BAGONG UMAGA
Magandang-magandang araw ng Biyernes sa inyo mga kapatid. Pasalamatan natin ang Diyos sa panibagong araw at buhay, at sa mga biyayang inilaan Niya sa atin para sa araw na ito. Ihabilin natin sa Kanya ang buong maghapon, at hilinging pangunahan tayo sa pagtupad ng ating mga tungkulin. Atin nang pakinggan ang Mabuting Balita ayon kay San Marcos kabanata labingdalawa, talata dalawampu’t walo hanggang tatlumpu’t apat.
Gospel
Mga kapatid, nakaukit na sa puso ng bawat tao ang sampung utos ng Diyos. Kristyano man o hindi, meron tayong tinataglay o kinikilalang batas. Maaaring may pagkakaiba ang pananalita, pero iisa lamang ang ibig sabihin. Sa lumang tipan ng Banal na Kasulatan, nasusulat ang sampung utos ng Diyos na ibinigay kay Moises at ang batas na ito’y nahahati sa dalawang parte. Ang nauunang tatlo, patungkol sa pag-ibig at paggalang sa Diyos. At mula sa ikaapat hanggang ikasampu, patungkol naman sa pag-ibig sa kapuwa, tulad ng pag-ibig sa sarili. Narinig natin sa Ebanghelyo na si Jesus, nakikipagtalo sa mga Sadduceo, at narinig ng isang guro ng Batas kung paano sinagot ni Jesus ang mga ito. Malaki ang kanyang pagkamangha at paghanga sa makapangyarihang sagot ni Jesus. Kaya nagtanong naman ang gurong ito kung ano ang una sa mga utos. At sinabi niya: “Iisa lamang ang Panginoong Diyos. Mamahalin mo ang Panginoong Diyos, nang buo mong puso, nang buo mong kaluluwa, nang buo mong pag-ibig at ng buo mong lakas.” At ang pangalawa naman ay ito: “Mamahalin mo ang iyong kapuwa gaya ng iyong sarili. Wala nang utos na mas mahalaga pa kaysa mga ito.” Sumang-ayon ang guro sa mga sinabi ni Jesus kaya sinabi niya sa guro. “Hindi ka malayo sa kaharian ng Diyos.” Mga kapatid, bagama’t hindi natin nakikita ng personal si Jesus, manalig tayo na siya‘y narito sa ating piling, sa ating harapan at patuloy na nagsasalita sa atin. Pakinggan natin siya. Maglaan tayo ng kahit konting panahon araw-araw para mapagnilyan natin ang kanyang mga salita, mga pangaral lalo na ngayong panahon ng Kwaresma.