2013-12-17

Manila,Philippines– Hindi kumbinsido ang dating pangulo ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines o C-B-C-P na magkakaroon ng pang-matagalang kapayapaan sa Mindanao region sakaling maisakatuparan ang bangsamoro framework agreement sa pagitan ng pamahalaan at Moro Islamic Liberation Front.

Ayon kay Lingayen-Dagupan Archbishop emeritus Oscar Cruz, sa halip ay maari din itong pagsimulan ng kaguluhan lalut nakatutok lamang ang usapin sa M-I-L-F habang naisantabi naman ang Moro National Liberation Front, Bangsamoro Freedom Fighters, Sultanate of Sulu maging ang mga New People’s Army.

Sinabi ni Archbishop Cruz na ang nangyari sa Zamboanga city noong Setyembre ay isang halimbawa nang possible pang kaguluhan.

“Noon pa, sinabi ko na, it is an invitation to disaster. Pagkat bakit pinuwera si Misuari. Bakit ipupuwera mo yung isang paksyon, bakit? Kung gusto mo ng peace agreement bakit sa isang paksyon lang nakipag-usap? madaming paksyon yan, pati NPA nandiyan pa rin”.pahayag ni Archbishop Cruz sa panayam ng Radio Veritas

Noong Oktubre ng nakalipas na taon, nagkasundo ang gobyerno at M-I-L-F para sa pagbuo ng Bangsamoro agreement para sa Mindanao.

Sa kasalukuyan ay natapos na ang power at wealth sharing annex, habang sa Enero ng susunod na taon tatalakayin naman ang normalization annex bago isinunod ang transition para palitan ang umiiral na autonomous region in muslim Mindanao sa pamamagitan na rin ng pagsasabatas ng kasunduan sa Kongreso.

Kaugnay nito, umaasa naman si Cotabato auxiliary Bishop Jose Colin Bagaforo na ilalatag ng pamahalaan at M-I-L-F sa lahat ng stakeholders sa Mindanao ang kanilang kasunduan, power at wealth sharing agreement gayundin ang draft ng Bangsamoro basic law na papalit sa

A-R-M-M.(Marian Navales-Pulgo)

Show more