2015-11-11

Mga minamahal na kapatid sa Panginoong Hesukristo, tayo po ay magpuri, magpasalamat sa Panginoon sa pagtitipon na ginaganap natin sa araw na ito. Naniniwala po tayo na ang Diyos ama ang tumawag sa ating lahat bilang kanyang mga anak, ang kapatid nating si Hesus at sa bisa ng kanyang pangalan kaya tayo ay nandito at ang pagtitig ng Esperitu Santo ang nag-uudyok sa atin upang hindi tapusin ang Year of the Poor, ang taon ng mga dukha kundi ito ay ipagpatuloy bilang puso ng simbahan.

Tayo po ay naghahanda para sa taong 2021, dahil sa 2021 atin pong gugunitain ang ika-limandaang taon ng pagdating ng Kristiyanismo sa Pilipinas at patungo doon sa 2021 ay idineklara ng mga Obispo ng Pilipinas taun-taon ang isang tema na natatagpuan sa PCP-2, doon sa 2nd Plennary Council of the Philippines na ginanap noong 1991. Kaya sinasariwa natin taun-taon ang ilang aspeto ng PCP 2 para ating maharap ang ika-limandaang anibersaryo ng Kristiyanismo bilang isang Simbahang pinagpanibago at ang ating 2015 ay nakalaan po doon sa tema ng PCP 2 “church of the poor”. So hindi na po ito bago kaya kapag may nag-iinterview sa akin sasabihin ano ho ang masasabi ninyo? Pakibasa na lang ho yung 1991 kasi parang laging bago, hindi po sinasariwa lang natin at sana naman pagkatapos ng year of the poor ay hindi maluma ang “church of the poor” kundi lagi laging maging bahagi ng isang simbahan nagpananibago. At ngayon nga po si Pope Francis nagpapaalaala sa atin ng pagiging church of the poor ay hindi isang socio-economic project lamang dahil ang simbahan ay hindi naman N-G-O, ang simbahan ay hindi social work body lamang, ito po ang napakalaking hamon na nandoon na rin naman sa PCP 2, ang pagiging church of the poor. Ang ating paglilingkod sa mga dukha, ang pagpasok ng mga dukha sa puso ng simbahan.

Ito ay hindi dahil sa ideolohiya, hindi ito dahil sa politika, hindi ito dahil sa isa lamang kultura, sa katunayan hindi natin kailangan ang ideolohiya para mahalin ang dukha, hindi natin kailangan ang political agenda para mahalin ang dukha, sabi ni Pope Francis para sa atin ito ay hinihingi ng pananampalataya. Dahil ang Diyos natin, ay ang Diyos na mahabagin, naririnig ang tinig, hinaing ng mga aba at sa takdang panahon ang anak ng Diyos hinubad ang kanyang dangal bilang anak ng Diyos, naging hamak na tao, naging dukha upang tayo mapagyaman sa buhay ng Diyos at ang Esperitu Santo na umiihip upang papanibaguhin ang balat ng lupa, ang esperitu santo ang nagbubuklod at nagbubuwag ng mga naghahati- hati upang sa isang sambayanan na nagmamahalan sa ngalan ni Hesus ang sumilang.

Kaya po ang ating dahilan bakit tayo may ganitong may marubdob na pagmamahal at pag-aaruga sa mga dukha, ay hindi dahil mayroong ideolohiya, hindi dahil mayroong isang partido, political na kailangan nating susugan. Hindi! ito ay hinihingi ng ating pananampalataya. Sinasabi ko ho yun kaagad kasi malapit na ang eleksiyon, marami na namang magmamahal sa mga dukha, sana tunay na pagmamahal at sa simbahan hindi po seasonal, hindi seasonal pag- aaruga at pagmamahal sa dukha. Kaya matapos man ang year of the poor, hindi natatapos sa pagiging church of the poor, hindi natatapos ang pagiging poor church dahil sumsunod tayo sa Diyos. Pasko man yan, ordinaryong panahon man yan, kuwaresma man yan, Birthday man yan, tag-araw man, tag bagyo hindi lumilipas ang ating pananampalataya at pagmammahal sa dukha. Kaya bukod po sa napakaraming panukala na bunga ng year of the poor, ang amin pong pakiusap huwag lamang maiwan sa mga panukala at proyekto kailangan yan pero sana magbukal sa paninindigang may pananamapalataya. Bumangon at manindigan. Ano ang dahilan para bumangon? Ang pananamplataya! Ano ang kinakapitan natin para manindigan? Ang pananamplataya! At hanggat nandiyan ang pananampalataya anumang taon, ano pa mang season babangon at maninindigan para sa mga dukha. Review lang po yan at ngayon naman sa mga pagbasa natin, itong dalawa nating pagbasa mula sa propeta Micah at sa ebanghelyo ni San Mateo, pareho sila tungkol sa judgement, paghuhusga. Sa unang pagbasa mula sa aklat ni Propeta Micah at entablado ay ang korte. At ito po ang nakakakilabot ang Diyos ang nagsakdal sa bayang Israel, ang Diyos ang nagrereklamo. Inirereklamo ang kanyang bayang Israel at sa ebanghelyo korte na naman si Hesus bilang hari kasama ang lahat ng Anghel, ang mga anghel na saksi sa huling paghuhukom. Hindi ho ako ang pumuli ng mga pagbasa ano ho, pinadala sa akin pero yun ang nakita ko agad ang dalawang pagbasa ay tungkol sa paghuhukom. Sa unang pagbasa, ito po. Inihain ng Diyos ang kanyang compalaint at ano ang kanyang reklamo laban sa bayang Israel? kawalan ng katapatan! Ipinagpalit ang tunay na Diyos sa mga huwad na Diyos at kapag ipinagpalit ang tunay na Diyos sa Huwad na Diyos apektado niyan ang ugnayan sa tao. Kapag ang sinasasamba ay hindi na ang tunay na Diyos. Maiiba na ang isip, puso at ugali ng isang tao. Kaya sinimulan ko sa ganun kanina, dapat maliwanag pananampalataya, kapag hindi na ang tunay na Diyos ang ating kinakapitan hindi na rin natin kakapitan at paninindigan ang paglilingkod sa dukha. Kakasangkapanin ang mga dukha. Ang usapin dito ay katapatan sa Diyos. Inilapit na ng Diyos ang kanyang complaint, ano ang sagot ng Israel? Mga kapatid, pakinggan natin ang tugon ng Israel, sabi ng Israel na nasasakdal ang tanong ng Israel sa Diyos. Oh Diyos ano ba ang kailangan mo, gusto mo ba magdala ako sa iyo ng mga handog na susunugin, gusto mo ba guya na isang taon na ang gulang, batang bata yan parang lechon de leche? O kung hindi ka kuntento sa isang guya gusto mo ba libu libong tupa o baka naman maliiit pa yang libu libong tupa, baka gusto mo sampu sampung libong ilog ng langis? Wow petrol,( laugh) libu-libong ilog ng langis at kung hindi ka pa masaya diyan ibigay ko kaya ang aking panganay na anak? O tatahimik ka na ba? Diyos ibibigay ko lahat sa yo yan, ei pumili ka mula sa susunuging handog palaki ng palaki hanggang pati ang anak ko ay ibibigay ko sa iyo o tatahimik ka na ba Diyos? Ano ang naging tugon ng Israel sa Diyos? Panunuhol! Pati Diyos susuhulan, sounds familiar, sabi nga nila meron ba namang makakatanggi kapag palaki ng palaki ang offer? ang akala ng Israel pati ang Diyos mapapatahimnik basta the offer is right! Ingat po tayo ho, ingat tayo yang ganyang mentalidad sa halip na magsuri sa halip na humingi ng tawad agad patahimikin! Pati ang Diyos na nagrereklamo, paano mapapatahimik suhulan? Napakabait talaga ng Diyos sabi nya, naku alam mo naman kung ano ang mabuti di ko naman kailangan yang tupa, di ko naman kailangan yang ilog-ilog ng langis sa akin nga galing yan ei isusuhol mo sa akin, ei ako nga ang pinagmulan nyan.

Hindi natin masusuhulan ang Diyos, siya ang may likha ng lahat, sabi niya simple lang naman ang hinihingi ko at alam nyo na gumawa ng may kaganapan ibigin at kaawaan at lumakad ng may kababaan na kasama ako. Kasama ang inyung Diyos! Huwag kayong humiwalay sa akin, sumama kayo sa akin at kapag kayo ang kasama, ako ang lakad nyo mababa at mamahalin ninyo ang katarungan, ang kaganapan ng buhay at ang aba. Humiwalay kasi kayo sa akin ei kaya naging mayabang kayo. Kaya nawalan kayo ng habag sa kapwa kaya hindi kayo naging makatarungan. Walk with God! Ang paglakad ng Diyos ay lakad mapagpakumbaba, makatarungan at mahabagin. Isa po ito sa hinahangad nating bunga ng year of the poor, ang lakad ng Diyos ay lakad ng isang makapangyarihan na pinili ang maging mababa at dukha, the walk of God is a humble walk. Kaya ang tanong natin, kapatid saan ba ang lakad mo? Sana sa lakad ng Diyos, kapag humiwalay sa lakad ng Diyos naku lakaran na yan lakaran, lakarin natin sa pamamagitan ng panunuhol at lalung darami ang mga dukha at pagtatapos na po, dito po sa ebanghelyo eto na naman naku para bagang siguro sabi ng Diyos talagang kailangan na paalalahanan ang tao na darating ang panahon na may paghuhukom pero huwag po tayung matakot sa Diyos kasi ang talaga namang huhusga sa atin ay ang ating mga gawa at yung hindi natin ginawa.

Sa ebanghleyo malinaw na malinaw yung mga gawa para maitaguyod, maibsan ang kalalagayan ng mga nagugutom, nauuhaw, mga walang matuluyan, walang damit, mga napipinid, yung ginawa o hindi ginawa sa kanila ang siyang huhusga sa atin.Pinapapaalala lang naman ni Hesus, pinakain mo ako, pinainum mo ako, hindi mo ako pinakain, hindi mo ko pinainum , hindi itong isang hukom na nag- iimbento ng ebidensiya, ang ebidensiya galing sa atin sa ginawa at sa hindi natin ginawa. Pinapaalala ni Hesus at ang tanung natin, kelan yan? Kasi nandun ako, yung sinasabi sa propeta Micas lakad ng Diyos si Hesus naglalakad kasama ang mga nagugutom, nauuhaw, walang damit, walang matirhan, iyan ang lakad ni Hesus. Saan ang lakad natin? Humihingi po tayo ng patawad ng Diyos, sa kalikasan, sa sambayanan, sa mga dukha, sa mga pagkakataong naging iba ang lakad natin.Aminin natin na kung minsan iba ang hakbang natin, iba ang sayaw natin.Humihingi tayo ng patawad, hindi tayo naghahangad na manuhol kundi magpapakumbaba ay yayakayapin ang sinabi ng propeta, alam mo naman ei ang dapat gawin mahalin ang kaganapan, mahalin ang pagiging mahabagin, magpakababa habang naglalakad kasama ang Diyos. At tingnan ang presensiya ni Hesus sa mga nagdurusa at naapi, balik tayo sa mata ng pananampalataya! Bilang pagtatapos po ngayon din po ay 25th anniversary ng Talleres de Nazareth kaya pagkatapos nito magmimisa ako dun ang ganda po din mga babae working class na noong 19 century sa pamamagitan ni Father Butina SJ at ni St. Bonifacia, ang talyer, ang workplace, ang lugar ng trabaho ay naging lugar ng dangal, naging lugar ng paglaya, naging lugar upang ang mabuting balita ay maranasan. Mayroong mga ganyang pagpupunyagi na kailangan nating ipagdiwang at habang tayo po ay nandito, ang kapatid natin na lumad sa ibat-ibang bahagi ng Mindanao naglakbay po dito sa Manila upang ipabatid ang kanilang sitwasyon, yung iba po ay nasa Liwasang Bonifacio, yung iba ay nasa Asilo, ang iba nasa Hospicio at salamat po sa mga nagkakawangawa na sila ay patuluyin. Inaanyayahan po ang lahat na magpadala ng tulong sa kanila, pakinggan ang kanilang kuwento at maging tinig din po tayo sa panawagan sa katarungan at kapayapaan. At isang kuwento po …. Noong isang buwan dahil po sa aking tungkulin sa Caritas International, pinapunta po ako sa refugee camp sa Greece. Mga tumatakas sa karahasan at sa giyera at sa kamatayan mula sa Syria, Iraq, Afghanistan, mayroon pang galing Sudan. Mga naglakad ng ilang buwan sumakay sa maliiit na bangka, yung iba napadpad sa kung saan-saan, yung iba namatay na sa dagat,yung iba napadpad sa mga isla, ang Greece, dinala sila sa Athens para kunin ang mga pangalan at mula sa Athens ay nag bus mga apat na oras papunta po sa Thessaloniki, naririnig natin yan sulat ni San Pablo, sa mga taga Tesalonica. Doon po sa bayang Idomeni na nasa border ng Macedonia, doon po kami pumunta talagang kitang kita po namin at amoy na amoy namin ang epekto ng giyera, ang epekto ng pagkagahaman. Hindi mo lang nakikita, naamoy mo … at yung mga tao po yung iba at yung isa may maliit lang na bag yun lang ang nakayanang bitbitin yung iba wala, ang dala lang ang kanilang mga damit, pero ang napansin ko po sa mga ganyang sitwasyon, kapag takbuhan na iiwanan mo na ang lahat, ang bibitbitin mo na lang ang pinakamahalaga, ano ang bitbit nila? Ang kanilang pamilya, mga anak at yung ibang mga magulang, tinatanong namin. Alam naman ninyo kung gaano kapeligroso bakit kayo nangahas? Sabi nila at least may nagawa kami para isalba ang aming mga anak kasi ang manatili doon ay peligroso din. At least may ginawa kami. Pero doon po sa gitna ng pagdurusa na yun, sabi nga ng isang journalist nakita ko na ang impyerno, pero sa gitna po nyan may makikita ka. Ang Diyos! naglalakad kasama nila. May isang ama kitang kita ko na pagod na pagod siya, at yung anak niyang babae ay kalong-kalong niya sa kanyang balikat noong nakakuha na ng pagkain pumunta doon sa isang lugar, nung nag-iikot na kami kita ko siya antok na antok nakasalampak doon sa buhangin pero yung bata naman gising na gising at gusto makipaglaro sa kanyang tatay. Yung ama ay antok antok na ganyan, pero ginigising nung bata at yung bata nilalaro laro yung tainga ng tatay nya yung mata, yung ilong ng tatay nya. Pero nagulat ako sa halip na sabihin nung tatay na tahimik matulog muna tayo. Hindi, nakita ko po yung tatay pilit niyang ginigising ang sarili niya para mapaligaya ang kanyang anak. Para mapagbigyan itong musmos na hindi naiintiindihan ang nangyayari na sa sandaling ito ay gusto lamang maging bata. Sabi ko nga hindi namamatay ang pag-ibig sa lugar na ito ng paghihirap, nandito ang Diyos, naglalakad kasama ang mga dukha at kapus-palad. Noong paalis na po kami, bumalik ako doon sa Caritas booth para magpasalamat sa mga volunteers, pagdating ko doon may nakita akong couple na mukhang bagong dating kanina wala sila ei di nagpasalamat ako. Tinanong ko tiga saan ho kayo? Sabi nila kami ay taga Asutralia pero pinanganak kami sa Pilipinas bata pa kami lumipat ang pamilya namin sa Australia, sabi ko Filipino po ako, Filipino po ako, sabi nung babae oo nga ei parang nakikita ko yung mukha ninyo kung saan-saan, sabi ko mukhang palasak na palasak ang mukha ko. Sabi ko anong ginagawa ninyo dito, sabi nila mga turista po kami nagtu-tour po kami dito sa mga island of Greece, nabalitaan namin na mayroong ganitong refugee camp kaya kaming mag-asawa nagdesisyun na iikliian namin ang tour at maglilingkod kami dito sa refugee camp. Saan ang lakad mo? Sila may nakahanda naglakad-lakad, turista pero nung narinig ang tawag ng Diyos nag-iba ng lakad. Simbahan ng Pilipinas saan ang lakad mo? Tayo po ay tumahimik sandali magpasalamat po tayo sa Diyos na bagamat tayo minsan ay matigas ang puso nagiging bulag,nagiging bingi siya ay tapat na Diyos, naglalakbay kasama ang mga nagdarahop at si Hesus nasa kanila.

Show more