2016-11-28

Ikinadismaya ng pari ang patuloy na imbestigasyon ng Kongreso sa talamak na operasyon ng ilegal na droga sa bansa.

Ayon kay Father Jerome Secillano, executive secretary ng CBCP Permanent Committee on Public Affairs, hindi makakamtan ng taumbayan ang malinaw na paglalahad ng katotohanan sa isinasagawang House at Senate inquiry sa malalang problema sa ilegal na droga sa bansa.

“Kung ang nais ng taumbayan ay ang malinaw na paglalahad ng katotohanan sa lumalalang problema ng droga sa bansa, hindi nila ito makakamtan sa isinasagawang imbestigasyon ng Senado at Kongreso,”pahayag ng pari.

Inihayag ni Father Secillano na lalong pinagulo ng Senado at Kamara ang sitwasyon tulad ng pagkakaiba ng salaysay ni Ronnie Dayan dating driver at sinasabing bagman ni Senator Leila de Lima at Kerwin Espinosa na sinasabing Eastern Visayas druglord.

“Lalo pang gumulo ang sitwasyon dahil sa magkakaiba at hindi nagtutugma ang salaysay ng mga testigo,” paglilinaw ng pari sa Radio Veritas.

Sinabi ni Father Secillano na ang tunay na damdamin ng taumbayan ay kahalintulad ng nararamdaman ni PNP Chief General Bato de la Rosa na hindi na niya alam kung sino sa hanay ng pulis ang kanyang pagkakatiwalaan dahil maraming PNP personnel ang sangkot sa ilegal na droga.

“Ang damdamin ng nakararami ay naipahayag na ni Gen. Bato de la Rosa na umamin mismong nahihirapan at naguguluhan na kung sino ba ang dapat niyang paniwalaan sa kanyang mga tauhan dahil karamihan sa mga ito ay isinasangkot sa kalakaran ng droga,”giit pa ng pari.

Iginiit ng pari na hinihintay na lamang ng taumbayan ang mga babalangkasing batas ng Kongreso upang matugunan ang malubhang problema ng illegal na droga sa bansa.

“Hintayin na lang natin ang mga batas na maaari mabalangkas ng mga senador base sa mga imbestigasyon na kanilang isinagawa.”

Samnatala Sa inisyal na tala ng PNP- Crime Laboratory, umaabot na sa 174 na mga pulis ang nagpositibo sa isinagawang ‘Internal Cleansing’ na mandatory drug testing sa 159,000 – PNP Personnel na karamihan ay lumitaw na gumagamit ng shabu, marijuana at maging ecstasy.

The post Taumbayan, walang napala sa inquiry ng Kongreso sa droga appeared first on Veritas 846.

Show more