2013-05-29

Transcript: Vice Ganda's Apology Jessica Soho: "Hindi ko kailangang i-justify ang joke ko kaya itigil na natin 'to."



Vice Ganda posts this photo of himself on Instagram with dirty finger in his mouth

Vice Ganda on Wednesday episode
of "It's Showtime" publicly apologized to GMA-7 VP for News and Public
Affairs Jessica Soho over a controversial sketch in his recent concert "I-Vice Ganda Mo 'Ko sa Araneta" last May 17 (read related article HERE).

Read the transcript of Vice Ganda's apology below:

I just wanna make things right and I wanna make this day a beautiful one and start this right. Alam naman po natin yung mga issue ‘di ba? May mga malaking-malaking issue na na lumalaganap ngayon.”

“May 17, 2013, naganap po ang I-Vice Ganda Mo ‘Ko Sa Araneta. It is a comedy concert; it is a comedy show; it is an enlarged comedy bar show kasi naganap po sa Araneta. After 11 days, kahapon, may mga lumabas pong issue na may mga na-offend, may mga ibinato sa ‘king issue na meron akong nalampasang linya, na meron akong mga sinabing hindi maganda, na meron akong mga taong sinadyang saktan, may mga tao akong natapakan.”

“Ang dami pong lumabas sa Twitter, sa social networking, sa news ang dami pero hindi po ako nagsalita kasi gusto kong pag-aralan ang mga pangyayari kaya hindi po ako nagsalita. At gusto kong i-take ang sitwasyong ito nang may tamang pag-iisip. Ayokong gamitin ang galit para mag-react, ayokong gamitin ang pagiging immature para makipaglaban. Gusto kong maging matalino. At kahit matalino po ako, kahit sinasabi ng ibang tao na marunong ako; matalino ako, merong mga taong mas matalino sa akin at mas nakakaunawa at humingi po ako ng tulong.”

“So tumawag po ako sa tanggapan ng ABS-CBN, tumawag po ako sa mga big bosses. Nakipag-meeting po sa akin si Tita Cory Vidanes. Pinatawag po nila ako at sinabi ito ang issue, ito ang kumakalat na issue ngayon. Ito po ay tungkol kay Ms. Jessica Soho at dun sa sinasabi nilang jokes ko about rape victims; na meron daw akong mga jokes about rape victims.”

“Tinanong nila ako, ‘Ano ba’ng take mo rito? Ano’ng gusto mong gawin?’ Sinabi ko po sa kanila, sa mga big bosses, na hindi ko naman po kinakailangang i-justify ang joke ko o bigyan ko ng magandang katuwiran ang joke ko. Ang joke ay depende sa tao, kung pa’no mo tatanggapin ang joke. Hindi lahat ng joke ay matatanggap lahat ng tao at walang kahit isang joke na pinagtawanan ng lahat. Lahat ng joke may taong tatawa, at lahat ng joke may taong hindi magiging pabor sa joke na ito. Ngayon sinasabi ko na po na sinasadya man o hindi sinasadya, may na-offend akong tao. Alam ko sa sarili ko ‘yon at tinatanggap ko. Maaaring na-offend ko nga si Ms. Jessica Soho. Bukod kay Ms. Jessica Soho marami pa ‘kong naging karakter sa mga jokes ko. Nabanggit ko rin po ang pangalan ni Ms. Kris Aquino, ni Mr. Boy Abunda, ni Mr. Kim Atienza, Mr. Gas Abelgas, Ms. Pia Hontiveros, Ms. Nancy Binay, Ms. Grace Poe at marami pang iba.”

“Pero sa pagkakataong ‘to sigurado ako na na-offend ko si Ms. Jessica Soho at sinabi n’yang na-offend s’ya. So sabi ko tatanggapin ko ‘yon, na naka-offend ako ng tao. At kung naka-offend ka ng tao, tanggapin mo ang pagkakamali mo at paano mo ba ‘to matatanggap kung naka-offend ka at nagkamali ka?”

“Hindi ko makakalimutan isa sa mga pinakasimpleng naituro sa akin ng mga magulang ko, sinasadya mo man o hindi mo sinasadya, pag nakasakit ka humingi ka ng patawad at paumanhin.”

“Lumaki na po ng lumaki ang issue-ng ito. Marami na silang sinabi na kung ano’ng sinabi ko at may mga naganap dun sa concert na ‘yon. Hindi na ako makikipagtalo, kasi kung makikipagtalo ako hahaba lang ng hahaba. Ang salita ko magiging laban sa salita nila, ang salita nila magiging laban sa salita ko at hindi lang naman kami ang naglalaban-laban lahat na ng tao nagsalita na at nagbigay na ng opinyon. Itigil na natin ‘to, itigil na natin ‘yung pagbibigay ng opinyon lalu’t lalo pa kung hindi n’yo naman talaga alam ang nangyari at hindi kayo nakapanood kasi magiging magulo lang ang mundo.”

“So para po sa akin tinanong ng management, ‘Ano’ng gusto mong gawin?’ Gusto ko pong mag-apologize kay Ms. Jessica Soho.”

“Pwede akong mag-apologize sa Twitter, pwede akong mag-apologize sa Facebook, pwede akong magpa-interview kung saan-saan, pwede kong gamitin ang programang ito, ang Showtime, para mag-apologize, pero sabi ko sa ‘kin naman nagsimula at may binitawan akong biro na naka-offend dun sa tao. Kung hihingi ako ng paumanhin mas sinsero at mas mararamdaman n’ya ang sinseridad ko ‘pag sinabi ko sa kanya nang personal. Kaya tinanong ulit ako ni Tita Cory, ‘Ano’ng gusto mong gawin?’ Gusto ko pong gawing personal ang paghingi ko ng kapatawaran at ng paumanhin. Gusto ko pong makausap si Ms. Jessica Soho. Kaya ang sabi ng management, ‘Kung sa palagay mo ‘yan ang tama, at sa palagay din naman namin ‘yan ang tama, humingi ka ng paumanhin ng personal, tawagan mo si Ms. Jessica Soho.”

“Buong puso ko pong gustong humingi ng tawad. As much as possible ayokong gawing pampubliko ito kasi ang plastik. Kung gusto mong humingi ng tawad dun ka dumiretso sa tao; kung may gusto kang iparating dun sa tao diretsuhin mo yung tao wag mong iparating sa kung saan-saan.”

“Kaya tinawagan ko po karaka-raka kanina si Ms. Jessica Soho. Nag-ring ang phone. May tumanggap sa tawag ko. Sa boses pa lang alam ko nang si Ms. Jessica Soho. Ang sabi ko, ‘Good morning po, magandang umaga po. Pwede ko po bang makausap si Ms. Jessica Soho?’ At sumagot sabi n’ya, ‘Sino ito? Para saan ‘to?’ Sabi ko, ‘Ako po si Vice Ganda.’ Tapos sabi n’ya, ‘Si Jessica Soho ito. Pasensya ka na kasi hindi maganda ang timpla ko ngayong araw na ito.’ Kaya sabi ko naman, ‘A, okay po. So is it okay if I just call you later or tomorrow or some other day?’ Ang sabi n’ya, ‘I don’t think so.’”

“So sa pakiwari ko, maaring nasasaktan pa s’ya. Nasasaktan pa s’ya; nagagalit pa s’ya. HIndi pa s’ya tapos do’n. Hindi n’ya pa ako kayang patawarin kaya hindi ko nasabi kung ano’ng gusto kong sabihin. At kung sinabi n’yo po Ms. Jessica Soho na you don’t think na gusto n’yo akong makausap maybe tomorrow or some other day or later, kaya ngayon ko na lang po gagawing pampubliko ito para makarating po sa inyo.”

“Ako po talaga ay humihingi ng paumanhin. Humihingi po ako ng paumanhin. Opo, yun po ay isang biro na maaaring sa inyo ay hindi magandang biro at kung hindi po magandang biro yun at nasaktan ko po kayo talaga, humihingi ako ng paumanhin. Patawad po. At ipinapangako ko po sa inyo hindi na kayo magiging kasama kailanman sa anumang tema ng pagtatanghal ko. Yun lang po ang nararamdaman ko at naiisip kong tama kong gawin para makabawi ako kung nasaktan ko po kayo. Yoon lang po, humihingi po ako ng kapatawaran. Kung hindi n’yo po ako kayang patawarin sa ngayon sana po balang araw mapatawad n’yo po ako dahil inuulit ko po yun po ay isang biro lamang. Katulad po ng sinabi ko bago pa magsimula ang konsiyerto ko, na lahat ng mangyayari dun ay biro lamang.”

“Tungkol naman po do’n sa issue ng rape, na ginawa ko raw katatawanan ang rape nung gabing ‘yon, lahat po ng nakapanood nung gabing yun, nung nasa konsiyerto, umuwi ng bahay nila na walang naalalang ginawa kong katatawanan ang rape. Pero hindi ko na ulit idya-justify kung ano’ng ginawa ko, kung ano’ng ginawa kong tama o ano’ng ginawa kong mali, hindi ko na po idya-justify. Gusto ko lang pong klaruhin sa lahat na hindi ko po kailanman gugustuhing kutyain ang sinumang rape victim. Wala ako pong intensyong masama na pagtawanan ang mga rape victims. Alam ko pong seryoso ang issue tungkol sa rape kaya hindi ko po ginawang seryoso na pagtawanan ang rape victims. Wala po akong intensyong masama. Gayunpaman, kung meron pong nasaktan, humihingi po ako ng paumanhin.”

“At sa mga lahat po ng nakisali na sa isang maliit na issue-ng ito na pinalaki ng pinalaki na pinalaki na nagmukhang national issue, na nagsimula sa isang simpleng biro. Kung hindi n’yo po nagugustuhan ang pagpapatawa ko, paumanhin po sa inyo. Kung hindi n’yo po ako nauunawaan, paumanhin po ako sa inyo. Sa mga nakaunawa nang mahusay sa mga biro ko, maraming-maraming salamat.”

“Ako po ay tao, mukha lang po akong kabayo. Hindi po ako perpektong komedyante. Alam ko po sa sarili ko, nakasisiguro ako, na hindi lahat ng jokes ko ay nakakatawa. At wala naman pong komedyante na lahat ng joke ay nakakatawa. Meron at merong isang taong tatayo at magsasabing, ‘Hindi naman ako natawa.’ Depende ‘yan sa kung paano mo tatanggapin.”

“Gayunpaman, sa lahat po ng nasaktan ko, buong puso, mula sa puso ko, sinasambit ng dila ko at lumalabas sa bibig ko ngayon, hindi lang basta idinidikta ng ibang tao at ng utak ko, humihingi po ako ng paumanhin. Hindi ko po sinasabing hindi na ako magkakamali. Bilang isang tao, alam kong matapos ang paumanhin na ‘to, sa pagtahak ko sa mundo’ng ‘to, magkakamali at magkakamali ako. Kaya magkamali man po ako, hindi po ako magdadalawang-isip tanggapin ang pagkakamali ko at humingi ulit ng paumanhin.”

“Kaya sana po, tapusin na natin ang issue-ng ito. Mas maganda, pinapanalangin ko na mapatawad ako. Sa lahat ng mga nagsalita rin sa akin ng masasama, lalo na ‘yong mga hindi nakaunawa at hindi naman nakapanood at nakarinig lang, okay lang. Hindi ako nagagalit. Kung hindi n’yo ‘ko nauunawaan, ako ang uunawa sa inyo. Maraming salamat po.”

Show more