2017-03-14

Mga Kapanalig, kamakailan ay naglabas ng magandang balita ang PhilHealth tungkol sa pagbibigay ng mga benepisyong pangkalusugan o benefit package para sa mga batang may kapansanan, bilang bahagi ng Expanded National Program for Disabled Persons ng Department of Health.

May tinatayang dalawang milyong batang Pilipino ang may kapansanan, mga may limitasyon sa pandinig, paningin, pag-iisip, pagkilos, at iba pang developmental impairments. Hindi po lingid sa ating kaalamang ang mga taong may kapansanan, lalung-lalo na ang mga bata, ay nakararanas ng hamon at hirap araw-araw. Marami sa kanila ay hindi nairehistro noong sila ay isinilang, dahilan upang maging limitado ang kanilang pagkamit at pakikinabang sa proteksyong panligal at mga mahahalagang serbisyo katulad ng edukasyon at kalusugan. Marami rin sa kanila ay biktima ng diskriminasyon, karahasan, at pang-aabuso sa kanilang pamayanan, paaralan, at sa mismong tahanan nila. Hindi rin sila nakalalahok o naisasama sa iba’t ibang mga gawaing makatutulong sana sa kanilang maayos na paglaki. At dahil ang mga batas katulad ng Accessibility Law ay hindi ganap na naipatutupad, hiráp din silang kumilos sa kani-kanilang lugar. Ang lahat ng ito ay nagbubunga ng pagsasaisantabi sa kanila sa lipunan.

Kaya nga’t magandang balita ang sinabi ng PhilHealth na magkakaroon na ng benefit package ang mga batang may kapansanan. Alinsunod rin ito sa mga probisyon ng Magna Carta for Disabled Persons na isinabatas noon pang 1992. Sumusuporta rin ito sa mga nakasaad sa United Nations Convention on the Rights of Disabled Persons na niratipika ng Pilipinas noong 2008 at nagsasabing karapatan ng mga batang may kapansanan ang magkaroon ng pinakamahusay na kalusugan nang walang diskriminasyon sa kanilang kapansanan. Sa programang ito ng PhilHealth, kasama sa mga serbisyong matatanggap ng mga bata ay mga kagamitan na makatutulong ipanumbalik ang kanilang paningin at pandinig at rehabilitative therapy para sa mga may problema sa pagkilos o mobility.

Mga Kapanalig, isa sa batayang prinsipyo ng panlipunang katuruan ng Santa Iglesia ay ang pagkilala at paggalang sa ganap na dignidad ng tao. Kaakibat ng dignidad na ito ang pagkamit ng mga bagay na makatutulong sa pagyabong ng kaniyang buong sarili, gaya ng maayos na kalusugan. Ang karapatan sa kalusugan ay isa sa mga batayang karapatan upang makamit ng isang bata ang iba pa niyang karapatan. Kapag ang isang bata ay malusog, siya ay makapaglalaro, makapag-aaral, at makalalahok sa mga prosesong mahalaga sa kanyang pag-unlad.

At tayong bumubuo ng Simbahan ay may tungkuling makiisa sa pagtataguyuod ng kapakanan ng mga taong may kapansanan, lalo na ng mga bata. Bilang paghahanda sa Jubilee Day noong taong 2000, inilatag ng Committee for the Jubilee Day of the Community with Persons with Disability ang mga pananagutan ng mga pamayanan—sibil man o may kaugnayan sa Simbahan—sa mga taong may kapansanan. Sa dokumentong ito, isinasaad na isa sa mga tungkulin ng Simbahan—tayo po iyon, mga Kapanalig—ay ang pagbubuo ng positibong imahe ng mga taong may kapansanan. Iwasan na po natin ang pagturing sa kanila bilang mga tagatanggap lamang ng awa at habag. Ang pagkakawanggawa o charity, na isang mahalagang haligi ng buhay Kristiyano, ay kailangang maisabuhay nang ganap, at magagawa lamang ito kung ang kapwa nating may kapansanan ay itinuturing nating kasama sa isang relasyon ng pag-ibig, a “relationship of love”, ‘ika nga sa Ingles.

Kaya naman, mga Kapanalig, naway sa pamamagitan ng bagong benefit package ng PhilHealth ay mabura ang diskriminasyon sa mga batang may kapansanan at matutugunan ang kanilang pangangailangang medikal. Ipaalam po natin ito sa ating mga kakilalang may anak na may kapansanan.

Sumainyo ang katotohanan.

The post Pagkalinga sa mga batang may kapansanan appeared first on Veritas 846.

Show more