Nanawagan ng tulong ang parokya na nakakasakop sa Barangay Addition Hills Mandaluyong City kung saan nasa 1,000 pamilya ang nasunugan kahapon.
Ayon kay Fr. Rey Yatco ng Sacred Heart Parish, kailangang-kailangan ng mga biktima ang pagkain at mga damit lalo na ng mga bata.
Nanunuluyan ngayon ang mahigit 4,000 indibidwal sa tatlong evacuation centers: sa Fabella School, Andres Bonifacio Integration School Gymnasium at sa Botanical Garden Mandaluyong City.
Sinabi ni Fr. Yatco na sa mga nais tumulong, maaaring ipahatid ang donasyon sa kanilang parokya o tumawag sa Telephone numbers 534-4331 o kaya ay makipag-ugnayan sa Caritas Manila.
Nanawagan din ang pari ng panalangin mula sa mga kapanalig para sa mga biktima ng sunog na huwag panghinaan ng loob at mawalan ng pag-asa matapos ang trahedya.
“Yung mga nais tumulong, ang immediate needs nila pagkain, dahil wala sila sa bahay ngayon need nila ang day to day na kakainin nila, mga damit din dahil nasunog ang mga gamit nila, puwedeng makipag- coordinate sa Caritas Manila o kaya dalhin dito sa parish tumawag sa 534-4331, mga grocery items at mga damit, and we can coordinate with Caritas Manila. We need prayers also for the people para mabuhayan sila ng loob huwag sumuko after this tragedy lalo na at karamihan sa mga nasunuguan ay active sa simbahan,” pahayag ni Fr. Yatco sa panayam ng Radyo Veritas.
Sa record ng Bureau of Fire Protection, mula Enero hanggang Pebrero lamang ng 2015, nasa 615 na ang naitalang insidente ng sunog sa Metro Manila.