2015-07-27

PRESIDENT BENIGNO AQUINO III’S 2015 STATE OF THE NATION ADDRESS

BATASANG PAMBANSA COMPLEX, QUEZON CITY

JULY 27, 2015

(Original Filipino text)

Video Courtesy: Rappler

Bago po ako magsimula, hihingi ako ng paumanhin dahil hindi natin nagawa ang traditional processional walk; hindi na rin natin nakamayan ang lahat ng nag-abang. Medyo masama po kasi ang ating pakiramdam sa kasalukuyan.

Bise Presidente Jejomar Binay; mga dating Pangulong Fidel Valdez Ramos at Joseph Ejercito Estrada; Senate President Franklin Drilon at mga miyembro ng Senado; Speaker Feliciano Belmonte, Jr. at mga miyembro ng Kamara de Representante; Chief Justice Maria Lourdes Sereno at ang ating mga mahistrado ng Korte Suprema; mga kagalang-galang na kagawad ng kalipunang diplomatiko; mga miyembro ng Gabinete; mga opisyal ng lokal na pamahalaan; mga kasapi ng militar, pulis, at iba pang kawani mula sa ating unipormadong hanay; mga kapwa ko nagseserbisyo sa taumbayan; at sa aking mga Boss, ang mga minamahal ko pong kababayan: Magandang hapon po sa inyong lahat.

Ito ang aking ikaanim na SONA. Muli akong humaharap sa Kongreso at sa sambayanan upang iulat ang lagay ng ating bansa. Mahigit limang taon na ang lumilipas mula nang itinigil natin ang wang-wang, hindi lang sa kalsada, kundi sa buong lipunan; mula nang pormal tayong nanumpang labanan ang katiwalian upang masugpo ang kahirapan; at mula nang natuto muling mangarap ang Pilipino – ang atin pong mga Boss. Mga Boss, ito ang kuwento ng ating paglalakbay sa Daang Matuwid.

Nito lang pong Biyernes, pinasinayaan natin ang Muntinlupa-Cavite Expressway. Una po ito sa nakapilang Public-Private Partnerships na tayo ang nag-apruba, at sa ilalim ng administrasyon natin binuksan sa publiko. Sa ating mga sinundan: Halos magmakaawa ang pamahalaan sa pribadong sektor na lumahok sa mga proyekto. Ngayon sila na ang sumusuyo—dito nga po sa MCX, binayaran pa tayo ng premium na 925 million pesos para sa pribilehiyong itayo ang imprastrukturang kailangan natin. Sa taas din ng kumpiyansa nilang kikita ang proyekto, sabi ng private proponent, libre na ang unang buwan ng toll sa MCX.

Talaga nga pong napakalayo na ng ating narating. Para isakonteksto ito, magbalik-tanaw tayo.

Dinatnan natin ang taumbayang na manhid na sa walang-humpay na alegasyon ng kasinungalingan, pandaraya, at pagnanakaw.

Ipinagmalaki sa ating sapat na raw ang mga classroom. Iyon pala, umaabot sa apat na shift ang mga klase. May pumapasok nang madilim pa, at may umuuwing madilim na—pero lahat sila, naiiwan sa dilim dahil hindi sapat ang oras ng pag-aaral.

“Uninterrupted growth”[1] ang ibinida ng ating sinundan sa kanyang huling SONA. Pero nang suriin po, malaking bahagi pala nito ay galing sa remittances ng mga taong nawalan ng pag-asa sa Pilipinas. Ika nga po, “People were voting with their feet.” Kung gagayahin ko ang ganitong estilo, kikilabutan akong angkinin ang tagumpay na nagmula sa pagpapalayas ng ating mga kababayan.

Nang papalapit ang eleksyon ng 2004, lampas 700 milyong piso ang diumano’y pinambili ng fertilizer na di-angkop sa pananim, sobrang taas ng presyo, at sa maraming pagkakataon ay hindi man lang nasilayan ng mga magsasaka. Sino kaya ang napataba ng patabang ito? Klarong hindi pananim o magsasaka. Naaalala rin po siguro ninyo ang NBN-ZTE scandal. Inimbestigahan namin ito sa Senado; may nagsabing siya raw ay tinangkang suhulan. Nang usisain, ayaw namang magsalita dahil may executive privilege daw siya. Hindi rin naman maipatawag ang dating Pangulo—kaya ang natirang matatanong ay ang alipores niyang akusado ng panunuhol. Natural, itinanggi niya ang paratang.

Noong mga panahong iyon, maski bata, natutuhan na ang salitang “scam.” Naaalala siguro ninyo: Ang Hello Garci, na sinagot lang ng “I am sorry.” Ang mga tunay na bank account ng bogus na si Jose Pidal. Ang tinangkang Constitutional Assembly para habambuhay na manatili sa puwesto. Ang EO 464 na nagtangkang supilin ang katotohanan. Ang pagdeklara ng State of Emergency, para umilag sa checks and balances ng 1987 Constitution ukol sa Martial Law. Ang midnight appointments. Ang Calibrated Preemptive Response na ginamit laban sa mga nagpoprotesta. Sa wika pa lang po, mali na ito. Paano nauuna ang response? Para mo na ring sinabing nag-reply ka sa taong hindi ka naman tinext.

Ito po ang mga headline na araw-araw nating inalmusal bago tayo manungkulan. Pag-upo naman natin sa puwesto, sunod-sunod nating nadiskubre ang kalokohan ng ating pinalitan. Nabanggit ko na po sa mga nakaraang SONA: Sa NFA, pinalobo ang utang mula 12.3 billion pesos noong 2001, patungong 176.8 billion pesos noong Hunyo 2010. Sinabayan ito ng sobra-sobrang pag-angkat ng bigas na nabulok lang sa kamalig. Sa PAGCOR, isang bilyong piso para sa kape. Sa MWSS: Patong-patong na pabonus. Sa Laguna Lake: higit sa 18 bilyong piso ang tinangkang lustayin sa paglalaro ng putik. Di ko nga po lubos maisip kung paanong naatim ng mga pasimuno nito ang makinabang sa pagdurusa ng ating mga kababayan.

Bawat opisyal ng gobyerno, nanumpang maging makatarungan sa kapwa at sumunod sa batas. Pero klaro: Ang ginawa ng nauna sa atin, kabaliktaran nito. Nakita natin ang pinakamasahol na ehemplo noong Nobyembre ng 2009, nang pinaslang ang 58 na Pilipino sa Maguindanao. Isipin lang ito, mali na. Ginawa nila, lalong mali pa. Pero ang matindi po: Naniwala silang malulusutan ito, dahil nasa poder sila—kaya nila itinuloy. Ilang halimbawa pa lang po ito na batid ninyo, napakarami pang iba.

Sa ganitong situwasyon, masisisi ba natin ang mga kababayang lumikas na dahil walang makitang pag-asa?

Gaya ninyo, sumagi rin sa isip kong sumuko. Nang pumanaw ang aking ina, lalo pang nabawasan ang ating kumpiyansa; nawala ang aming pinuno at inspirasyon sa pagtutulak ng pagbabago. Sa burol niya, may lumapit sa akin at nagmungkahing tumakbo raw po ako sa pagka-Pangulo. Ang sagot ko: hindi naman ako masokista. Kasama ako sa nagpapahinto ng mga ginawang mali; batid ko ang lubha ng sitwasyon. Tiyak ko ring may mga detalye pang inilihim sa atin, at sadya ngang mas malaki pa sa ating nalalaman ang problema. Nang ako nga po ay tawagin ninyo para maglingkod, ang naging tanong ko: Kung hindi agad malutas ang mga problema, gaano kahaba ang magiging pasensya ng aking mga Boss, bago nila ibaling ang galit sa akin?

Isa sa mga nakakumbinsi sa akin si G. Alex Lacson. Ang sabi niya: “Simulan mo lang ang pagtigil sa pang-aabuso, sapat na. To stop the hemorrhaging would be enough.”

Pakinggan po natin siya:

[VIDEO 1: ALEX LACSON]

Noon pa man, alam na nating katiwalian ang ugat ng pagdurusa. Kaya nga, ang sigaw po natin: Kung walang corrupt, walang mahirap.

Matinding pagsisikap, tapang, political will, at tiwala sa Diyos at kapwa ang kinailangan upang isabuhay ang kaisipang ito. Siyempre po, ang mga dalubhasa ng lumang kalakaran, hindi maamong tupang papayag na lang matigil ang pagkakataon nilang magsamantala. Ginamit at patuloy nilang ginagamit ang impluwensiya at salapi upang labanan ang agenda ng pagbabago. Ginamit din nila ang poder para maghanda ng mga salbabida sa panahon ng paghuhusga.

Ang Ombudsman na itinalaga para bantayan ang katiwalian, diumano’y nagbulag-bulagan sa mga eskandalo ng nakaraang administrasyon. Na-impeach siya sa Kamara, at nagbitiw sa puwesto bago malitis ng Senado. Ang Punong Mahistradong tila ba may pagkiling sa nag-appoint sa kanya, ay napatunayang naglihim ng yaman at ari-arian sa SALN, na-impeach ng Kongreso at na-convict ng Senado.

Kapalit nila, nagtalaga tayo ng mga taong may integridad at sariling pasya. Ang bagong Ombudsman: si Conchita Carpio-Morales. Ang bagong Chief Justice: si Ma. Lourdes Sereno. Ngayon, may sapat na panahon na siyang magpatupad ng reporma sa Hudikatura.

Pati po sa ibang ahensya, nagtalaga tayo ng tapat at matatapang na pinuno. Sa COA, agad nating inilagay si Chairperson Grace Pulido-Tan. Sa Ehekutibo naman, nag-appoint din tayo ng mga palaban: Si Commissioner Kim Henares sa BIR, at si Secretary Leila de Lima naman sa Department of Justice. Wala silang inatrasan sa pagtupad ng kanilang tungkulin. Sa inyong lahat, isang taos-pusong pasasalamat.

Sa itaas, gitna, o ibaba ng burukrasya, napakarami nang sinuspinde, tinanggal sa puwesto, sinampahan ng kaso, o di kaya’y nasa piitan. Kung may nagdududa pang tunay nang nakapiring ang katarungan, maganda po sigurong ituon nila ang pansin sa tatlong senador na kasalukuyang naka-detain, at sa dating pangulong naka-hospital arrest.

May mga magsasabi: mag-move on na raw tayo. Ako naman po ay naniniwala sa sinabi ni George Santayana: Ang makalimot sa mali ng nakaraan, garantisadong uulitin ito.

Tingnan po ninyo ang ginagawa ng mga nagkasala sa atin. Una, ipinapalimot ang kanilang mga nagawa. Pagkatapos, sasabihin nila, “Kawawa naman kami.” Sinamantala na nga tayo, sinasamantala pa ang likas nating pagkamaawain, para tuluyang makatakas sa pananagutan. Ang kasunod, gagawa sila ng paraan para makabalik sa poder. Di ba’t iyan naman talaga ang kanilang master plan, upang patuloy pa tayong pagsamantalahan?

Natutuhan ko nga po sa aking mga magulang, sa simbahan, at sa mga proseso ng batas: Anumang paghihilom ay nagsisimula sa pag-amin at pagsisisi ng nagkasala. May naalala ba kayong nagsabing, “Sorry sa pagnanakaw at pang-aabuso, handa na akong magbago”? Ang sa akin lang po: Makakamove-on lang tayo kapag nakamtan ang katarungan.

Nagpatuloy nga po ang pagsasaayos ng mga institusyon, upang muli silang maituon sa tunay nilang mandato. Halimbawa: Sa Government Owned and Controlled Corporations. Ang mga itinalaga dito, nanumpang pangalagaan ang yaman ng bayan. Ang masakit, maski nalulugi na nga ang mga GOCC, kaliwa’t kanang benepisyo’t insentibo pa ang ipinamudmod nila sa kanilang sarili. Kumbaga sa baka, habang ginagatasan ang institusyon, gusto pang karnehin. Kaya ang dibidendo ng nakaraang administrasyon, 84.18 billion pesos lang sa loob ng siyam at kalahating taon.

Sa atin, nabawasan na ang GOCC’s sa pagpapasara ng mga nawalan na ng saysay, pero dahil pinatino ang palakad: Umabot na sa 131.86 billion pesos ang dibidendo sa loob ng 5 taon mula nang tayo po ay maupo. Hindi nga po malabong bago tayo bumaba sa puwesto ay madodoble na natin ang dibidendo ng ating pinalitan, na mas mahaba ang panahon para mag-ipon.

Ganitong paninindigan din ang ipinamalas natin sa BIR, na siyang pinakamalaking revenue generating agency ng pamahalaan. Dumating tayong pinakamataas na sa kasaysayan ang 778.6 billion pesos na koleksyon noong 2008. Tinambakan natin ito. Noong 2012, 1.06 trillion pesos ang nakolekta ng BIR—ang unang pagkakataon sa kasaysayang tumawid ng 1 trillion pesos ang ating koleksyon. Nitong nakaraang taon, umakyat na ito sa 1.3 trillion pesos, at aabot pa sa 1.5 trillion pesos ang malilikom ngayong 2015. Limang taon lang ang kinailangan para mapantayan, mahigitan, at halos madoble ang pinakamalaking nakolekta ng ating sinundan. Nagawa ito nang tumutupad sa pangakong ‘di magpapataw ng bagong buwis, maliban sa Sin Tax Reform.

Paano narating ito? Simple lang po: Ako po ay naniniwala na mabait si Comm. Kim Henares. Si Comm. Kim Henares, walang tax evader na sinanto. Ngayon, 380 kaso na ang naisampa laban sa mga nagtangkang umiwas sa buwis. Ginawa rin niyang episyente ang sistema ng pagbabayad ng buwis, at sinigurong malinaw sa lahat ang kanilang tungkuling makiambag sa pag-angat ng bansa.

Sa Pambansang Budget: Sa ilalim ng pinalitan natin, laging reenacted ang bahagi o kabuuan nito. Noong 2007, halimbawa, halos Abril na naaprubahan ang GAA. Masama na po, na ang mga proyektong natapos na ay pinondohang muli. Ang mas malala: Pati ang Maintenance and Other Operating Expenses, kabilang na ang pasahod, ay kasama sa reenacted budget na ito na tapos nang mabayaran. Ibig sabihin, ang nakasahod na ng unang tatlong buwan ng 2007, pinaglaanan pa ulit ng pondo. Saan kaya napadpad ang sobrang hiniling?

Ang napatunayan natin: Kung makatuwiran ang mungkahi ng Ehekutibo sa budget, maayos ang magiging diyalogo sa mga miyembro ng Kongreso. Agarang maipapasa ang GAA, mas mapapabilis ang pagdating ng serbisyo sa ating mga kababayan, at mas maagang maiibsan ang kanilang paghihirap.

Naging malinaw ang mensahe: Seryoso tayo sa pagbabago; patas ang laban dito. Ang resulta: kumpiyansa sa ating ekonomiya.

Nang nagsisimula pa lang tayo, hindi ko inasahang manunumbalik agad ang tiwala ng mundo sa Pilipinas. Ang inisip ko lang po noon: Itigil ang kalokohang umiiral sa sistema, para mahinto ang paglubog nang sitwasyon ng ating kababayang naghihikahos sa kahirapan. Sumagi man lang ba sa isip ninyo na magtutuloy-tuloy ang pag-angat natin sa global competitiveness rankings, at magiging tanyag tayo dahil sa bilis ng paglago ng ating ekonomiya? Ngayon, ang Pilipinas, nabansagan nang “Asia’s Rising Tiger,” “Asia’s Rising Star,” at “Asia’s Bright Spot.”

Ngayon nga po: Sa kauna-unahang pagkakataon, investment grade na tayo ayon sa mga pinakatanyag na credit rating agencies. Malinaw ang sinasabi nito sa mga negosyante: Sulit mamuhunan sa Pilipinas; nabawasan na ang peligro sa pagnenegosyo dito. Ngayon, mas mababa ang interes at mas mahaba ang panahon ng pagbabayad ng utang, na nakakaengganyo sa mga negosyanteng tumaya sa Pilipinas. Sa pagtatayo at pagpapalawak ng negosyo, sisigla ang kalakalan, lalakas ang kompetisyon, at dadami ang oportunidad. Lahat ito, direktang resulta ng pagsulong ng reporma sa Daang Matuwid.

Tingnan po natin: Noong 2010, nasa 1.07 billion dollars lang ang net foreign direct investments na pumasok sa ating bansa. Noong 2014, pumalo na ng 6.2 billion dollars ang net foreign direct investments. Ito po ang pinakamataas na naitala sa ating kasaysayan.

Pati sa domestic investments, napakasigla ng mga numero; ngayon, ang Pilipino, tumataya sa kapwa Pilipino. Ikumpara natin: Mula nang una itong itala noong taong 2003 hanggang sa pag-upo natin noong 2010, 1.24 trillion pesos lang ang approved na domestic investments. Mula naman third quarter ng 2010 hanggang 2014, ang ipinasok na puhunan ng ating mga kababayan sa merkado: 2.09 trillion pesos.

Sa manufacturing naman po: Aaminin ko, noong unang nanungkulan tayo, isa sa mga pinakamalaking palaisipan ang pagbabalik ng sigla sa sektor na ito. Humarap sa maraming hamon ang mga industriya: Kuryente pa lang, napakamahal na nga, di pa tiyak. Di rin po biro ang pagtatayo ng pasilidad, dahil malaking puhunan ang kailangan para sa mga makina at pagsasanay ng mga tao. Kaya po ultimo low-tech na electric fan noon, kinailangan pa nating angkatin.

Dahil sa repormang nagpanumbalik ng kumpiyansa sa ating bansa, lumago ang manufacturing sector. Ang 3 percent annual average growth ng sektor mula 2001 hanggang 2009, naiangat natin sa 8 percent mula 2010 hanggang 2014.

Malinaw po: Kaya nang makipagsabayan ng Pilipino. Dati, ang tanging bentahe natin ay ang mababang pasahod sa ating mga manggagawa. Ngayon, dinadala na rin dito ang mga pabrika ng hi-tech na kagamitan: mula sa mga bahagi ng eroplano, electric tricycle, mga printer, at iba pang digital media products, hanggang sa high-quality medical devices gaya ng aortic catheter, at gamit para sa in vitro diagnostics at hemodialysis treatment.

Pakinggan po natin kung gaano kalinaw ang pagbabago:

[VIDEO 2: PETER PERFECTO]

Alam po natin: Ang pangunahing sukatan kung tunay na tumatalab sa karaniwang Pilipino ang pag-unlad ay ang nalilikhang trabaho. Suriin natin ang pagbabago sa aspektong ito.

Taon-taon, mahigit 800,000 ang mga bagong pasok sa ating labor force. Idagdag na rin po natin diyan ang naiulat na pagkaunti ng Overseas Filipinos. Noong 2011, nasa 9.51 million ang naitalang Overseas Filipinos ng Department of Foreign Affairs. Sa huling datos naman ng Disyembre ng 2014, nasa 9.07 million na lang ito. Hindi kalabisang isiping marami sa tinatayang 440,000 nabawas sa kanila ay bumalik sa Pilipinas, at nakahanap ng trabaho.

Bagamat may bagong salta sa merkado, mga balikbayan, at dati nang walang trabaho, ang unemployment rate, bumaba sa 6.8 percent noong nakaraang taon. Ito ang pinakamababa sa loob ng isang dekada. Linawin ko rin po: Permanenteng trabaho ang nalikha natin; hindi tayo nag-hire ng magwawalis ng kalsada tuwing survey period lang para kargahan ang resulta.

Kaakibat ng paglikha natin ng trabaho ang maaliwalas na ugnayan ng manggagawa at negosyante. Ikumpara po natin. Noong siyam at kalahating taon ng nakaraang administrasyon, ang natuloy na labor strike: 199, o halos 21 kada taon. Sa limang taon po natin, ang suma-total ng natuloy na nag-strike: 15 lamang po. Noon nga pong 2013, ang nag-strike sa buong bansa: isa. Ito ang pinakamababa sa kasaysayan ng DOLE.

Kaya talaga naman pong bilib na bilib tayo kay Secretary Linda Baldoz, at sa sektor ng manggagawa at mga nangangasiwa. Kay Sec Linda: Hindi ka lang magaling; napakadali mo pang katrabaho dahil lagi siyang positibo. Ikaw na nga ang tinagurian kong Pastora ng Gabinete. Maraming salamat sa iyo, Linda.

Talagang napakalaki na nga po ng pagbabago. Noon, ang mga signage na lagi nating nakikita, “No Vacancy”. Ngayon, nagkalat ang mga anunsyong “For Immediate Hiring”; magbukas ka lang ng dyaryo, makikita sa classified ads ang maraming kompanyang naghahanap ng mae-empleyo. Ang iba nga, pagandahan pa ng insentibo. Merong magpa-interview ka lang, ililibre ka na ng almusal. Iyong isa naman, kapag na-hire naman, sagot na rin nila ang blow-out para ipagdiwang ang bago mong trabaho.

Nabanggit nga po sa akin ng ilang negosyante na pahirapan na ngayong makahanap ng accountant. Maalala ko po kasi noong bata ako, marami ang BS Commerce Major in Accountancy. Bumisita tayo sa Bicol University, naikuwento ko ito sa kanilang presidente. Tanong ko: Di ba meron kayong accountancy program? Meron daw po, pero kahit sila ay nahihirapang punuin ang sariling accounting department. Bakit? Kasi ang mga estudyante nila, nasa 3rd year pa lang, nire-recruit na ng mga accounting at auditing firms.

Ito pong pagpapaganda, nagawa po ito dahil sa pagtugon sa tinatawag na job-skills mismatch. Dati, maraming nagsasabing wala silang trabaho, kahit napakarami namang bakanteng posisyong nakatala sa PhilJob-Net na hindi napupunuan. Ang simpleng dahilan: Hindi tugma ang kakayahan ng ating mga kababayan sa hinahanap ng merkado. Simple lang din po ang solusyon dito: Kausapin ang mga prospective employer, para malaman kung anong klaseng kaalaman ang hinihingi ng mga posisyong binubuksan nila. Dito naman tayo nagsasanay sa trainees, upang masagad nila ang oportunidad.

Ang prinsipyo ng ating pamumuno: Sa halip na bigyan ang kapwa ng isda, turuan siyang mangisda. Ang pag-unlad at pagkakataon, sinisiguro nating masasagad ng ating mga kababayan. Hindi puwedeng daanin sa trickle down, “bahala na” o “sana” ang pag-abot nito sa mga pinakamahirap. Ang paninindigan natin: inclusive growth.

Ang agenda: ayuda, kaalaman, kasanayan, at kalusugan, para walang maiiwan. Ang isa sa mga mekanismo: Pantawid Pamilyang Pilipino Program.

Pinalawak natin nang husto ang saklaw nito. Ngayon, nasa mahigit 4.4 million na ang kabahayang nakikinabang sa programa. Malayong-malayo ito sa dinatnan nating 786,523 lamang na kabahayan. Nitong taon, 333,673 ang nagtapos sa high school; kabilang sila sa unang batch ng ating mga benepisyaryo sa pinalawak na Pantawid Pamilya. 13,469 sa kanila ang tumanggap ng honors at iba’t ibang gantimpala. Iyon nga pong dalawang benepisyaryong nakilala ko, nakapasok sa quota course na Civil Engineering sa University of the Philippines.

Ang lahat po ng benepisyaryong ito, tataas ang antas ng kaalaman; sa halip na menial jobs ang pasukan ay malamang makakuha sila ng mga trabahong maayos ang mga suweldo. Income tax pa lang nila, bawi na ang puhunan ng estado, at maitutuloy natin ang siklo ng pagbibigay-lakas sa mga nangangailangan. Bonus pa po ang lalong magandang kinabukasang nag-aabang para sa mga honor students na pinagtapos ng programa.

Pakinggan po natin ang isang natulungan ng Pantawid Pamilya:

[VIDEO 3: CCT HONOR GRADUATE – ALYANNAH TERITE]

Sa Pantawid Pamilya, kapalit ng tulong sa mga benepisyaryo, pangunahin nilang dapat tutukan ang pag-aaral ng mga anak. May paunang bunga na po ito: Ayon sa pag-aaral ng Philippine Institute for Development Studies, noong 2008, mayroong 2.9 million na out of school children sa ating bansa. Lumaki ang ating populasyon, pero noong 2013, ang natirang out of school children, 1.2 million na lang po. Idiin po natin ang diperensya: 1.7 million. Para po nating pinuno ng estudyante ang humigit-kumulang 42,500 na bakanteng classroom. Siyempre, bukod sa Pantawid Pamilya, may kontribusyon din ang Alternative Learning System para masigurong pati ang mga katutubo at street children ay hindi napapag-iwanan.

May mga nagtatanong pa nga rin po: Nasaan ang resulta ng Pantawid Pamilya? Sagot po natin diyan: Naman. Ang akala kaya nila, itong Pantawid Pamilya ay parang mahiwagang tabletang kapag ininom ng kinder, pagkatapos ng ilang oras ay college graduate na? Tulungan natin silang magbilang: 13 taon ang K to 12, samantalang 6 na taon lang ang aking termino. Nahahalata tuloy kung sino ang medyo matinding nambobola.

Ang lakas din ng loob ng ibang ipagsigawan: May leakage daw ang Pantawid Pamilya noong sinuri. ‘Yun pala, para makapangutya sila, 2009 datos ang ginamit. Paalala lang po: Kalagitnaan ng 2010 nang ako’y naging Pangulo; mukhang ibang pinuno ang dapat nilang singilin sa tinatawag nilang leakage. Malamang, pagdating ng panahong ang mga benepisyaryo’y nag-aambag na sa ekonomiya, ang mga tumutuligsa ngayon, mag-uunahang magsabing sila ang ama o ina ng pinalawak na Pantawid Pamilya.

Sa sektor naman po ng edukasyon: Sinisiguro nating napupunuan ang mga pagkukulang ng nakaraan, natutugunan ang mga pangangailangang dumarating sa kasalukuyan, at napaghahandaan pati ang para sa kinabukasan.

Unang dalawang taon pa lang natin sa puwesto, naisara na ang dinatnang backlog na 61.7 million textbooks at 2.5 million na upuan. Pagdating ng 2013, ang backlog na 66,800 classrooms, at ang kulang na 145,827 na guro, natugunan na rin sa tulong ng ating local government partners.

Sa estima ng DepEd, mula 2010 hanggang 2017, ang kabuuang bilang ng madaragdag na estudyante: 4.7 million. Bunsod po ito ng pagdami ng enrollees at pagpapatupad natin ng K to 12. Para matugunan ito, kailangan nating magdagdag ng tinatayang 118,000 classrooms. 33,608 dito, naipatayo na. Ngayong taon, nakasalang na ang pagpapagawa ng mahigit 41,000. Ang natitirang 43,000, nakapaloob na sa inaasahang ipapasang 2016 ninyong budget bukas.

Tinatayang 130,000 naman ang kailangan nating guro. Nitong 2014, ang na-hire na ay 29,444. Ngayong taon, ang kabuuang bilang ng guro na target nating ma-hire: 39,000. Ang natitira pang 60,000, nakapaloob na sa panukalang 2016 budget na sana po’y aprubahan ninyo. Ayon nga po kay Bro. Armin, ang suma-tutal ng naipagawa nating mga classroom at na-hire na guro ay higit pa sa pinagsama-samang nagawa mula sa nakalipas na 20 taon bago tayo manungkulan.

Naipamahagi na natin ang karagdagang 73.9 million textbooks, na susundan pa ng 88.7 million ngayong taon. Ngayong 2015 din, naihatid na sa mga paaralan ang 1.6 million na upuan, na daragdagan pa uli ng 1.6 million bago matapos ang taon. Sa budget na isusumite natin para sa 2016; nakalagay na ang pondo para sa dagdag pang 103.2 million textbooks, at 4.4 million na upuan. Malinaw po: Hindi na tayo mag-iiwan ng sakit ng ulo sa susunod sa atin.

Linawin ko lang po: Nagpatupad tayo ng K to 12 dahil hindi praktikal ang pagsisiksik ng kaalaman sa 10-year basic education cycle. Natandaan po ninyo, noong tayo ay nag-umpisa, tatatlo na lang tayong bansa na may 10-year basic education sa buong mundo. Kinukuwestyon na ang credentials ng ating mga kababayan sa ibang bansa; mayroon na ring nademote, dahil hindi raw sapat na patunay ng kakayahan ang diploma natin. Kung ang lumang kalakaran sa edukasyon ay maihahalintulad sa manggang kinalburo, ngayon, sinisiguro nating hinog ang kakayahan ng mga estudyante na magpanday ng sariling kinabukasan.

Pakinggan po natin ang isang patunay:

[VIDEO 4: K TO 12]

Kung sa tech-voc naman pumasok, nakahanda na rin ang ating pinalakas na mga programa para sa kanila. 7.8 million na ang mga nagtapos sa iba’t ibang kurso ng Technical Vocational Education and Training na pinangangasiwaan ng TESDA. Sa Training for Work Scholarship Program lang po, umabot na sa 821,962 ang napagtapos. Ano na kaya ang sitwasyon nila ngayon? Ayon sa pag-aaral, 71.9 percent na ang agad nakahanap ng trabaho, kumpara sa 28.5 percent dati. Ang ilang industriya pa nga, talagang pumapalo na dahil 91.26 percent po ang employment rate ng mga nasa semiconductors and electronics industry—konti na lang po, 100 percent na.

Naikuwento nga po sa atin ni Sec. Joel Villanueva: May OFW na napilitang umuwi. Akala niya, wala nang pag-asang umasenso. Nag-aral siya ng “hilot wellness massage” sa TESDA; ngayon po, 4 na ang branch niya ng spa. Naikuwento ko na rin noong nakaraang SONA ang isang PWD na dating barker; ngayon, escalation supervisor na siya sa isang BPO.

Sa Sari-sari Store Training and Access to Resources Program o STAR naman, may isang sari-sari store owner na kumikita dati ng 800 pesos kada araw; ngayon, 4,000 pesos na ang kita niya. Kung susumahin nga po, pareho na ho kami ng suweldo ko ang kita ng benepisyaryong ito, kahit hindi parehong stress ang dinadaanan namin.

Paano nagawa po ito? Sinanay siya sa bookkeeping, inventory management, accounting, at iba pa. Talagang bilib na tayo, dahil pati kung paano siguruhing mapupunta sa tama ang dagdag na kita, itinuturo din sa STAR program.

Pakinggan po natin ang isa sa mga nakinabang sa programa ng TESDA:

[VIDEO 5: TESDA STAR BENEFICIARY]

Dumako naman tayo sa sektor ng kalusugan. Sa maraming Pilipino, sagabal sa pagtupad ng mga pangarap ang pagkakasakit. Ang mga pamilyang umaasenso, back to zero kapag tinamaan ng karamdaman. Nauubos na nga ang ipon, nababaon pa sa utang.

Sa PhilHealth po: Dumating tayong 47 milyong Pilipino lang ang benepisyaryo. Halos dinoble na po natin ito: Nitong Hunyo, pumalo na ang saklaw ng ating PhilHealth sa 89.4 million Filipinos. Ang pagbabago pa nga po: Tuwing eleksyon, parang kabuteng nagsulputan ang mga bagong benepisyaryo ng PhilHealth. Imbis kasi na pangangailangan ng taumbayan, interes ng kandidato ang naging basehan. Tinama na natin ang ganyang kalakaran.

Heto pa po. Noong 2012, inanunsyo natin: Kung kabilang ang pamilya mo sa lowest quintile o ang pinakamahirap na 20 porsyento ng ating populasyon, at nagpagamot ka sa pampublikong ospital, sigurado, wala kang kailangang bayaran. Simula po noong 2014: Lumawak na iyan para saklawin ang susunod na quintile sa ating lipunan. Ibig sabihin, para sa pinakamahirap na 40 porsyento, libre na ring magpagamot sa mga pampublikong ospital. Ito po ‘yung pagkalingang tinatawag ng iba na palpak at manhid. Ang tugon ko po, sabi nga ni Aiza Seguerra noong araw: I thank you, bow.

Ngayon, pakinggan po natin ang ilan sa mga resulta ng pinaigting na PhilHealth program:

[VIDEO 6: PHILHEALTH BENEFICIARY AND VIDEO 7: GOVERNOR LILIA PINEDA]

Muli po nating balangkasin ang kuwento ng nakaraang limang taon. Hinabol natin ang mga corrupt at nilinis ang sistema, na nanganak ng kumpiyansa po sa ating mga merkado. Pumasok ang negosyo, lumawak ang oportunidad, habang binibigyang-lakas nating magkatrabaho ang Pilipino. Sila ang tumatangkilik ng mga negosyo; ito naman pong mga negosyo, nakikitang meron nang level playing field; naaasahan ang pag-asenso nang hindi kailangang mandaya. Nagpapalawak sila ng operasyon, at umeempleyo ng mas maraming tao. Siklo po ito: Katarungan, tiwala, paglago ng ekonomiya, pagkakataon, pag-asenso. Boss, ito mismo ang diwa ng “Kung walang corrupt, walang mahirap.”

At hindi lang natin nakamtan ang pagbabago; ang transpormasyong ating tinatamasa ngayon, lagpas-lagpas pa sa inasahan noong simula.

Ang Cadastral Survey, na sinimulan pa noong taong 1913, tapos na natin. Inabot ng halos isang siglo ang mga nauna sa atin para matapos ang 46 percent nito. Ang mahigit kalahati pong natitira, nabuno natin sa 5 taon sa puwesto. Ito pong Cadastral Survey ang tumutukoy sa hangganan ng mga lupaing saklaw ng bawat lungsod, bayan, at lalawigan sa Pilipinas. Sa ARMM, halimbawa, para bang nanganganak ang lupa: Sabi ng mapa, 1.2 million hectares lang ang meron, pero kung susumahin ang idinedeklarang lupa, 3.7 million hectares ang inaabot. Ngayon, dahil naayos na ang land record system, wala nang nanganganak na lupa sa ARMM.

Noong 2011 po, inimbentaryo natin ang mga sitio; tinukoy natin kung sino pa ang nangangailangan ng kuryente. Gawa ng Sitio Electrification Program, nakapaghatid na tayo ng liwanag sa 25,257 sitiong natukoy sa imbentaryong ito. Dagdag pa rito, dahil sa paggamit ng solar at iba pang teknolohiya, kahit malayo o liblib na lugar, nagkakakuryente na rin. Ngayon po, 78 percent na ng target ng SEP ang energized na, at tinitiyak ng DOE na bago tayo bumaba sa puwesto, lahat ng naitala noong 2011, may kuryente na.

Tunghayan po natin ang isang magsasakang nakinabang sa ating Sitio Electrification Program.

[VIDEO 8: SITIO ELECTRIFICATION]

Sa aviation naman po, sunod-sunod din ang good news: Ang significant safety concerns na ipinataw ng International Civil Aviation Organization noong 2009, natanggal na noong 2013. Sa parehong taon, pinayagan ng European Union ang ating flag carrier na muling lumipad patungong Europa. Noong 2014 naman, isa pang local carrier ang pinayagan ng EU, habang inangat na tayo ng US Federal Aviation Administration sa Category 1, mula sa nangyaring pag-downgrade sa Category 2 noong 2008.

Dahil dito, dumadami ang flights papasok at palabas ng bansa, at napapadali ang paglipad ng mga turista sa loob ng Pilipinas. Ang maganda pa: Nitong Hunyo, inalis na rin ng EU Air Safety Committee ang travel ban sa lahat ng ating air carrier. Ito po ang unang pagkakataong tinanggal nila ang ban sa buong civil aviation sector ng isang bansa. Ngayon, lahat ng airlines natin, direkta nang makakalipad papuntang United Kingdom, Italy, at iba pang bansang kasapi ng EU.

Sa seafaring: 2006 pa lang po, kinuwestyon na ng European Maritime Safety Agency o EMSA ang ating pagsunod sa Standards of Training, Certification and Watchkeeping for Seafarers. Dahil dito, nagkaroon ng bantang hindi kilalanin ng EU ang ating maritime education certificates. Kung hindi tayo umaksyon, may potensyal na mawalan ng trabaho ang tinatayang 80,000 marinong Pilipinong naglalayag sa mga barkong Europeo.

Agad na kumilos ang MARINA at DOTC para iayon ito sa mga pandaigdigang pamantayan. Hanggang ngayon, kinikilala pa rin ng EU ang ating mga sertipikasyon. Sa susunod na audit ng EMSA na magsisimula ngayong Oktubre, ang garantiya ng MARINA: Tiyak, papasa na po tayo.

Kay Sec. Jun Abaya: Huwag ka sanang panghihinaan ng loob kung tila nalilimot ng iba ang nagawa mo para sa ating mga marino, ang pagtanggal ng ICAO sa significant safety concerns sa ating aviation sector, ang pag-alis ng European ban sa ating mga eroplano, at ang pag-akyat natin sa Category 1 ng US Federal Aviation Authority. Ipinagbawal mo rin ang pagpapalaot ng barko kapag may bagyo, na nakatulong upang mailayo sa panganib ang pasahero. Bihira na po tayo makakakita ng balita na may lumubog na barko. Lahat ng ito, naisasantabi dahil sa masalimuot na hamong hinaharap natin sa pampublikong transportasyon. Pinakamalaking halimbawa na nga po ang MRT.

Bihira ang nagbabanggit na may katuwang tayong pribadong korporasyon, na naalala ang kanilang mga karapatan, pero tila ba nalimot ang kanilang mga obligasyon. Ang katuwang na ito, sagot ang maintenance. Dapat, noong 2008, nagkaroon ng general overhaul ang MRT, pero nang suriin ng Department of Transportation and Communications, halos pagpipintura lang ang pinagawang overhaul. Sa pagwawalang-bahalang ito, parang ginarantiyang masisira ang tren. Di po ba miski sinong kumpanya, dapat sinisigurong masusulit ang kanilang investment? Pero hinayaan lang nilang lumala nang lumala ang situwasyon hanggang umabot sa puntong ipinasa na sa atin nang ora-orada ang pagsasaayos ng MRT.

Nang aayusin na natin, bigla naman silang humirit, sila na lang daw ulit. Pero ang mungkahi nilang pagsasaayos, di hamak na mas mahal kaysa atin. Siyempre, katumbas nito, dagdag na gastos at perhuwisyo sa taumbayan. Hindi tayo pumayag, at kumilos na lang para makakuha ng mga ayuda gaya ng bagong bagon. Ang problema, mapilit ang korporasyon, kaya’t pina-TRO nila ang pagbili nito. Kaya umabot sa ganitong situwasyon ang MRT.

Secretary Jun: Ikaw, ako, at ang buong Kamaynilaan, hindi natutuwa dito. Ang trabaho ng pribado, ipinasa sa atin. Ang solusyon naman natin, hinarang nila. Malinaw nang hindi magtatagpo ang agenda natin at ng MRTC. Ngayon: Humahakbang na tayo para i-buy-out ang korporasyon. Pag naayos ito, ang estado na lang ang tanging magdedesisyon.

Habang sumasailalim sa prosesong ito, nagsasagawa na tayo ng agarang maintenance. Paparating na rin ang mas malalaki at pangmatagalang solusyon. Sa susunod na buwan, darating na ang prototype ng bagong bagon; pag pumasa ito sa pagsusuri, mula Enero ay 3 bagon ang sisimulang i-deliver kada buwan hanggang makumpleto ang inorder nating 48. Ongoing na rin ang proseso para sa mga bagong riles, at pag-uupgrade ng signalling system at automatic fare collection system; inaasahan ang lahat ng ito bago tayo bumaba sa puwesto. Ang power supply para sa mga tren, ma-uupgrade bago matapos ang 2016. May 12 escalator na ring maaayos bago matapos ang taong ito, habang ongoing na ang procurement para sa rehabilitasyon ng 34 pang escalator at 32 elevator. Ipapaalala ko lang po: Hindi puwedeng laktawan ang proseso sa mga bagay na ito; ayaw na nating maantala ng kaliwa’t kanang demandahan ang ating mga hakbang.

May mga nagsasabi nga pong may blinders daw ako para sa taong matagal na nating kasama sa Daang Matuwid. Ako, mulat sa maganda, pero batid rin ang mga hindi maganda. Ako ba ang may blinders, o itong mga pangit lang ang nakikita?

Sa Sandatahang Lakas naman: Noong Nobyembre ng 2010, nagkaroon ng panibagong tensyon sa pagitan ng North at South Korea; pinangambahang magkakaroon ng giyera doon. Kinailangang magsagawa ng plano para ilikas ang lagpas 46,000 na Pilipino sa South Korea, pati na ang 8 kababayan nating nasa North Korea.

Nang tanungin natin ang AFP kung anong asset ang magagamit para sa evacuation, ang sagot nila, may nag-iisang C-130 ang Air Force. Ano ang pinakamabilis na round trip? 10 oras. Ang lulan: Nasa 100 katao. Kinalkula ko po: Lagpas 46,000 ang Pilipinong dapat ilayo sa gulo; ibig sabihin, sa pinaka-episyenteng kondisyon, 460 round trips po ito, na higit sa 4,600 oras o tinatayang halos 200 araw ng pagbiyahe. Hindi naman maasahang kakayanin ito ng lumang C-130. Kung barko naman daw ang ide-deploy, 1,000 katao ang kakayaning iuwi sa isang biyahe. Suwerte na kung abutin ng 10 araw ang roundtrip. Kung natuloy ang gulo, baka tapos na ang putukan, di pa tayo nakakapaglikas nang husto. Kumilos tayo agad para matugunan ang limitasyong ito.

Ngayon, ang dating nag-iisang C-130 na nagagamit natin, tatlo na, at target nating makakuha ng dalawa pa. May kasama na rin sila; nariyan na ang una sa 3 binili nating C-295 medium lift transports at paparating na po ngayong taon ang 2 kapatid nito. Asahan na rin natin ang 2 pang C-212 light lift transports bago matapos ang 2015.

Kung patong-patong na pagsubok ang ating kakaharapin, gaya noong nangyari noong 2013, kailangan din nang mas marami at mas malalaking assets. Nang tumama si Yolanda, nasira ang mga daungan; naging limitado ang kakayahan nating magdala ng ayuda. Sa ganitong pagkakataon, mahalaga ang tinatawag na landing craft utility na puwedeng dumaong sa dalampasigan. Ngayon, magiging 10 na ang dinatnan nating 4 na landing craft utility: Mayroon na tayong BRP Tagbanua. Sa mga susunod na linggo, darating din ang 2 Landing Craft Heavy mula sa Australia; napakagalante nga po ng pagkakabigay nito, pati spare parts at generator kasama. Target pa nating bilhin ang 3 na inaayos na natin ang papeles, upang sumulong na ang proseso. Dahil sa mga ito, kapag panahon ng sakuna, mababawasan ang pangangailangang umasa sa kawanggawa ng ibang bansa. Mas mapapabilis ang paghahatid sa iba’t ibang panig ng Pilipinas ang ayuda, supplies, at iba pang naglalakihang equipment gaya ng bulldozer na kinakailangan para sa clearing at relief operations.

Kung pagtatanod sa ating teritoryo naman ang pag-uusapan, ang F5 fighter jet na niretiro noong 2005, mapapalitan na ng 12 na bagong FA-50 fighter. Sa Disyembre lalapag ang unang 2 unit niyan, at makukumpleto naman ang delivery pagdating ng 2017. Nariyan na rin ang mga barkong pandigma na BRP Gregorio del Pilar at Ramon Alcaraz, 7 sa 13 na na-order nating AW-109 helicopters, 6 sa 8 Bell-412 helicopters, 617 na troop carrier trucks, at 50,629 assault rifles. Target din nating makuha ang 2 pang frigates, 6 na Close Air Support Aircraft, 142 armored personnel carriers, at iba pang makabagong kagamitan gaya ng 49,135 units ng force protection equipment, 2,884 na grenade launchers, at karagdagang 23,622 na assault rifles. Sa kabuuan po, may 56 na tayong proyektong natapos para sa modernisasyon, at may 30 pa tayong inaprubahan; ikumpara niyo ito sa 45 na proyektong natapos ng 3 administrasyong nauna sa atin.

Pakinggan natin ang isa sa mga kawal ng ating Air Force:

[VIDEO 9: PAF]

Sa kapulisan naman, sa unang pagkakataon sa ating kasaysayan, ang bawat pulis, may sarili nang baril. Para naman lalong malinang ang kakayahang mag-“shoot, scoot, and communicate” ng ating kapulisan, naipamahagi na ang unang 302 patrol jeeps, na bahagi ng kabuuang 2,523 na pino-procure natin. Ipinamahagi na rin ang 179 sa 577 na bagong utility vehicles. Naipagkaloob na rin natin ang 12,399 na handheld radios. Nagpo-procure na rin po tayo ng 30,136 na long firearms, 3,328 investigative kits, at dagdag pa ring 16,867 na radyo. Pakinggan po natin kung paano ito nakakatulong sa trabaho ng ating kapulisan:

[VIDEO 10: PNP]

Kakambal po ng kagamitan ang stratehiya nating “work smarter.” Isinasabuhay ito ng Oplan Lambat-Sibat na sinimulang ipatupad sa Metro Manila. Pinag-aralan natin ang modus ng mga kriminal, at stratehikong dineploy ang ating kapulisan. Kaya nga po nahuhuli ang mga “big fish” na nagmamando sa mga gang, nabubuwag ang mga sindikato, at bumaba ang krimen sa bansa.

Sa loob ng ating termino, halos 163,000 na wanted ang nahuli ng PNP; higit 1,000 na gang naman po ang na-neutralize, at 29,294 na baril na walang lisensya ang nakumpiska sa buong bansa. Sa NCR po: Mula Enero hanggang Hunyo ng 2014, nasa 37 ang kaso ng murder at homicide kada linggo. Dahil sa Oplan Lambat-Sibat, bumaba na ito sa 23 kaso kada linggo nitong Hunyo. Sa robbery, theft, at carnapping naman para sa parehong panahon: nasa 444 na lang ang lingguhang average sa NCR, mula sa dating 919.

Nitong nakaraang linggo lang, nahuli na si Dexter Balane, na lider ng robbery and holdup group na kasabwat ng Martilyo Gang. Nariyan din ang kilabot na mag-asawang Tiamzon, si Kumander Parago, at ilan pang kadre ng CPP-NPA-NDF gaya nina Ruben Saluta at Emmanuel Bacarra; ang napakailap na si Jovito Palparan, pati na ang mga lider ng BIFF na sina Basit Usman, Mohammad Ali Tambako, Abdulgani Esmael Pagao, at ang international terrorist na si Marwan.

Kita po ninyo: Kinakalinga ng Estado ang unipormadong hanay, at sinusuklian nila ito. Sabay ng bagong gamit, itinaas natin ang combat pay ng mga sundalo at subsistence allowance ng buong unipormadong hanay. Nakapagpatayo na rin tayo ng higit 57,000 housing units para sa kanila; aabot pa ito sa mahigit 81,000 bago tayo bumaba sa puwesto. Sa mga kampo naman, mayroon tayong mga programang pangkabuhayan, at kasama na sa mga nakikinabang dito ang mga kawal na nasugatan o nabaldado sa paggawa ng tungkulin. Upang magkaroon ng partikular na tuon sa kanila, inatasan ko na po ang AFP na makipag-ugnayan sa Gabinete, upang magsagawa ng mga inisyatibang titiyak na magkakaroon ng disenteng pamumuhay ang mga nagsakripisyo para sa bayan.

Dumako naman po tayo sa imprastruktura. Naaalala ko pa noong Congressman ako sa Distrito ng Tarlac: Pag tag-araw, mala-disyerto ang Tarlac River. Pag umuulan naman, rumaragasa ang ilog, at kasama sa napipinsala ang MacArthur Highway. Tinanong natin, sino ba ang in-charge sa flood control sa aming distrito? Lumapit kami sa Pampanga River Delta Project noon; Ang sabi po nila, ‘yung Lower Agno Project daw ang may saklaw nito. Pagpunta naman namin doon, pinabalik kami papuntang Pampanga. Kaysa tulungan kami, nagturuan lang sila.

Tapos na ang panahon ng pag-iwas sa responsibilidad. Sa Daang Matuwid, isa-isang naipapatayo ang imprastrukturang matagal nang hinintay ng Pilipino. Nabanggit ko na ang ilan dito: Nariyan ang Lullutan Bridge sa Isabela, na dalawang dekadang hinintay ng mga kababayan natin doon tulad ni Governor Bulut; ngayon, nabuksan na. Ang Jalaur River Multi-Purpose Project sa Iloilo, naisip ipatayo noong taong isinilang ako; nag-ground breaking na po tayo para sa stage 2 nito.[2] Ang Balog-Balog Multipurpose Project Phase 2 sa Tarlac, 1980’s pa plinano; ngayon, aprubado na ito, at nagsimula na ang proseso ng bidding.

Ang Basilan Circumferential Road, taong 2000 pa sinimulang ipatayo, pero matagal nabinbin dahil sa kaguluhan sa lalawigan. Hinahadlangan ng masasamang elemento ang pagpapatayo nito, dahil oras na ito’y maipagawa, magiging mas mahirap ang kanilang pagtakas sa batas; mapapabilis rin ang pagdating ng serbisyo, kaya’t hihina ang impluwensya nila sa mga kababayan natin doon. Ngayon, 3 tulay na lang ang tinatapos sa kahabaan nito, pero ang malaking bahagi, dinadaanan na.

Nabanggit ko na po ang Muntinlupa-Cavite Expressway na binuksan noong Biyernes. Bukas na rin ang unang dalawang bahagi ng Tarlac-Pangasinan-La Union Expressway o TPLEX. Ang Phase 2 naman ng STAR Toll, tapos na rin. Kapag nabuo pa ang Cavite-Laguna Expressway Project, ang C-6 Phase 1, ang Metro Manila Skyway Stage 3, at ang NLEX-SLEX Connector Road, lalong magiging malawakan ang benepisyo ng ating stratehiyang pang-imprastruktura.

Para po tugunan ang pagbaha, mayroon din tayong pagsasaayos at maintenance ng flood control projects. Ilan sa mga ito ang Pasig-Marikina River Channel Improvement Project Phase 2, na natapos noong 2013; ang high impact flood control projects para sa NCR at mga karatig bayan, matatapos na sa Nobyembre, at target naman nating makumpleto ang Blumentritt Interceptor Catchment Area sa susunod na taon. Ang Laguna Lakeshore Expressway Dike naman, ia-award na rin sa Disyembre.

Tiyak ko pong batid ng lahat: Hindi batayan kung kapartido ang pinuno sa lalawigan, o kung nanalo tayo doon; ang tanging tanong natin: May pangangailangan ba? Hayaan po nating magsalita ang ilan sa ating mga natulungan:

[VIDEO 11: GOV BULUT AND CONG ALVAREZ NG OCCIDENTAL NEGROS]

Kay Governor Bulut, ikadalawampu ako sa puso ninyo noong Senatorial election noong 2007, at ikaapat noong Presidential elections. Sa mga ipinapatayong struktura, di naman siguro ninyo masasabing malayo kayo sa puso ng Pilipino. Kayo na rin ang testigo: Sa pagkakaroon ng proyekto, hindi boto ang basehan, kundi pangangailangan.

Kay Congresswoman Alvarez naman, na ilang beses na nga pong nag-posing nang nakahiga sa mga kalsadang nakumpleto natin: Pasensya na, Chedeng, pero sa susunod na humiga ka sa kalsada, ipapahuli na kita: Obstruction of traffic ang violation ninyo.

Malinaw ang ating stratehiya: Sa pagpapagawa ng mga kalsada, tulay at iba pang struktura, iniibsan natin ang dapat ibsan, at pinapabilis ang paghahatid ng benepisyo. Ang panawagan ko nga po, makiambag sana tayong lahat, at maging handang magsakripisyo.

Halimbawa po: Para matugunan ang madalas na pagbaha sa Maynila, isinulong natin ang pagpapagawa ng catchment area; pero tumutol po dito ang isang malaking unibersidad. May lumang gusali daw kasi silang baka maapektuhan. Isa pa po: Kailangan nang i-retrofit ang Guadalupe Bridge dahil maaari itong bumigay kapag lumindol. Puwede bang isara ang tulay na ito, nang dadaloy pa rin ang trapiko sa EDSA? Kaya nga hindi puwedeng ipagawa na lang ang tulay nang basta-basta. Para magawa ito, kailangan ng alternatibong daan. May mungkahi at tinatayang 70,000 ang kayang dumaan kada araw dito. Kung magawa ito, ito pong tulay na alternatibo at parallel sa Guadalupe, kung magagawa ito, mapapagawa na ang Guadalupe nang buong-buo. Kaya lang po, sa rutang pinili o dapat na daanan, may mga grupong diumano’y tumututol. Sang-ayon silang maayos ang Guadalupe at kailangang ayusin, sang-ayon silang lumuwag ang EDSA kapag nagkaroon ng panibagong tulay, basta raw ang proyekto, huwag sa kanila itatayo nang hindi sila maabala. Kung ganito nga po ang pananaw, talagang maaantala ang pagpapatayo ng kinakailangan nating imprastruktura.

May mga pagkakataon din pong hindi na nga tayo tinulungan, naglagay pa ng balakid ang nasa lokal na antas. Halimbawa po, may tinamaan ng sakuna. Agad-agad tayong pumunta; sinalubong ako ng Congressman at ng Mayor, pero ang kumausap sa akin, City Administrator at Vice Mayor. Ang sabi natin, meron nang kagamitan ang DPWH, at handa na kaming itayo ang temporary shelter; kailangan na lang ng lupang pagtatayuan. Ang sagot nila, mayroon daw silang 30 ektaryang puwedeng gamitin. Ang masakit, pagbalik ko, walang kahit anong ibinahagi dahil may paggagamitan daw sila.

Isang horror story lang po iyan. Ang sa atin po: Kami, nandito para tumulong. Ipipilit namin ang ayuda hangga’t kaya at naaayon sa batas. Kung ayaw nilang makipagtulungan, ang masasabi ko po: Eleksyon na sa susunod na taon, at ang mga Boss natin ang huhusga kung sino ang nakabawas o nagpalala ng pagdurusa.

Tumungo naman po tayo sa Public Private Partnerships. Kapag pinagsama natin ang solicited PPP projects ng nakaraang tatlong administrasyon, ang suma-total: 6 na proyekto. Sa atin, may 50 proyekto na: Ang 10 dito, awarded na; ang 13, nasa bidding; habang 27 naman ang nakapila pa. Kayo na po ang magkumpara sa pagkakaiba.

Dati, walang nakikisali sa proyekto, ngayon, nag-uunahan na ang mga pribadong kumpanya, at nagbibigay ng premium. Suma-total, ang primang natanggap natin mula sa mga kumpanyang katuwang sa PPP, umabot na sa 64.1 billion pesos, na napupunta naman sa kaban ng ating bayan. Kada matagumpay na proyekto, magbubunsod din ng higit na kumpiyansa, na siyang magpapabilis sa pagpapatayo natin ng iba pang kinakailangang imprastruktura. Ang pagtitiis ng ating mga Boss, maiibsan, kundi man matatapos na.

Para naman sa imprastrukturang paparating pa lang, hihilingin ko rin: Kalma lang po tayo. Ang procurement, mabilis na ang apat na buwan para makumpleto. Swerte ka na kung ang inorder mong computer, maideliver sa loob ng panahong iyan. Paano pa kaya kung pagpapatayo ng tulay ang pinag-uusapan?

Ang sa akin nga po: Di na baleng hindi ako ang mag-groundbreaking o ribbon-cutting. Ang mahalaga: Gawing pulido at naaayon sa batas ang mga proyekto, para oras na maaprubahan ito, dire-diretso ang pagpapatupad; miski sino ang sumuri, papasa ang kalidad ng ating ipinatatayo. Alam po ito ng ating Gabinete: Sa Cabinet o NEDA Board meeting, minsan na akong nagbirong dapat magdala ng kumot ang mga dadalo, dahil tiyak na gagabihin kami. Personal ko kasing sinisiyasat ang detalye, para pag iniharap ito sa ating mga Boss, sasabihin din nilang, “Aprub kami, dahil nakikita naming tapat ang proseso, at tiyak ang pakinabang sa proyekto.”

Napakalaki na po talaga ng pagbabago. Noon ang Pilipino, naglaho ang pag-asa. Ngayon naman po: Sa pinakahuling SWS survey, lumabas na 8 sa bawat 10 Pilipino ang tiwalang magiging kahanay, kundi man kahanay na ang Pilipinas sa “developed countries”. Mayroon din pong survey ng Gallup, Inc., isa sa pinakamatanda at iginagalang na polling agency sa buong mundo. Tinanong nila ang mamamayan sa 145 na bansa, “Would you say that now is a good time or a bad time to find a job?” to quote. Lumabas po na ang Pilipinas ang may pinakamataas na job optimism sa buong Asya-Pasipiko, at pangalawa sa buong mundo.

Kumpiyansa nga po ang ating mga kababayan sa stabilidad ng kanilang kinabukasan. Ngayon, miski bagong pasok pa lang sa trabaho ay nakakapaghulog na para sa sariling sasakyan o condo unit. Di na nakakagulat na nitong nakaraang taon, tumaas ng 27 percent ang car sales sa Pilipinas. Ang paniniwala ngayon: Kayang-kaya nang bayaran, di lang ang down payment, kundi maging ang monthly amortization. Sa dami ng nakakapagpundar ng bagong sasakyan, dalawa sa pinakamalaking kompanyang inaabot ng dalawa’t kalahati hanggang 3 buwan bago makapag-deliver ng kotse. Sa sarili ko pong karanasan, noong una akong nagkatrabaho, kinalkula ko kung gaano katagal bago ako makaipon para sa sariling kotse. 20 taon lang naman po ang aabutin, segunda mano pa.

Nakausap din po natin ang mga pinuno ng dalawang malaking kumpanya; ang isa, mayroon nang mga pabrika dito habang ang isa pa ay gusto ring pumasok. Pareho po silang personal nagpahayag ng interes na magtayo ng research and development facility. Dito po sa ating bansa, nakita nila ang potensyal at talento ng Pilipinong makatulong upang mapanatili ang kanilang magandang posisyon sa merkado. Ang tanong nila: Kaya ba nating mag-supply ng daan-daang empleyadong may masteral at doctoral degrees sa engineering? Ang tugon natin: Aba, kayang-kaya. Sabi ko pa po, kung may magbubukas na trabaho sa high-tech na industriya, baka makapagpauwi pa tayo ng mga OFW, na papayag naman sigurong tumanggap ng mas mababang sahod kung mapapalapit sila sa kanilang pamilya. Ang sabi ng kausap natin: Hindi kailangang babaan, dahil handa silang tapatan ang suweldo.

Sa sektor din po ng pangingisda, nadarama ang pagbabago sa pagtingin sa Pilipino. Nitong Abril, tinanggal na ng European Commission ang ipinataw nilang yellow card sa Pilipinas. Dahil hindi raw maayos noon ang dokumentasyon at tracking, di sila makasigurong nahuli ang mga isda sa legal na paraan. Agad pong kumilos upang hindi mapasama sa blacklist ng EU, at hindi mapagbawalang magluwas ng produkto sa kanila. Nang magtungo nga po si Secretary Procy Alcala sa Belgium kamakailan, sabi sa kanya, huwag daw samama ang loob, dahil baka tanungin tayo ng ibang bansa na may yellow card pa. Tayo raw kasi ang makakapagturo sa kanila kung ano ang mga dapat gawin para maresolba ang problema.

Naaalala ko rin po, noong una, pakiramdam ko, kinakausap lang tayo ng ibang pinuno dahil obligado sila na kausapin tayo. May ilang halos sermonan tayo nang una nating nakahalubilo. Ngayon, kaliwa’t kanan ang imbitasyon para sa mga State Visit, may kasama pang papuri. Nakikiusap pa ang iba: Kahit raw dumating tayo sa umaga at umalis tayo ng tanghalian, basta’t pumunta tayo, ikatutuwa na nila. Nagulat po talaga ako nang minsang may pinuno ng isang pinakamaunlad na bansa. Ang tanong po sa atin: “Ano ba ang inyong sekreto?” Siyempre po, dahil hindi naman tayo mahilig magbuhat ng sariling bangko, ang isinagot natin: “Ang sekreto po naming, sinunod lang namin ang mabuti ninyong halimbawa.” Meron din namang nagtatanong sa atin at maging sa ating mga delegasyon: “Ang ganda ng nangyayari sa Pilipinas; anim na taon lang ba talaga ang termino ninyo? Wala na bang puwedeng magawa dito?” Ang lagi nga po nating tugon: “Nagkaroon na kami ng pangulong talagang gumawa ng paraang manatili sa puwesto. Kailangan lang naming tiyaking di mabubuksan ang pinto para maulit ito.”

Siyempre po, kahit kaliwa’t kanan na ang ebidensiya ng pagbabago, mayroon pa ring kontra sa Daang Matuwid. Ang hirit nila: Mabagal daw tayo. Kapag sila raw ang naging Pangulo, sigurado, gaganda ang buhay. Sa mga medyo may-edad po, ang isasagot dito, “Ah, ganun?” sabay taas ng kilay. Para naman sa kabataan, ang sagot natin sa ganoong pahayag: E di wow.

Ang tanong natin: Paano nila gagawin ang mga pangakong iyan? Ang sagot nila: Basta. Nasaan ang detalye at kongkretong mga plano? Basta. Paano ninyo ipatutupad ang inyong mga pangako? Basta. Pakiramdam yata nila nadadaan sa basta-basta ang solusyon sa ating mga problema.

Wala pa rin talagang gamot na naiimbento para sa mga nagbubulag-bulagan at nagbibingi-bingihan. Ang payo ko nga po: Maganda siguro, kapag ganitong harapan nang iniinsulto ang talino ng Pilipino, ilipat muna natin ang channel, at baka mas may mapala pa tayo sa panonood ng mga sitcom.

Ngayon naman po, may ilang mga batas na nais kong ilapit upang sana’y maipasa sa loob ng kasalukuyang Kongreso:

Pangunahin siyempre po dito: Ang Bangsamoro Basic Law. Sa mga tutol sa batas na ito: Palagay ko, obligasyon ninyong magmungkahi ng mas magandang solusyon. Kung wala kayong alternatibo, ginagarantiya lang ninyong hindi maaabot ang pagbabago. Ilang buhay pa ang kailangang ibuwis para magising ang lahat sa obligasyong baguhin ang sirang status quo sa Muslim Mindanao?

Pakinggan po natin ang ilan sa mga maaaring makinabang sa batas na ito:

[VIDEO 12: MORO CCT BENEFICIARY and VIDEO 13: SAJAHATRA BANGSAMORO BENEFICIARY]

Inilalapit din po natin sa Kongreso ang Rationalization of Fiscal Incentives. Kung maipapasa ito, maitatama ang papatsa-patsang sistema ng pagbibigay insentibo at magiging mas makatwiran ang pagbubuwis sa mga negosyo. Hinihiling rin namin ang agarang pagtutok sa Unified Uniformed Personnel Pension Reform Bill, para tuluyang maisulong ang isang makatarungang sistemang pampensyon para sa kanila. Agaran po sanang maipasa ang batas na ito, dahil ngayon pa lang, trilyong piso na ang kakailanganin para pondohan ang pensyon ng unipormadong hanay. Kailangan ng awtorisasyon ng batas para matugunan ang masalimuot na sitwasyong ito.

Bukas na bukas naman po ay makakarating na sa inyo ang panukalang budget para sa susunod na taon. Hindi p

Show more