni Sam
“Ano ba itong batang ito, bumalik ka na dun sa sala at madumi ako, sige na. Mahal na mahal din kita”
Pagkatapos makapagligpit ay pinatulog na rin nito si Sam. Hindi malaman ni Ising kung bakit parang may kakaibang titig at ngiti si Sam sa kanya bago siya lumabas sa pinto ng kwarto. Kinabukasan, pagkatapos niya magluto ng almusal ay tinungo niya ang kwarto ni Sam. Kinatok niya ang pinto para gisingin ang alaga. Nakatatlong tawag na siya ngunit hindi pa rin tumutugon si Sam. Dahil dun ay binuksan na niya ang pinto para alamin kung bakit hindi ito sumasagot. At sa pagbukas nito, tumambad sa kanya ang duguan at animo’y walang buhay na Sam katabi ang kutsilyo na ginamit nito sa paglaslas ng kanyang pulso. Napasigaw ng malakas si Ising sa kanyang nakita, kaya naman biglang nagising si Janus. Agad nitong pinuntahan si Ising na noon ay humahagulgol habang nakatayo sa pintuan ng kwarto ni Sam. Hindi na nakapagsalita pa si Janus sa nakita at agad na binuhat ang anak upang itakbo sa ospital.
Pagdating sa ospital agad na itong inasikaso ng mga nurse at doctor, ngunit huli na ang lahat at dineklarang “Dead on Arrival”. Hindi malaman ni Janus ang gagawin sa mga oras na iyon. Pinipilit niya ang mga doctor na tignan muli si Sam at baka kaya pa itong isalba. Ngunit habang ginagawa niya iyon ay kasabay naman ang pagtatakip na puting tela sa buong katawan ng kanyang anak. Wala nang magawa si Janus kundi ang yakapin ang walang buhay na katawan ni Sam at tumangis sa pagkawala ng kaisa-isa nilang anak.
——————
Dahil sa nangyari, dali-daling umuwi ng Pilipinas si Donna. Sa eroplano pa lamang ay hindi na maawat ang kanyang pagluha dahil sa pagkawala ng anak. Pagdating na pagdating nito sa burol ni Sam, kaagad niyang niyakap ang kabaong nito sabay hagulgol habang inuusal ang paghingi ng tawad.
“Anak, patawad.Anak patawarin mo ako” ang pauli-ulit na sambit ni Donna
Hindi umalis si Donna sa tabi ng anak hanggang sa huling gabi ng burol nito. At sa gabing iyon din inabot ni Ising ang kwaderno ni Sam na nakita niya sa drawer nito. Sabay na binuksan ng mag-asawa ang kwaderno ng anak. Sa tagpong iyon ay hindi na napigilan ng dalawa ang muling maluha habang binabasa ang mga sinulat ni Samantha. Nakapaloob doon ang lahat ng mga hinanakit nito sa kanyang mga magulang at ang animo’y pagbabalewala ng mga ito sa kanya. Doon ay magkahalong pagsisisi at panghihinayang ang naramdaman ng dalawa. Hindi nila alam kung paano tatanggapin na dahil sa kanila ay wala na ang kaisa-isa nilang anak ngayon.
Ilang buwang matapos ang libing ni Sam ay muling nag-usap ang dalawa tungkol sa kanilang naging problema. Napagpasyahan ni Donna na magbitiw sa kanyang trabaho sa London at muling bumalik ng PIlipinas. Sa kanyang pagbabalik, unti-unting inayos ng mag-asawa ang nasira nilang relasyon. Ilang buwan pa rin ang lumipas bago sila tuluyang nagkabalikan. Hindi man naging madali ang paghilom ng mga sugat nila, ang mahalaga ay binigyan nila ang isa’t-isa ng bagong pagkakataon para itama ang mga kamaliang nagawa nila noon.
At makalipas nga ang dalawang taon ay muling nadagdagan ang kanilang pamilya nang isilang ni Donna ang pangalawa nilang anak, si Ian. Sa pagkakataong iyon, pinangako ng mag-asawa sa puntod ni Sam na gagawin nila ang lahat para mapangalagaan ang kanilang pamilya. Pinangako nila na hindi-hindi mararanasan ni Ian ang mga naranasas ni Sam. At ang bahay nila ay magiging isang tahanan na puno ng pagmamahalan at pagtitinginan.
——————————————————————————————————————–
Ito ang aking opisyal na lahok sa Saranggola Blog Awards 5 sa kategoryang Maikling Kwento.
Filed under: Features, Short Stories, Smorgasbord Tagged: Kwento tungkol sa kahalagahan ng Pamilya, Kwento tungkol sa Tahanan, Kwentong Filipino tungkol sa pamilya, Maikling Kwento, Nite Writer, Pamilya, Saranggola Blog Awards 5, SBA 2013, Tahanan