2013-02-21



Bigla na lamang nagbiro si Willie Revillame sa kanyang noontime show sa TV5, ang Wowowillie, kahapon, February 20, na kapag naputol daw sila sa ere ay baka hindi na raw siya papasok.

Ang tinutukoy ni Willie na maputol ay yung pag hindi pa tapos ang programa ay hindi na makabalik sa ere during commercial break at kasunod na programa na ang mapapanood, o kaya sa kalagitnaan ng mga huling bahagi ng isang show ay bigla na lang itong puputulin para maipalabas na ang kasunod na programa.

Matatandaang sa ulat ng PEP noong Lunes, February 18, sinagot ng TV5 entertainment head na si Perci Intalan ang tungkol sa timeslot issue ng Wowowillie na kadalasan ay nag-o-overtime at nasasagasaan ang ibang programa, katulad ng T3 at Aksyon.

Kahapon, bago pa man matapos ang second gap ng Wowowillie, nagsabi na si Willie na wala nang “Putukan” segment.

Mahabang paliwanag niya, “Gagawa kami ng paraan na hindi tayo maputol at matatapos tayo on time.

“Pasensiya na kayo, pinapaganda natin ang programa, pero meron tayong mga dapat sundin na patakaran… siyempre may mga ibang programa.

“Pipilitin naming matapos ng 2:45 [p.m.] so sa ganung paraan…

“Pasensiya na kayo, e, ganun talaga…

“Pinapaganda po namin ang aming games para maraming mananalo.

“Pero alam mo kasi may mga oras. Kasi kailangan nating matapos ng 2:45.

“So, 11:45 to 2:45 po, di ba, ganun po.

“Kasi sa Wowowee [noontime show niya noon sa ABS-CBN], three o’clock kami natatapos.

“May oras kami doon, e. Punung-puno kami ng commercials dun, di ba?

“E, ngayon ho, pasensiya na kayo kasi nag-a-adjust kami… well, ganun ho talaga.“We have to follow the policy of the company, susunod lang kami.

“After ng mga ito [‘Cge, Cge, Sayaw’ at ‘Tutok to Win’ segments], ‘Cash-Salo’ na and ‘Mini-Konsiyerto.’”

Ang “Mini-Konsiyerto” ay segment kung saan kumakanta ang mga regular co-hosts ni Willie na sina Ethel Booba, Arci Munoz, Ava Jugueta, at Ate Gay.

Dagdag pa ni Willie, “Then, ‘Willie of Fortune.’

“E, may mga bago sana kaming games, na hindi namin maipapasok… e, kasi papa’no ang gagawin namin?

“E, ganun ho talaga, e, susunod kami.

“E, gusto naming pasayahin [kayo], kaya lang ho kailangan naming matapos ng 2:45.

“Unfair naman sa ibang show, e… para maintindihan ninyo at naintindihan namin.

“So hanggang doon lang po kami at sana ay maintindihan ninyo.

“Yun lang!” sabay tawa nito at nagtawanan na rin ang mga audience.

Pagkatapos ay nagpaliwanag ulit si Willie.

“Okay ba, okay? Kasi yung iba dito, bumiyahe pa ng ilang oras—Pangasinan, Sorsogon, Bicol…

“Ang gusto sana namin ay makapaglaro kayo lahat, e, kaya lang po, e, ganun.

“Mamimili kami kung ang tatanggalin namin ay yung ‘Willie of Fortune’ o yung ‘Putukan,’ so tinanggal  namin yung ‘Putukan’ para mag-give way naman sa ibang programa.”

Pabiro pa niyang dagdag, “E, ayokong maptuol [sa ere], e.“Kasi pag maputol, masakit yun, masakit yun pag maputol ako.

“Hindi na ako papasok pag naputol ako, tandaan ninyo ‘yan dahil masakit po yun dahil kami nag-entertain lang sa inyo, masakit po yun.

“Kaya ayoko pong mangyari yun kaya bibilisan namin at pagagandahin namin ang mga segments namin.

“Okay ba sa inyo yun?” pagtatapos ni Willie.

SOURCE

Show more