Manila,Philippines– Kulang pa rin sa kagamitan at lugar para sa pagbubukas ng klase sa mga lugar na naapektuhan ng bagyong Yolanda.
Ito ang ikinababahala ni Rev.Fr. Ronel Tabuso, parish priest ng St. Vincent Parish sa Tanauan Leyte ngayong nalalapit na ang pagsisimula ng klase sa buong bansa lalo sa mga Yolanda affected areas.
Ayon kay Fr. Tabuso, ilan sa mga mag-aaral ang nanatili pa rin sa mga tents at makeshift houses kaya naman magiging mahirap para sa mga ito ang pagpasok sa eskwela.
Aminado ang pari na napakabagal ng rehabilitasyon sa mga paaralan kaya’t magpa- hanggang sa kasalukuyan ay wala pang tiyak na mapapasukan ang mga estudyante.
“Iyong iba naman nakita ko sa schools parang nakita ko mahina talaga walang tulong na dumadating sa kanila lalo na sa pag-aayos ng stractures.”pahayag ni Fr. Tabuso sa panayam ng Radio Veritas.
Naniniwala naman si Fr. Tabuso na puno pa rin ng pag-asa ang mga Yolanda survivors na maipagpatuloy ang pagkakaroon ng edukasyon at magandang kinabukasan.
Batay sa obserbasyon ng pari, ang mga magulang, mga bata at maging mga guro sa kanilang lugar ay nakakitaan pa rin ng paghahangad na maiayos ang kanilang mga paaralan upang maipagpatuloy ang pag-aaral ng mga taga roon.
“Yun mga bata dito kahit nasanay na siguro sa ganong sitwasyon na walang bubong sa mga classroom pero yun interes nila nandun pa rin. Nakikita namin na nandun din ang kagusutuhan ng mga parents nila na ipagpatuloy yung pag-aaral nila kasi kawawa naman kung nandun lang sila sa mga bahay nila tapos yun mga teachers wish din nila na maayos na talaga yung mga classrooms nila.”dagdag pahayag ni Fr. Tabuso.
Ayon kay Father Tabuso, nagsisilbing inspirasyon sa mga kabataan doon ang maraming mga tao na tumulong sa kanila matapos maganap ang pananalasa ng bagyong Yolanda.(Rowel Garcia)