Mga minamahal na kapatid kay Kristo, tayo po ay nagpupuri, nagagalak sa Panginoon sa ginawa po sa atin sa araw na ito na pagtitipon na bilang isang sambayanan, tayo po ay mapagpanibago na naman ng Kaniyang salita, ng Kaniyang presensiya, ng Kaniyang biyaya at ng Espiritu Santo na ibubuhos sa ating samabayanan. Napakaganda po, fiesta ni Santa Martha at sa kapiyestahang ito ay atin namang itinatalaga ang ating bagong kura paroko si Father Caloy Reyes.
Simulan po natin ang ating pagninilay dito sa dakilang babae na si Santa Martha, at siguro po lalo na sa itinuturo ng Banal na Kasulatan tungkol sa kanya, ang ating parokya, ang atin pong bagong kura paroko ay magkakaroon ng mga inspirasyon. Gayundin ng mga daan tungo sa pagpapalalalim po ng ating commitment ng pagtatalaga sa Panginoon. Si Santa Martha, dalawa po ang katangian na ibig kong bigyan ng pansin. Una, kaibigan ng Panginoong Hesukristo at ikalawa, tagapagpahayag ng pananampalataya tungkol kay Hesukristo. Ang una po Santa Martha, kaibigan ni Kristo, si Hesus mismo po ang nagsabi sa Ebanghelyo, ayon kay San Juan. Sabi niya sa kanyang mga alagad, hindi ko tinatawag at itinuturing na mga alipin, itinuturing ko kayong kaibigan. Papaano ba maging kaibigan ang Panginoon?
Siguro ang pumapasok sa isip natin, ano ba ang gagawin ko para maging kaibigan? Kasi po sa ating kalakarang makatao, para ka maging kaibigan ng isa, para bang ang dami mong dapat gawin. Kailangang magregalo ka, kailangang magbigay ka ng mammon, kailangang magbitbit ka ng siopao, ano ho? Para bang ang pakikipag-kaibigan ay kailangan mong bayaran.
Kaya ‘yun ang tanong ‘e. Ano ba ang magagawa ko para maging kaibigan ka?
Sa unang pagbasa, mula po sa sulat ni San Juan, ang sabi niya, ang pag-ibig, ang pakikipag-kaibigan sa atin ng Diyos ay hindi natin gawa. Hindi ito pampa-impress sa Diyos at kapag impress na impress na ang Diyos, sasabihin pwede na kitang kaibigan. Hindi po ganu’n ang Diyos. Sabi po ang pag-ibig ay hindi ‘yung yaon pong tayo ang unang umibig sa Panginoon, kundi siya ang unang umibig sa atin. Walang nagiging kabigian si Hesus kung hindi siya ang nangunguna at ‘yan po ay malaking biyaya. Kasi nagiging kaibigan ng Diyos ang isang tao kahit siya ay hindi karapat-dapat. Minsan nakakagulat, bakit nga ba tayo itinuring na kaibigan? Ang isasagot lang ng Panginoon, “‘E kasi! Gusto kitang kaibigan.”
Kung tatanungin natin si Santa Martha, ang kaniyang kapatid na si Santa Maria, at ang kapatid pang si Lazaro. Tatanungin natin, papaano kayo naging kaibigan ni Hesus? Huwag tayong maghintay ng sagot na sasabihin ni Martha, masarap kasi akong magluto eh, masasarap ang aking pinapakain. Ayun, nahuli ko ang kaniyang puso. ‘Di ba ang sabi nila, ang daan sa puso ng isang lalaki ay ang kaniyang sikmura, pakainin mo ng pakainin ng masasarap, huli mo ang puso niyan. Ang kay Hesus hindi ‘yun eh. Si Hesus ang dumating sa bahay nila. Si Hesus ang nauna. Ang pakikipag-kaibigan natin sa Panginoon ay biyaya niya. Hindi natin gawa, kundi Kaniya. Siya ang nangunguna at ‘yan po ang napakalaking misteryo. Sino tayo para ituring niyang kaibigan. Tayo mismo siguro, mulat sa ating kahinaan, sa ating kakulangan subali’t katulad ng sinabi niya kay Martha, kay Maria at Lazaro, kina Pedro, kina Andres, Juan Hudas, hindi ko kayo itinuturing na alipin, kundi kaibigan ko. Dakila si Hesus, pati ang kaaway, kayang tawaging kaibigan. Kaya puwede niyang sabihin na ibigin ninyo ang kaaway ninyo. Sinasabi niya ‘yan kasi ‘yun ang gawa niya, ganu’n siya makipag-kaibigan. Hindi natin mababago. Ganu’n ang Panginoon.
Pero katulad ng kahit ano’ng pakikipag-kaibigan, sana ang kilos ng ating Panginoon ay atin namang tugunan. Para mabuo ang ugnayan at pakikipag-kaibigan, nauuna na siya. Siya na ang dumadalaw. Siya na ang pumasok sa bahay ni Martha at sa bahay natin. Ano naman ang tugon?
Makikita po natin lalo na sa magkapatid na Martha at Maria. Bagamat magkaiba sila ng ugali, magkaiba ng personalidad, magkaiba ng temperament, iisa ang kanilang tugon. Paglingkuran si Hesus.
Si Martha, aktibo. Pwede pa nating sabihin, aligaga nandu’n sa kusina gawa ng gawa. Sa ebanghelyo na narinig natin, namatay na si Lazaro, dumating si Hesus. Nang narinig na nandiyan si Hesus, si Martha, takbo agad. ‘Yun ang kaniyang personalidad. Si Mariang kanyang kapatid, medyo mahinhin nu’ng dumalaw sa bahay nina Martha at Maria si Hesus. Samantalang si Martha ay abalang-abala sa paghahanda sa kusina para kay Hesus. Si Maria, nakaupo sa paanan ni Hesus, kinakausap si Hesus. At sa ebanghelyong narinig natin, samantalang si Martha ay nagtatakbo upang salubungin si Hesus. Si Maria, naiwan sa bahay. Huwag po nating pag-aawayin ang dalawang magkapatid na ito. Kasi minsan, naririnig ko, pinag-aaway ‘yung magkakapatid. Hindi naman sila magkaway ‘e. Bakit ba natin pinag-aaway, magkaiba lang sila talaga, pero nagkakaisa. Kapwa nakatutok kay Hesus at naglilingkod kay Hesus. Si Martha, sa pamamagitan ng pagluluto. Si Maria, sa pamamagitan ng pakikipag-kwentuhan kay Hesus. Pagluluto man ‘yan, pag upo man ‘yan katabi ni Hesus, ang mahalaga, kapwa sila nakatutok kay Hesus, ang kanilang kaibigan, ang nakikipag-kaibigan sa kanila, ‘yan ang pakikipag-kaibigan. Sinisimulan ni Hesus bago pa natin makamtan ang karapatan na maging kaibigan niya. Para kay Hesus, wala ‘yang kara-karapatan, wala ‘yan sa meritu. Basta pupuntahan ka niya, ang bahay mo, ang puso mo. Siya ang mangunguna. At kapag dumating siya, tumugon naman kung ibig makipag-kaibigan. Tutukan siya, paglingkuran siya. Diyan nabubuo ang pakikipagkaibigan kay Kristo.
Maganda po si Santa Martha. Larawan ng pakikipag-kaibigan. Meron na ba tayo Parokya sa Arkdiyosesis na Santa Martha sa Pateros. Maganda nga sana mayroon tayo ano ho? Para ‘yung mga hindi nag-uusap na kaibigan, dalhin sa kapilya ni Santa Martha. Matuto muli ng pakikipag-kaibigan ‘yung mga litong-lito papaano ba makipag-kaibigan. Let us learn from Jesus and his great friends Martha, Maria at si Lazaro. Pero ibig ko pong tapusin sa ikalawang katangian ni Santa Martha na malimit ay nakakalimutan siya po ay nagpahayag ng pananamplataya tungkol kay Hesus. Sino si Hesus? Malimit po si San Pedro ang ating nababalikan. Naalala po ninyo ‘yung kuwento sa ebanghelyo ni San Mateo, tinanaong ni Hesus ang mga alagad, ano ang sinasabi ng mga tao tungkol sa akin, ano ba ang bali-balita tungkol sa akin? Maraming magaganda. Sabi noong iba, si Jeremias ka. Sabi nu’ng iba, si Elias ka. Sabi noong iba, si San Juan Bautista ka na muling nabuhay. Aba! Maganda ang kuwento ng mga tao tungkol kay Hesus. Ikaw ba naman ang pagkamalang Heremias, mapagkamalang Elias, Juan Bautista? Aba! Maganda ang record mo, ‘di kahiya-hiya. Pero tinananong niya kayo, kayong kasama ko, sino ako at si Pedro ang nagsalita. Kayo po ang Kristo. Ang anak ng Diyos na buhay. Ang sinabi ni Pedro ang buo na pananamplataya kay Hesus at ‘yan ang batong kinatatayuan ng ating simbahan at ng ating pananamnplataya. Pero sa ebanghelyo na narinig natin kay San Juan, hindi si Pedro ang nagpahayag. Si Martha, si Martha.
Sinalubong ni Martha si Hesus. Napaka-spontaneous ni Martha. Sabi niya, Panginoon kung kayo po ay narito, hindi sana namatay ang aking kapatid. Isang pusong nalulumbay, isang puso na nalulungkot. Nanghihinayang sa pagkamatay ng kaniyang kapatid na si Lazaro. At dahil kaibigan naman nila si Hesus, hindi nangime si Martha na magpahayag ng kanyang saloobin kasi alam naman natin nabalitaan na ni Hesus na may sakit si Lazaro. Pero hindi nagmadali si Hesus, sabi niya kasi para sa ikadarakila ng Diyos ‘yung mangyayari, alam natin ‘yung milagro.
Pero bilang kaibigan, si Martha nagsabi: Sayang! Kung napaaga kayo, baka hindi namatay ang aking kapatid. Sabi naman ni Hesus, muling mabubuhay ang iyong kapatid. Sabi ni Martha. Pananamplataya! Naniniwala ako mabubuhay siyang muli sa huling araw pero sinabi ni Hesus, “Ako ang muling pagkabuhay at ang buhay.” Pinaniniwalaan mo ba ito? Sumagot si Martha. Nanalig ako sa inyo. Kayo po ang anak ng Diyos. Ang Mesiyas na inasahang paparito sa sanlibutan. Halos kapareho ng sinabi ni Pedro. Isang kaibigan, simpleng babae sa gitna ng kanyang pagdadalamhati. Ang nagbigay tinig sa pananamplataya na aalingawngaw sa lahat ng simbahan sa lahat ng panahon. Kaya nga sabi ko, pareho kaya lang ang naalala lang natin ay si Pedro at ang kanyang successor, ang Papa na dapat naman nating pakinggan, pero baka kailangan din nating alalahanin si Martha at ang mga successors ni Martha ang mga simpleng babae ang mga nagdadalamhati, ang mag-abala sa kusina, ang mga walang hinaahanap kundi nasaaan ka Hesus? Kailan ka darating, nasaaan ka?
Ang mga nanay, ang mga lola, ang mga katekista, ang mga nagturo sa ‘tin ng pananampalataya, ‘yan ang mga kahalili ni Martha. At salamat sa kanila, ang pananampalataya ay naipapasa.
Bago ko pa nalaman na may Papa ang simbahan, alam ko na na may nanay ako, na nagturo sa akin na magtanda at matakot sa Diyos,’ yan ang Martha.
Si Pope Francis, Papa na Successor of Peter, walang bukang-bibig kundi si Lola Rosa, na nag-alaga sa kanya, na umakay sa kaniya, na nagturo ng dasal sa kanya, ‘yan ang Martha.
Kung tayo po ay buong galang nakikinig, sumusunod sa pagpapahayag ng kahalili ni Pedro na siyang bantayog ng simbahan, huwag po nating kalilimutang makinig sa mga simpleng Martha, na araw-araw sila ang nagpapahayag sa mga anak, sa apo, kasama sa trabaho, kahit sila ay lumuluha, kahit sila ay nasa tabi ng libingan ng kanilang mga kapatid, nanalig ako sa’yo Panginoon. Ikaw ang anak ng Diyos, ang Mesiyas na paparito. Ang fiesta pong ito ay para pakinggan ang mga maliliit na kabigan ni Kristo.
Noong ako po ay rector ng seminaryo, itong araw na ito ay ang araw na sinasabihan naming ‘yung kusinera, ‘yung gardener, ‘yung labandera. Martha, Martha, masyado kang abala, magpahinga ka, kaya sa araw na ito kami ang namamalengke, nagluluto, ano ho, magpahinga kayo at para naman maranasan namin ang buhay ng isang simpleng Martha, at pagkatapos ng July 29, kulang na lamang koronahan mo ang kusinera, ang labandera, ang gardener. At para sa akin hanggang ngayon, sila ang nagpapahayag ng simpleng pamamaraan nanalig ako sa’yo Kristo, ikaw ang anak ng Diyos, kaibigan, tagapagpahayag ng pananampalataya, akmang-akma po sa ating ginaganap dahil ang parokya, sambayanang Kristiyano, sana makilala sa dalawang katangiang ‘yan, mga kaibigan ni Kristo at tagapagpahayag ng pananampalataya bilang mga misyonero. Ipasa ang pananampalatayang ‘yan. Tulad ni Martha, ipahayag sa mundo na ang bestfriend mo ay si Hesus. Huwag mong itago si Hesus. Let Jesus be the most significant other friend to you, and your life will be changed. Pero kung kaibigan mo si Hesus, ipahayag mo siya, ipakita mo siya, ipakilala mo siya kung sino siya talaga. Kahit na hindi ka dalubhasa, kahit hindi matayog ang iyong pinag-aralan, simple kang Martha, simple kang Lazaro, simple kang Maria, malalim ang pagkakakilala mo kay Hesus, ipakilala mo siya sa iba.
Sa ganitong diwa Father Caloy ay ating inihahabilin sa iyo ang buhay pananamplataya ng sambayanan ng parokya ng Our Lady of Fatima. Sana sa iyong pakikipagkaibigan din kay Hesus, sa iyong malalim na pagkakilala kay Hesus at ang masigla at maligaya mong pagpapahayag sa kanila kung sino si Hesus ang anak ng Diyos sana ang pananamplataya nila ay lumalalim. Maging masaya, maging masigla. Simplehan mo ang buhay mo ‘yun lang naman ‘e. Pari ka alagaan mo ang pananampalataya ng sambayanan upang dumating ang panahon makilala ang parokya, Our Lady of Fatima, parokya ng mga kaibigan ni Kristo at tagapagpahayag kung sino si Kristo. Hayaan mo na ‘yung ‘a, ‘di ba Fatima? ‘Di ba airconditioned na iyan, hayaan mo na ‘yun. It doesn’t make a parish kahit naglilimahid sa pawis kung kaibigan ni Kristo kung nagpapahayag kay Kristo, tunay na parokya ‘yan. At kayo rin po mga minamahal na kapatid sa inyong mga kamay din ay ating iniintriga si Father Caloy. 1st time niya na mainstall bilang parish priest ano kayo? Bueno mano sariwang-sariwa ang inyong pari. Sana naman first love never dies. Sana hindi mangyari kaya alagaan niyo rin po siya, alagan niyo para lumalim ang kanyang pakikipag-kaibigan kay Kristo, lumalim ang kanyang pagpapahayag kahit sa gitnam ng hilahil, kahit sa gitna ng kalungkutan, katulad ni Martha doon sa dilim, ang liwanag ay si Hesus dahil nananalig ako sa anak ng Diyos. Sana po after 6 years, si Father Caloy parang may naiba yata sa iyo, ang naiba ay wow parang lumalim ang kanyang pakikipagkaibigan kay Kristo at ang pagpapahayag tungkol kay Kristo. Maitatanong ng mga tao ano bang pag-aalaga ang ginawa sa iyo ng mga taga-Fatima sa Mandaluyong.
Mag-alagaan po kayo at kung papaanong itinuro tayo ni Hesus bilang kaibigan, please pastor and the community maging mag-kaibigan nawa kayo kay Kristo. Tumahimik po tayo sandali at pasalamatan ang Diyos sa mga dakila niyang kaibigan tulad ni Santa Martha at tanggapin din po natin ang pakikipagkaibigan ni Hesus sa atin upang ito ang maging pundasyon ng ating buhay at ng ating parokya.
Amen.