2016-08-08

Ibinahagi ni Padre Chrysostom Exaltacion, SJ ang homilyang ito noong 27 ng Hulyo 2016 sa Fr. Pierre Tritz Institute – ERDA Tech at noong 28 ng Hulyo 2016 sa Xavier School Nuvali para sa Kapistaham ni San Ignacio de Loyola.

Homily

Isa sa mga paborito kong laro ay ang chess, na may anim na “pieces”: pawn, rook, knight, bishop, queen, at king. Ngunit kung ako ang papipiliin, ang pinakapaborito kong piece ay ang queen. Ito ay dahil sa kaya nitong gawin ang mga galaw ng bishop at ng rook. Dahil dito, ang queen ang pinakamakapangyarihang chess piece para sa akin. Kaya naman, sa tuwing naglalaro ako ng chess, lagi kong iniingatan na huwag makain ito. Ngunit napapansin ko na sa tuwing pinuprotektahan at iniingatan ko ang queen, lagi akong natatalo. Ito ay dahil sa nakakalimutan ko na ang pinakamahalaga palang character sa chess ay ang king. Kung wala na ang king, “Game Over!” Tapos na ang laro. Ngunit kahit mawala man ang lahat, hangga’t mayroon pang king, patuloy pa rin ang laro.

Ang buhay natin sa mundo ay parang chess din. Sinisimbulo ng mga chess pieces ang mga bagay dito sa mundo, tulad ng kapangyarihan (queen), kayamanan (bishop), katanyagan (knight), mga pangarap at tagumpay sa buhay (rook), at iba pang mga bagay (pawn). Lahat ng ito ay mabuti, lalo na’t kung tinutulungan tayo ng mga ito na makamtan at mapanatili ang pinakamahalaga sa ating buhay – ang Diyos (King). Ngunit kung ang nagiging mas mahalaga sa atin ay ang mga makamundong bagay na ito, at napalalayo na tayo sa ating Hari, sila ay nagiging instrumento ng kasamaan. At kapag nakalimutan na natin ang ating Hari – kapag nawala na ito sa buhay natin – masasabi nating, “Life is over!” Ito ay dahil sa ang pinaka “buhay” natin ay ang Diyos. Bilang mga kristiyano, naniniwala tayo na ang Diyos ang ating buhay na walang hanggan. Ngunit bakit mas madalas na kumakapit tayo sa mga makamundong bagay kaysa sa ating Hari? Bakit parang mas mahalaga pa sa atin ang mga makamundong bagay kaysa sa ating Diyos at sa pagsunod natin sa Kanya?

Ito ay dahil sa “manlilinlang” – ang espiritu ng kasamaan at ng kasinungalingan. Nililinlang tayo nito na mas yakapin ang mga makamundong bagay kaysa sa Diyos. Sasabihin nito sa atin: “Bakit ka susunod kay Hesus? Kaligayahan ba ang dulot ng pagsunod mo sa Kanya? Hindi. Krus, paghihirap, pasakit, at kamatayan lamang ang dulot nito sa iyo? Luha lamang ang pabaon nito sa iyo. Ngunit kung may kapangyarihan ka, hindi ka na yayapak-yapakan ng iba. Kung may kayamanan ka, hindi ka na mamaliitin ng iba. Kung may katanyagan ka, hindi ka na babalewalain ng iba. Kung mayroon ka ng lahat ng ito, hawak mo na ang buong mundo.”

Ganito rin ang karanasan ni San Ignacio bago niya nakamtan ang grasya ng tunay na pagbabago. Ninais niya ang mga makamundong bagay – ang maging kabalyero, ang maging tanyag at makapangyarihan, at ang maging kinagigiliwan ng kababaihan. Inakala niya na mas liligaya siya kung mayroon ang mga ito. Subalit siya ay nalinlang. Panandaliang kaligayahang lamang ang dulot ng mga ito sa kanya. Nang mawasak ang kanyang tuhod ng isang cannonball, nawasak din ang mga makamundong pangarap niya. Naglaho ang kaligayahang dati niyang tinatamasa. Ngunit ang pagkawasak ng mga makamundong pangarap na ito ay siya ring simula ng tunay na pagbabago, ng tunay na kaligayahan, ng tunay na buhay na walang hanggan. Sa paglaho ng mga makamundong pangarap na ito, nasilayan niya ang Hari – ang Hesus ng kanyang buhay! Dito niya nabatid at naunawaan na ang tao pala ay nilikha upang makasama at makapiling ang Diyos, at ang layunin ng lahat ng bagay sa mundo ay ang mapasakanya ang Diyos – ang makamtan ang Hari at ang mas mapalapit sa Kanya – sapagkat Siya ang tunay na kaligayahan, ang tunay na buhay na walang hanggan (hango sa Principle and Foundation ni San Ignacio).

Sa kapistahan ni San Ignacio de Loyola, pinaaalalahanan tayo na ang pinakamahalaga sa buhay natin ay ang Hari – ang Diyos! Tulad sa larong chess, kinakailangan kung minsan ang pagsasakripisyo – ang pagbitaw sa mga bagay na ating hinahawakan o kinakapitan (ang mga queens, rooks, knights, bishops, o pawns ng ating buhay) – kung ito ang paraan upang mapasaatin ang Hari – ang Hesus ng ating buhay. Ang pagbitaw (letting go) sa mga bagay na ating kinagigiliwan o pinananabikan ay tunay na mahirap. Magdudulot ito ng sugat sa ating puso. Isang halimbawa ito ng pagkamatay sa sarili – ng pagpasan sa sariling krus – upang mapasaatin ang Hari.

Sa kapistahan ni San Ignacio de Loyola, nawa’y biyayaan tayo ng ating Hari (ng ating Diyos) ng grasya na tunay na maranasan ang pag-ibig sa atin ng Diyos, nang sa gayon ay mabatid at maunawaan natin na ang tunay nating kaligayahan at buhay na walang hanggan ay ang Diyos – ang Hari. Nawa’y magkaroon tayo ng lakas ng loob na sumunod sa Kanya bagama’t hatid nito minsan ay pasakit, hirap, luha, at pagkamatay sa sarili. Sa gitna ng lahat ng ito, nawa’y masilayan natin ang tunay na “Liwanag” at maranasan natin ang tunay na “Kagalakan” sa puso – ang Hesus ng ating buhay.

XSN

Mga litrato mula kay G. Luke Santos, guro ng Social Science, at ni Gyuri Cruz, Baitang 11B – Bro. Istvan Kaszap





FPTI-ERDA Tech

Mga litrato mula kay Gng. Rowena B. Dela Cruz, Sponsorship Program Coordinator, FPTI – ERDA Tech; G. Joel S. Sulit, Assistant to the Student Activities Program Coordinator, FPTI – ERDA Tech; at G. Jonathan S. Lacson, Assistant Principal for Formation, FPTI – ERDA Tech

Show more