Naninindigan si Senator Leila De Lima sa kanyang pagtutol sa pagsusulong ng death penalty sa bansa.
Ayon sa Senadora na kilalang human rights advocate, bagama’t nakahanda itong suportahan ang marami sa mga programa ng administrasyong Duterte, ay mariin naman nitong tututulan ang planong pagbabalik ng death penalty.
“Yun ang hindi ako sumasang-ayon, marami akong pwedeng sang-ayunan o marami akong susuportahan lalo na dun sa mga sinabing mga programa at plano ng administrasyon na ito, except for certain major issues like death penalty, hindi po ako sasang-ayon dyan,”pahayag ni De Lima.
Samantala, tiniyak ni Senator De Lima na dadaan sa tamang proseso ang Death Penalty Bill bago ito tuluyang maisabatas.
“Siyempre dadaan naman po yan sa matinding debate, deliberation at tingnan nalang natin kung aling panig ang mananaig.”
Sa datos ng Amnesty International, mayroon ng 140 bansa ang nag-alis ng Parusang kamatayan sa kanilang batas.
Kaugnay dito, taong 2006 nang lagdaan naman ni dating Pangulo at ngayo’y Second District Representative Gloria Macapagal-Arroyo ang pagtatanggal ng Death Penalty sa bansa.
Sa halip ay pinababa na lang nito sa habang buhay na pagkakakulong ang parusang ipapataw sa mga dapat sana ay bibitayin.
Sang-ayon nga sa Catholic Bishops’ Conference of the Philippines, hindi dapat na buhayin pa ang parusang bitay lalo na at marami na ring bansa ang bumitaw dito dahil sa paniniwalang higit na marapat bigyan ng pagkakataong magbagong buhay ang bawat tao, maging kriminal man ito o hindi.
The post Pagbabalik ng death penalty, patuloy na tututulan ng senador appeared first on Veritas 846.