2013-07-01

Mga Kapanalig, isang mahalagang panalangin ang dapat nating idulong sa Panginoon ngayong araw. Ipanalangin natin na huwag sanang matuloy bukas ang nakatakdang pagbitay sa kapatid nating babaeng Overseas Filipino Worker sa bansang China.Kung may dapat ngang higit na isaalang-alang ang mga kababayan nating OFWs sa kanilang desisyon na mangibang bansa, ito ay ang pagpapataw ng parusang bitay sa mga bansang kanilang pinagtatrabahuhan.

Nakakalungkot nga ngayon ang kalagayan na naman ng isa nating kapatid na OFW sa bansang China. Tinataya ding may mahigit sa tatlong-daang Pilipino ngayon ang humaharap sa sentensiyang bitay sa nasabing bansa.

Hindi na nga bago ang balitang ito sa atin. Ilang mga kababayan na rin natin ang napatawan ng parusang bitay at kahit kumikilos ang ating pamahalaan ay madalas ay hindi na rin kayang isalba ang kanilang mga buhay. Kalimitan din kasi ay pro-active lamang ang tugon ng ating pamahalaan kung saan ay kumikilos na lamang ito kung huli na ang lahat. At kung kumikilos man ang mga ito, lubha namang mabagal ang kanilang pagtugon sa mga pangangailan ng mga kapatid nating OFWs na nasa deathrow.

Sa buong mundo ngayon, patuloy pa rin ang pagpataw ng aabot sa walumpung bansa sa parusang bitay. Ayon sa datos ng Amnesty International, nasa bilang na 6,221 ang nabitay na mula taong 2007 hanggang 2012. Hindi pa kasama sa bilang na ito ang libo-libong pinaniniwalaan binitay na rin sa bansang China. Samantala, ayon din sa Amnesty International, mula sa kaparehong taon ay umabot na sa 24,172 ang opisyal na bilang ng mga nasentensiyahan ng parusang bitay sa buong mundo. Hindi pa rin kasama dito ang libo-libong pinaniniwalaan ding nasentensiyahan ng parusang bitay sa China.

Kung sisilipin ding mabuti ang datos ng Amnesty International, halos lahat ng mga bansang kalimita’y pinagtatrabahuhan ng mga kapatid nating OFWs ay ipinapataw ang parusang bitay. Sa datos ng Amnesty International, mula taong 2007 hanggang 2012 ay ang mga sumusunod ang bilang ng mga taong nasentensiyahan ng parusang bitang sa kanilang mga bansa: 3 sa Brunei, 108 sa Japan, 67 sa Jordan, 324 sa Malaysia, 6 sa Qatar, 54 sa Saudi Arabia, 26 sa Singapore, 45 sa Taiwan, 64 sa United Arab Emirates, at 504 sa Amerika. Nangangahulugan lamang ito na ibayong pag-iingat talaga ang dapat na manaig sa mga kababayan nating mga OFWs sa mga bansang kanilang pinagtatrabahuhan.

Ayon din sa pag-aaral ng Amnesty International, kalimitan sa pinapatawan ng parusang bitay ay ang paggamit o pagtulak ng ipinagbabawal na gamot. Ito nga ang naging masaklap na karanasan ng ating tatlong kababayang OFWs sa China na noong 2011 ay binitay dahil nga sa pagtutulak ng iligal na droga.

Nakakalungkot nga mga Kapanalig na bagaman at nagsisikap na magtrabaho ang mga kapatid nating OFWs sa ibang bansa, ay kalimitan ay nasasangkot pa sila sa mga mabibigat na kaso. Upang maiwasan na natin ang mga masamang balitang ito, ang tunay na solusyon ay ang pagkakaroon ng maraming bilang ng disente at dekalidad na trabaho sa Pilipinas. Sa pamamagitan lamang nito maiiwasan ang patuloy pa rin na paniniwala ng ilang mga kapatid nating Pilipino na sa ibang bansa lamang makakamit ang tunay na magandang buhay.

Muli, mga Kapanalig, taimtim na manalangin sana tayong lahat, para para sa kaligtasan ng isang babaeng Overseas Filipino Worker na nakatakdang bitayin bukas sa China.



by: Fr. Anton CT Pascual

Show more