Sabay-sabay na magpapatunog ng kampana ang mga Simbahan sa Diocese of Tagbilaran sa paggunita ng ikalawang taong anibersaryo ng magnitude 7.2 earthquake na nagdulot ng pagkasawi ng may mahigit 200 katao at pagkasira ng maraming bahay at establisyimento kasama na ang 20 mga simbahan.
Ayon kay Rev.Father Felix Warli Salise, Social Action Director ng Diocese of Tagbilaran, ganap na alas otso-dose ng umaga, ika-15 ng Oktubre ay sabay-sabay na patutunugin ang mga kampana sa lahat ng simbahan sa Bohol na susundan ng pagdiriwang ng banal na misa sa St. Joseph the Worker Cathedral na pangungunahan ni Tagbilaran Bishop Leonardo Medroso.
Aminado ang pari na ramdam pa rin ang pinsala ng magnitude 7.2 na lindol sa lalawigan ng Bohol makalipas ang dalawang taon lalo na sa mga nawalan ng mahal sa buhay.
Malaki naman ang pasasalamat ni Father Salise sa lahat ng patuloy na tumutulong at umaagapay sa kanilang pagbangon.
“Ang mga Boholano mapa-government o simbahan talagang nagpapasalamat sa mga tumulong, hanggang ngayon nakakatanggap pa kami ng mga tulong at kami nawa ay ipagdasal ng mga pamilya na nag-ambag habang sinisikap ng lahat ng mga tao dito na makabangon talaga at makapagsimula na ulit kasi hindi dapat huminto dapat magpatuloy sa atin pananamplataya at pamumuhay dito sa Bohol.” pahayag ni Fr. Salise sa panayam ng Radio Veritas.
Inamin naman ni Father Salise na hanggang sa kasalukuyan ay hindi pa rin tiyak ang plano ng pamahalaan sa mga nasirang heritage Churches sa lalawigan dahil halos walang nangyayari sa restorations.
“Iyong mga cultural heritage churches, yun ang problema, we have to go to the rules and regulation of the government. As of now clearing of debris, and filing of rocks pa din at nag-iintay tayo sa kung ano ang i-dictate ng Cultural Heritage Commission.” paglilinaw ni Father Salise
Magugunitang nasa ilalim na ng pamamahala ng National Commission for Culture and the Arts o NCCP ang mga nasirang heritage church dahil sa itinuturing ang mga ito na historical landmarks na kabilang sa mga dinadayo ng mga dayuhan at lokal na turista sa Bohol.