Pinaghati-hatian ng tatlong pelikula ang karamihan ng mga tropeyong ipinamahagi sa Gabi ng Parangal ng 38th Metro Manila Film Festival na ginanap ngayong gabi, December 27, sa Meralco Theater, Pasig City.
Ang Thy Womb, El Presidente, at One More Try ang nakakuha ng pinakamaraming awards.
Ang One More Try ng Star Cinema ay nagwagi ng limang tropeyo; kabilang na ang Best Picture, Best Screenplay, at Best Actor para kay Dingdong Dantes.
Pitong tropeyo naman ang nakamit ng Thy Womb ng Center Stage Productions; kabilang na ang Gatpuno Antonio Villegas Cultural Award, Best Director para kay Brillante Mendoza, at Best Actress para sa Superstar na si Nora Aunor.
Ang historical film na El Presidente ng Scenema Concept International, CMB Films at Viva Films ay nagwagi ng anim na awards; kabilang na ang 2nd Best Picture at Best Suporting Actor para kay Cesar Montano.
Dalawang tropeyo naman ang napanalunan ng Sisterakas ng Star Cinema at Viva Films.
ACTING WINNERS. Napanalunan ni Nora Aunor ang kanyang ika-walong Best Actress trophy sa MMFF.
Tinalo ni Nora sa kategoryang ito sina Angel Locsin (One More Try), Angelica Panganiban (One More Try), Janice de Belen (Shake Rattle & Roll 14), at Judy Ann Santos (Si Agimat Si Enteng Kabisote at Si AKO).
Sa kanyang acceptance speech, sabi ng Superstar, “Kahit lima na lang manonood ng pelikula ko, patuloy pa rin akong gagawa ng makabuluhang pelikula.”
Balita kasing na-pullout na ang Thy Womb sa ilang sinehan dahil sa mahinang kita nito sa takilya.
Bago ang panalo niya ngayong gabi para sa Thy Womb, huling nanalo ang Superstar noong 1995 para sa kanyang pagganap sa Muling Umawit Ang Puso.
Napanalunan naman ni Dingdong Dantes ang kanyang ikalawang sunod na MMFF Best Actor trophy. Ang Kapuso actor din ang nanalong Best Actor noong isang taon para sa role niya sa horror-suspense film na Segunda Mano.
Ang mahigpit na kalaban ni Dingdong sa Best Actor ay si Governor ER Ejercito para sa pagganap nito bilang si President Emilio Aguinaldo sa El Presidente.
Ang iba pa nilang mga nakalaban ay sina Herbert Bautista (Shake Rattle & Roll 14), Bembol Roco (Thy Womb), at Vice Ganda (Sisterakas).
Matatandaang sina Dingdong at ER din ang naging mahigpit na magkatunggali bilang Best Actor noong nakaraang taon para sa Segunda Mano at Manila Kingpin: The Asiong Salonga Story, respectively.
Humabol ngayong gabi si Dingdong na galing pa sa taping niya para sa primetime series ng GMA-7 na Pahiram Ng Sandali. Noong nakaraang taon ay hindi nakarating si Dingdong.Ang model-comedienne na si Wilma Doesnt naman ang itinanghal na Best Supporting Actress para sa pagganap niya sa comedy film na Sisterakas.
Tinalo ni Wilma sa kategoryang ito sina Gina Pareno (One More Try), Cherry Pie Picache (The Strangers), Arlene Muhlach (Shake Rattle & Roll 14), at Janice de Belen (The Strangers).
Ayon sa direktor ng Sisterakas na si Wenn Deramas, na tumanggap ng award para kay Wilma, ay kasalukuyan daw buntis ang modelo.
Si Cesar Montano nagwaging Best Supporting Actor para sa kanyang pagganap bilang si Andres Bonifacio sa El Presidente.
Nakalaban ni Cesar sa kategoryang ito sina Zanjoe Marudo (One More Try, Robert Arevalo (Sosy Problems), Baron Geisler (El Presidente), at Christopher de Leon (El Presidente).
Ito ang ikalawang Best Supporting Actor trophy ni Cesar sa MMFF.
Una siyang nanalo noong 1989 para sa Ang Bukas Ay Akin.
Bukod dito ay may tatlong Best Actor trophies na ssi Cesar: Jose Rizal (1999), Bagong Buwan (2001), at Ligalig (2006).
Sina Kris Aquino at KC Concepcion ang nagsilbing hosts sa Gabi ng Parangal ng 38th Metro Manila Film Festival.
LIST OF WINNERS. Narito ang listahan ng mga nagwagi sa 2012 Metro Manila Film Festival:
Best Actress – Nora Aunor (Thy Womb)
Best Actor – Dingdong Dantes (One More Try)
Best Picture – One More Try
2nd Best Picture - El Presidente
3rd Best Picture - Sisterakas
Gatpuno Antonio Villegas Cultural Award - Thy Womb
Best Director - Brillante Mendoza (Thy Womb)
Best Supporting Actress – Wilma Doesn’t (Sisterakas)
Best Supporting Actor - Cesar Montano (El Presidente)
Best Screenplay - Anna Karenina Ranos (One More Try)
Best Original Story - Henry Burgos (Thy Womb)
Gender Sensitive Award - Thy Womb
First Fernando Poe Jr. Memorial Awards of Excellence - One More Try
Best Editing – Vito Cahilig (One More Try)
Best Cinematography - Odyssey Flores (Thy Womb)
Best Production Design – Brillante Mendoza (Thy Womb)
Best Visual Effects - Shake Rattle & Roll 14
Best Make-up – El Presidente
Best Theme Song - "El Presidente" by Apl.de.Ap (El Presidente)
Best Musical Score - Jesse Lazaten (El Presidente)
Best Sound - Albert Michael Idioma (El Presidente)
New Wave Category
Best Picture - The Grave Bandits
Jury Prize - Ad Ignorantiam
Best Director - Tyron Acierto (The Grave Bandits)
Best Actress - Liza Diño (In Nomine Matris)
Best Actor - Allan Paule (Gayak)
Gender Sensitive Award - In Nomine Matris
Student Short Film - (Manibela)
Special Awards:
Female Star of the Night - Nora Aunor
Male Star of the Night - Erap Estrada
SMDC Five Star Male and Female Celebrity of the Night – Zanjoe Marudo and Bianca King
SOURCE