2013-08-22

Mahigit sa 13,000 pamilya na biktima ng habagat na pinatindi ng bagyong Maring mula sa lalawigan ng Cavite,Bulacan,Laguna,Bataan at Metro Manila ang nabigyan ng Caritas Manila, ang social arm ng Archdiocese of Manila ng pang-tatlong araw na relief goods.

Sinabi ni Caritas Manila executive director at Radio Veritas President Father Anton Pascual na ang mga relief goods ay kinapapalooban ng mga canned goods,first aid kit,mga assorted na gamot,hygiene kit,200 sako ng used clothes, bottled water at tigli-limang kilo ng bigas na tatagal ng tatlong araw na konsumo ng isang pamilya.

“Nabigyan natin ng pangtatlong araw na tulong ang mga residente sa Bonifacio Creek, Cailles, Binay St, Bangkal at Guadalupe sa Makati City, Pasay City, Brgy. 829, 832, Ducepec, at Onyx sa Paco Maynila, gayundin ang Baseco Compound, Malate, Leveriza, at San Andres Bukid sa Maynila din, San Juan City, Mandaluyong City, Hermosa Creek, Tondo manila, Barangay 601 hanggang 603, Barangay 598 hanggang 600 at Bacood sa Sta. Mesa Manila, Balut, Tondo at iba pang bahagi nito kasama ang Tayuman sa Maynila gayundin sa lalawigan ng Cavite,Laguna,Bulacan at Bataan.”pahayag ni Father Pascual sa Radio Veritas

Taos puso namang nagpapasalamat si Father Pascual sa mga patuloy na nakikiisa sa isinasagawang Caritas Damay Kapanalig relief operations at kasalukuyang ginagawang Caritas Damay Kapanalig Telethon sa Radio.

Sa kasalukuyan, mahigit sa 2-milyong pisong cash donations na ang nakakalap sa Damay Kapanalig telethon bukod pa ang napakaraming in kind donations.

Isinagawa ang Damay Kapanalig telethon para lalo pang mapalawak ang pagbibigay tulong ng Caritas Manila at Radio Veritas sa mga nabiktima ng matinding pagbaha dulot ng habagat.

Kaugnay nito, magsasagawa ng 2nd collection ang Archdiocese of Cotabato sa darating na lingo ika-25 ng Agosto kung saan ang makakalap na pondo ay ibibigay sa CBCP-NASSA at Caritas Manila bilang tulong sa mga apektado ng pagbaha.

Ayon kay Fr. Pascual, maganda ang ginagawang proseso ng Caritas Manila at Radyo Veritas dahil sa mahigpit na ugnayan nito sa network ng Simbahan.

“Napakaganda ng ating proseso, alam naman natin dahil ang Simbahan ay malawak ang ating network sa parokya at sa ating mga chapel at BEC sa kalakhang Maynila at sa karatig probinsya tulad ng Bataan, Cavite, Bulacan, Rizal at Laguna, kaya’t we use our Church network to identify kung sino talaga ang mga biktima na nabahaan at talagang nalubugan ng bahay at nawalan ng hanapbuhay at sila ang kinukuha ng ating mga Social Action Directors dito sa Caritas Manila at from there doon natin ina-allot kung ano ang kailangan nila, food ba, medicine, clothes o mga iba pang kailangan, kaya we have to respond to what is the need, so far talaga food and water ang immediate need, alam naman natin na paghumupa ang baha, gamot na yan para sa respiratory illnesses at sakit sa balat ang mga kailangan nila,” pahayag ni Fr. Pascual.

Makatitiyak din anya na mismong ang mga dapat tulungan ang mabibigyan ng pang-tatlong araw na maaaring makain ng isang pamilya at walang duplication na nangyayari na isang kasiguraduhang lahat ay naaabot ng tulong.

“Importante ang coordinator with the local government, gaya ng DSWD, kagabi nakausap natin si Dinky Soliman para walang duplication, para nabibigyan ang lahat ng mga biktima talaga, ganundin mayroon din naman ibang Church organization at iba pang NGO gaya ng TV networks na nagbibigay din, pero heavily ang binibigyan nila yung mga nasa evacuation centers kasi wala naman silang network gaano sa baba, except the LGU and the barangay, kaya’t sinisiguro natin na walang duplication,” paglalahad ng pari.

Tiniyak ni Fr. Pascual na matapos ang pagsasagawa ng relief operation, makikisa din ang Simbahan sa rehabilitation effort para sa pagpapanumbalik ng mga tahanan at hanapbuhay ng mga biktima.

“After the relief, kailangan ay rehabilitation, andyan na ang mga minor repairs, mga bahay at nandyan din ang complete relocation sa pakikipagtulungan sa pamahalaan, ang Simbahan ay sumusuporta sa mga talagang dapat alisin sa mga hazardous areas ang mga mahihirap na pamilya, sapagkat hindi sila dapat nariyan, dapat ilagay sila sa more safer place at ang Simbahan at mga private sectors naman ay handang tumulong upang mabigyan natin ng materials to complete housing opportunities ang mga biktimang ito, para hindi paulit-ulit na taun-taon sila ay biktima,” pagtiyak ni Fr. Pascual.

Kasabay nito, muling nanawagan si Fr. Pascual sa lahat ng mga Kapanalig na anumang maliit na halaga ay ipaabot dahil kapag ito’y napagsama-sama tiyak na mas malaking tulong ang maibibigay sa mga biktima ng kalamidad.

“Lahat kayong mga Kapanalig at sa ating mga kaibigan na nakikinig sa Radyo Veritas at sa ating social media, sa internet, tayo ay patuloy pa rin po sa pagdarasal sa mga naging biktima ng habagat na ito na nagpapasalamat tayo sa Panginoon na lumabas na ang bagyong Maring at alam natin apektado ng Maring ang habagat, at nagpapasalamat tayo at humupa na ang ulan bagamat ang baha ay nariyan pa rin, tayo po ay patuloy pa rin sa pagkakawang-gawa sa mga napakaraming biktima na nasa mahigit dalawang milyon sa ating balita in all over Metro Manila, Central Luzon at iba pang mga karatig na probinsya natin na mas lubog sa baha kaysa sa atin sa Metro Manila ay nagbibigay po tayo ng panalangin at nagbibigay tayo ng aksyon sa pamamagitan ng relief operation, pagkain, gamot, damit at maibsan ang kanilang paghihirap kung mayroon po kayong maiaabuloy at gagamitin po natin ang organisasyon ng Simbahan sa pamamagitan ng Caritas Manila,” apela ni Fr. Pascual

Show more