State of the Nation Address
of
His Excellency Benigno S. Aquino III
President of the Philippines
To the Congress of the Philippines
[Delivered at the Session Hall of the House of Representatives, Batasang Pambansa Complex, Quezon City, on July 22, 2013]
Marami pong salamat. Maupo ho tayong lahat.
Bise Presidente Jejomar Binay; Senate President Franklin M. Drilon; Speaker Feliciano Belmonte Jr.; Chief Justice Maria Lourdes Sereno at ang ating mga kagalang-galang na mahistrado ng Korte Suprema; mga dating Pangulong Fidel Valdez Ramos at Joseph Ejercito Estrada; mga kagalang-galang na kagawad ng kalipunang diplomatiko; mga miyembro ng Senado at Kamara de Representante; mga opisyal ng lokal na pamahalaan; mga miyembro ng Gabinete; mga unipormadong kasapi ng militar at kapulisan; mga kapwa ko nagseserbisyo sa taumbayan; at sa aking mga Boss, ang mga minamahal kong kababayan:
Isang , magandang hapon po sa inyong lahat.
Ito po ang aking ikaapat na SONA; dalawa na lamang ang natitira. Halos apat na taon na nga po ang lumipas nang una akong nilapitan ng ilang kampo upang hikayating tumakbo sa pagkapangulo. Ang sabi nila: Alam naming hindi masosolusyonan sa isang tulog, sa isang taon, o kahit pa sa anim na taong termino ng isang Presidente ang lahat ng problema ng bansa. Pero simulan mo lang, at tiyak, kasama mo kaming mag-aaruga nito.
Noon pa man, mulat po ako sa tindi ng mga problemang aking kakaharapin. Mula sa pagiging kandidato, o Presidente na, o kahit ba matapos nang makababa sa puwesto, hindi biro ang peligrong kakambal ng trabahong ito. Malawakang transpormasyon ng lipunan ang aking hangarin, at mulat akong marami akong kailangang banggain para matupad ito. Pero hindi po ako pinalaki ng aking mga magulang para tumiklop lamang sa mga hamon. Hindi ko mahaharap ang aking sarili kung tinanggihan ko ang pagkakataong bawasan ang pagdurusang hindi naman dapat dinaraanan ng Pilipino.
Tumugon nga po tayo sa panawagan, at ang mga kasama natin noong una, nadagdagan pa. Sa paniniwala ko nga po, kung tama ang aking ginagawa, lalo pang dadami ang ating magiging kasangga. Nito ngang nakaraang Mayo, tinanong ko kayo, “Boss, tama ba ang direksyon natin?” Ang tugon ninyo: “Tama, at pabilisin pa natin ang transpormasyon ng lipunan.” Humiling ako ng mga kakamping makikisagwan sa iisang direksyon, at ibinigay ninyo ito. Ang totoo nga po, hindi lang mayorya, hindi lang siyam sa labindalawa, kundi siyam sa sampung pinakamataas na puwesto na senador ay mga taong inilapit ko sa inyo. Sa aking pakiwari, malinaw po ang mensahe nitong huling halalan: tama, ituloy natin, damihan pa natin ang 8,581 na sitiong napailawan; dagdagan pa natin ang 28,398 na pamilyang dati’y informal settler, ngunit ngayon ay mayroon na o magkakaroon na ng disenteng tirahan; palaguin pa natin ang di bababa sa 40 bilyong piso kada taong dagdag ng perang napupunta sa edukasyon, kalusugan, serbisyong panlipunan, at marami pang iba, dahil sa tama at mas masugid na pagkolekta ng buwis; dama namin ang marami pang ibang patunay na talagang nagbabago ang lipunan. Lalo nga po akong nabuhayan sa ipinarating ninyong mensahe; malinaw po talagang hindi ako nag-iisa sa pagpasan ng mga responsibilidad. Paano ba naman pong hindi lalakas ang aking loob, kung pati ang mga tulad ni Ginoong Niño Aguirre ay nakikihubog sa ating kinabukasan? Isipin po ninyo, hindi na nga makalakad dahil sa kapansanan, pilit pa rin niyang inakyat ang presintong nasa ikaapat na palapag ng gusali, para lang makaboto at makiambag sa tunay na pagbabago ng lipunan. Salamat, Ginoong Aguirre.
Hindi nga po nauubos ang mga Pilipinong handang makiambag, na siyang ugat ng pagbabagong tinatamasa natin ngayon. Ang stratehiya: Sagarin ang oportunidad para sa lahat, lalo na para sa mga mas nangangailangan. Hindi natin pakay maghintay ng trickle down; hindi puwedeng baka sakali o tsamba lang silang daratnan ng mga biyaya ng kaunlaran. Ito pong tinatawag nating inclusive growth—itong malawakang kaunlaran—ang mismong prinsipyong bukal ng bawat inisyatiba, bawat kilos, bawat desisyon ng inyong gobyerno. Ang maiiwan na lamang ay ang ayaw sumama, dahil hindi sinamantala ang pagkakataon.
Ang atin pong batayang prinsipyo: Malawakang pagkakataon ang susi sa malawakan at pangmatagalang kaunlaran. Huwag po sana nating kalimutan na ang pagkakataon ay punla lamang. Kailangan itong diligin ng sipag, alagaan ng determinasyon, at payabungin ng dedikasyon. Tingnan nga lang po natin ang mga TESDA-DOLE scholars. Sa 500,521 na napagtapos na natin dito, tinatayang anim sa bawat sampu ang nagtatrabaho na. Noong araw po, ayon sa pag-aaral ng DBM noong 2006 hanggang 2008, ang nakakahanap ng trabaho sa mga napagtapos ng TESDA: 28.5 percent lamang. Noong lumipas na taon naman po: sa IT-BPO program, 70.9 percent ang employment rate ng ating mga nagtapos sa TESDA. Sa electronics and semiconductor program naman, umabot sa 85 percent na mga nagtapos noong 2012 ang nagkatrabaho. Malinaw po: Kayo mismo ang huhubog, kayo mismo ang magdidikta kung hinog at matamis ang bungang kolektibo nating pipitasin, o kung magiging bulok at katiting ang kahihinatnan ng mga pagkakataong bumubukas sa kabanatang ito ng ating kasaysayan.
Isa-isahin po natin. Ang layuning palawakin ang saklaw ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program: natupad. Ang dinatnan nating mahigit 700,000 kabahayang benepisyaryo ng programa noong 2010, umabot na sa halos apat na milyon na kabahayan sa ating pong administrasyon.
Mayroon pa po: Galing sa pag-aaral ng Philippine Institute for Development Studies, mas malaki ng tinatayang 40 porsyento ang sinasahod ng mga naka-graduate ng high school, kumpara sa mga elementarya lang ang tinapos. Di po ba makatuwirang sagarin na natin ang tulong na ibinibigay natin sa mga pamilya, upang makumpleto na ng mga batang benepisyaryo ang high school, at sa gayon ay maisagad na rin ang benepisyo ng programang ito? Kaya nga po, sa susunod na taon, magiging saklaw na ng programa ang mga pamilyang may kabataang abot sa 18 taong gulang, upang hanggang sa high school ay makapagtapos na sila.
Sa edukasyon naman po: ang layunin nating itaas ang kalidad ng kaalamang natututuhan ng kabataan, upang matapos mag-aral ay mapanghawakan nila ang mga oportunidad na bumubukas sa ating lipunan: natupad po. Nabura na ang minana nating kakulangan sa libro at upuan, at kung magpapatuloy nga po ang pagpapakitang-gilas ni Kalihim Brother Armin Luistro, pati po ang kakulangan sa silid-aralan ay mabubura na rin sa taong ito. Ang magandang balita pa: May kakayahan na tayong paghandaan ang magiging pangangailangan dahil sa K to 12 program.
Hindi po biro ang dinatnang mga problema ni Brother Armin sa DepEd. Isipin po ninyo, kada isang textbook, pinepresyuhan dati ng 58 pesos; nang siya na ang namumuno, bumaba ang presyo ng eksaktong libro sa 30 pesos. Paano po kaya kung dati pa nagbayad ng tamang halaga para sa mga aklat na ito? Kung natipid natin ang diperensyang 28 pesos, at may limang textbook ang bawat sa isang tinatayang 20.7 million na estudyante sa ating public school system, ang katumbas nito: halos 2.9 billion pesos. Kaya po sana nitong pondohan ang plano nating pagpapaayos at rehabilitasyon ng nasa 9,502 na silid-aralan.
Kung nagkulang sa lakas ng loob si Brother Armin, puwede namang ipamana na lang sa susunod sa kanya ang kultura ng pagwawalang-bahala sa kanyang ahensya. Puwede naman din pong ipamana na lang ang mga backlog; ipasa na lang sa susunod ang lolobong pagkukulang dahil sa dumaraming mga enrolee kada taon. Pero itong si Brother Armin, imbes na makuntento, imbes na sabihing, “Puwede na ‘yan, tapos na ang trabaho ko,” gagawa pa siya ng mas maraming upuan at classroom, at bibili ng mas maraming libro, upang siguruhing pati ang para sa susunod na mga taon ay mapunuan na rin.
Ang pagpapalakas naman sa sektor ng agrikultura: natupad din. Isipin po ninyo, ayon sa NFA: Noong 2010, nag-angkat ang bansa ng mahigit dalawang milyong metriko tonelada ng bigas. Noong 2011, bumaba ito sa 855,000 metric tons. Noong 2012: 500,000 metric tons na lang. At ngayong 2013: Ang pinakasagad na nating aangkatin, kasama na ang pribadong sektor, ay ang minimum access volume na 350,000 metric tons. Nakapaloob na po dito ang 187,000 metric tons sa reserbang buffer stock sakaling magsunud-sunod ang bagyo; malamang, dahil on-target pa rin tayo sa rice self-sufficiency, hindi na rin kailangan pang mag-angkat ng pribadong sektor. Dagdag pa po diyan, nagsimula na tayong mag-export ng matataas na uri ng bigas. Ang layo na po talaga natin doon sa panahong sinasabing hindi raw natin kayang pakainin ang ating sarili.
Datos na rin po ang pruweba: lumago ng 3.3 percent ang sektor na ito sa unang tatlong buwan ng 2013. Triple po ang itinaas nito mula sa 1.1 percent growth noong parehong panahon ng 2012. Kaya naman, patuloy po tayong nagpupunla ng mga inisyatibang pihadong magbubunga ng higit na kaunlaran sa ating mga magsasaka.
Halimbawa po, sa niyog. Ayon sa pagsusuri noong 2009, isa sa mga pinakamahirap na sektor sa bansa ang coconut farmers. Ang proseso ng pagsasaka nito: Pagkatanim, pitong taong hihintaying mamunga ang niyog, pero pagkatapos, dalawang henerasyon ang wala nang ibang kailangang gawin kundi mamitas na lang nang mamitas. May potensyal po tayong palakihin ang kita ng sektor na ito kung maglalatag tayo ng kulturang mas nang-eengganyo ng sipag at pagiging produktibo. Ang tugon: intercropping.
Tutulong ang gobyernong magpalakas sa iyong niyogan, kapalit ng obligasyong magpunla ng iba’t ibang binhi sa pagitan ng mga hilera ng niyog. Mas dadalas ang ani ng magsasaka, at depende sa kanilang itatanim, lalaki ang kanilang kita. Kung sa niyog lang, sa bawat ektarya, nasa 20,000 piso po kada taon ang kinikita ng magsasaka. Kung dadagdagan ito ng kape, maaaring pumalo ng 172,400 pesos ang kita; kung saging, aabot sa 102,325 pesos ang maaaring kitain, samantalang 89,000 pesos naman sa cacao. Ang laking diperensya, di po ba?
Nasimulan na po nating ilatag ang mga inisyatiba para rito: Nitong 2012, umabot na sa 5,500 hectares ng lupain ang ginagamit natin para sa intercropping sa 90 lokasyon sa bansa. Saklaw po nito ang 10,000 sa ating mga magsasaka. Ang target naman natin ngayong 2013: dagdag pang 434 sites para sa coconut intercropping.
Itinitimon na rin po natin tungo sa mas produktibong pampang ang ating mga mangingisda. Isipin po ninyo: Pumalo sa 193.65 billion pesos ang ambag ng industriya ng pangingisda sa ating ekonomiya nitong 2012, pero sa kabila nito, 41 porsyento pa rin sa ating mga mangingisda ang maralita nang huli itong sukatin noong 2009. Sila ang nanghuhuli ng isda, pero ang natitira para sa kanilang pamilya, tinik na lang.
Kaya nga po: Nariyan ang maraming inisyatiba ng pamahalaan upang tulungang makaalpas sa lambat ng kahirapan ang ating mga mangingisda. Halimbawa nga po ang para sa Bataraza sa lalawigan ng Palawan. Sagana ang katubigan sa paligid nito. Pero dahil hindi mapaabot sa mga merkado nang sariwa ang isda, ginagawa na lamang itong tuyo. Sayang naman po, kasi sa bawat tatlong kilo ng lapu-lapu, isang kilo lang ang tuyong nagagawa. Paano kung mapahaba ang pagkasariwa ng isda dahil sa cold storage facility? Pupunta ka sa merkado nang sagad pa rin ang presyo ng huli mo. Parehong sikap sa paghuli, pero ang makukuha mo, tamang halaga. Kaya nga po, kasado na ang cold storage facility para sa Bataraza. Kasabay po nito, nagtatayo na rin tayo ng mga bagong pantalan sa mga stratehikong lugar upang mapalago pa ang produksyon at kita. Ipinapaayos natin ang mga kalsada, tulay, at iba pang imprastruktura, pati na ang serbisyo para sa ating mga mangingisda.
Mahigpit din pong binabantayan ng DILG, BFAR, at Coast Guard ang pangingisda nang walang habas; ang hiling ko nga pong ambag sa ating mga mangingisda: Pagpahingahin natin ang mga dagat. Hinihikayat ko po kayong sumama sa pangangalaga ng inyong kabuhayan; nakikita naman po ninyo: Ang oportunidad, inilalapit na sa inyo ng estado, pero ang resulta, syempre, nasa kamay ninyo.
Kung may isa man pong paksang paboritong ikabit sa pangalan ko, ito ay ang Hacienda Luisita. Nais ko lang pong iulat na noong Pebrero, alinsunod sa utos ng Korte Suprema, nakumpleto na ng Department of Agrarian Reform ang listahan ng mga kuwalipikadong benepisyaryo na mabibigyan ng lupa sa Luisita. Ayon rin po kay Kalihim Gil de los Reyes, sinimulan na noong nakalipas na linggo ang pagtutukoy ng bawat loteng makukuha ng mga benepisyaryo, at magsisimula nang ipagkaloob ang mga titulo sa Setyembre nitong taong ito.
Para naman po sa iba pang malalawak na lupain: Matagal na nating inatasan ang DAR, DENR, LRA, at Land Bank na bumuo ng balangkas kung paanong mapapabilis ang pagproseso sa pagbabahagi ng lupain. Ipapaalala ko lang po: Tamang datos ang unang hakbang sa maayos na implementasyon ng CARPER. Pero nagmana po tayo ng isang depektibong land records system. Kaya simula pa lang po, nagtrabaho na ang DOJ, LRA, DENR, at DAR para ayusin ang sistemang ito, at nasa punto na tayo ngayon kung kailan kaya nating siguruhin: Sa susunod na taon, naihain na ang lahat ng mga notice of coverage para sa mga lupaing saklaw ng komprehensibong repormang agraryo.
Malinaw po: Ang estado, itinayo para paglingkuran kayo. Kung may problema sa kalusugan, dapat kumakalinga ang gobyerno; sa panahon ng sakuna, nariyan din dapat ito para magbigay-lingap. Ano po ba ang ginagawa natin sa mga larangang ito?
Sa kalusugan, ang layunin nating masaklaw ng PhilHealth ang mas marami pa nating kababayan: natupad na rin po. Dumating tayong 62 percent ng Pilipino ang naka-enrol sa programa; ngayon, nasa 81 percent na ito. Ang natitira nga pong wala sa talaan ay ang mga hinahanap pa, kabilang na po ang informal sector at mga katutubo. Inaasahan po natin ang pakikipagtulungan ng mga lokal na pamahalaan upang maisali na natin sa sistema ang lahat ng ating mamamayan.
Hindi lang po mga enrolee ng PhilHealth ang lumalawak, kundi pati ang mga benepisyong maaaring makuha mula rito. Noong nakaraang taon, inilunsad natin ang Z Benefit Package. At nitong Pebrero naman po, pinalawak pa ito ng Expanded Z Benefit Package. Mas mahaba na po ang listahan ng mga karamdamang libreng maipapagamot ng mahihirap nating kababayan sa mga pampublikong ospital. Noong isang taon, nakasama na ang breast cancer, prostate cancer, at acute leukemia; ngayon, kasama na rin ang iba pang sakit tulad ng coronary bypass, at ng pagtatama ng mga butas at maling posisyon ng mga ugat sa puso.
Masasayang lang po ang ganitong benepisyo kung naghihingalo naman ang kalagayan ng ating mga pagamutan, at kung hindi naman ito mapuntahan ng mga nasa kanayunan. Kaya nga po todo buhos tayo ng budget sa imprastrukturang pangkalusugan: Nitong nakaraang tatlong taon, umabot sa 33 bilyong piso ang nailaan natin para sa pagpapatayo, pagpapaunlad, at rehabilitasyon ng 4,518 na ospital, rural health units, at barangay health stations sa buong bansa. Halimbawa na po rito ang Region 1 Medical Center sa Dagupan, na nakapagsagawa na ng limang kidney transplant ngayong taon; ang Bicol Regional Teaching and Training Hospital sa Legazpi, Vicente Sotto Medical Center sa Cebu, at Northern Mindanao Medical Center sa Cagayan de Oro, na ayon kay Secretary Ike Ona ay may kakayahan na ngayong magsagawa ng open heart surgery dahil sa mga bagong pasilidad at kagamitan. Nariyan din po ang Davao Regional Hospital sa Tagum City—ang una nating cancer center sa labas ng Kamaynilaan.
Para naman po sa paghahanda sa kalamidad: Ang layunin nating magpanday ng mga mekanismo upang mailayo sa peligro ang Pilipino: natupad na rin po. Nariyan po ang epektibong serbisyong bunsod ng pagsasanib-puwersa ng Geohazard Mapping and Assessment Program at Project NOAH naman ng DOST. Nitong nakaraang taon, natapos na natin ang multihazard mapping ng dalawampu’t walong pinakapeligrosong lugar sa bansa. Susunod na po rito ang para sa Greater Metro Manila Area na target nating kumpletuhin pagdating ng 2014. Handa na rin po ang geohazard maps para sa 496 na lungsod at munisipyo. Ang natitira pong 1,138 na sasaklaw sa bawat sulok ng bansa ay makukumpleto bago matapos ang 2015. Dagdag pa po, mas matalas at detalyado na ang mga mapa, kaya mas eksakto na ring natutukoy ang mga mapanganib na lugar.
Buhat naman ng inilunsad ang Project NOAH noong nakaraang taon, nakapag-deploy na tayo ng 525 automated water level monitoring stations at automated rain gauges sa 18 major river basins sa atin pong bansa. Tuloy-tuloy din ang pamamahagi natin ng mga modernong kagamitan tulad ng Doppler radars, tsunami detectors, at alerting sirens.
Subalit hindi po sapat ang basta pagbibigay lang ng makabagong gamit at teknolohiya. Sinasanay din natin ang mga makakatanggap nito kung paanong intindihin, gamitin, at palaganapin ang impormasyon. Kapag masama ang panahon, hindi na lamang bilis ng hangin ang kanilang basehan; alam na rin nila kung gaano karaming tubig ang bubuhos, at nakakapagbigay sila ng tama at napapanahong babala sa komunidad upang makapaghanda.
Inaayos na rin po natin ang problema sa madalas na pagbaha sa Kamaynilaan. Biruin po ninyo: Noong Ondoy, tinatayang 3,600 cubic meters per second ang tubig na dumaloy mula sa Sierra Madre. Pero ang kapasidad ng dadaanan nito, nasa tinatayang 1,000 cubic meters per second lang. Saan naman po pupunta ang diperensyang 2,600 cubic meters kada segundo? Ito po ang bugso ng tubig na nagpapaapaw sa mga mababang lugar at nagiging baha.
Di po ba’t narinig na ng marami sa atin: “Waterways are inalienable.” Ibig sabihin: Ang daanan ng tubig, para sa tubig lang. Ang problema nga po, kulang na nga ang dadaanan ng tubig, may mga gusali pang naghahadlang sa mga estero, at binabarahan pa ito ng basura ng mga tumitira sa paligid. Para po solusyunan ito, nakikipag-ugnayan tayo sa mga LGU upang maayos na mailipat ang mga informal settlers. Inihahanda na rin po ng legal team sa pamumuno ni Secretary Leila de Lima ang mga kaso laban sa nagtayo ng mga gusali na sumara o humaharang sa mga daanan ng tubig.
Hindi po tayo makukuntento sa sisihan. Ang ating pong aksyon: 6.2 billion pesos para maiwasan ang pagbaha sa Kamaynilaan. Bahagi nito ang pagtatayo sa Blumentritt Interceptor Catchment area; 3.3 kilometers po ang haba ng buong proyekto, at oras na makumpleto, kaya nitong sumalo ng tubig na katumbas ng tinatayang labing-apat na Olympic-size swimming pool. Kaya kung may bubuhos man pong tubig, mayroon na itong pupuntahan, at hindi na kailangang nasa ibabaw ng lansangan. Nasimulan na po ang proyektong ito noong Marso; layunin nating matapos ito sa susunod na taon.
Ginagampanan po ng gobyerno ang kanyang obligasyon. Tanungin din po sana natin ang ating sarili: Ano ang inaambag ko sa solusyon? Kung may magtapon sa ilog, sitahin mo sana; kung may magtayo ng building sa estero, isumbong mo na. Lalo po tayong malulubog sa problema kung magkikibit-balikat lang po tayo.
Lumisan man ang bagyo, di naman humuhupa ang pagsisikap nating maibalik sa normal ang buhay ng mga pamilyang nasalanta ng mga nagdaang kalamidad. Sa pagtutulungan ng gobyerno at pribadong sektor, nasa 9,377 na kabahayan na po ang naipatayo para sa mga sinalanta ng bagyong Sendong. May karagdagan pang 4,374 na tahanang maipapatayo ng gobyerno bago matapos ang susunod na taon. Humihingi po tayo ng pag-unawa kung medyo nagtagal ito, dahil na rin sa masalimuot na proseso ng land acquisition; katunayan nga po, kung maaayos ang usapin sa iba pang lupain, may dagdag pang 2,719 na kabahayan ang maipapatayo natin.
Target naman po nating maipagkaloob ang kabuuang 53,106 na kabahayan para sa mga kababayan nating sinalanta ng bagyong Pablo. Nasimulan na po natin ang pamamahagi ng mga bagong bahay nitong Mayo. Tatapusin po natin ang 17,609 na kabahayan bago matapos ang taon, at oras na makumpleto na rin ang natitira pang 35,447 sa 2014, ang mga pamilyang tinamaan ng dahas ng kalikasan ay makakasilong na muli sa ilalim ng sariling bubong.
Tungkol din po sa pabahay, para naman sa ating unipormadong hanay: ang 21,800 na housing unit para sa pulis at kasundaluhan—natupad na, noong isang taon pa. Sa Phase II naman ng proyekto, naitayo na rin po ang halos 26,050 sa target na 31,200, na makukumpleto na sa susunod na buwan para naman sa Phase II.
Bukod sa pabahay, may mga programang pangkabuhayan din tayong binubuo para sa ating mga kawal. Ang ilang libong ektaryang lupain sa tatlong kampo-militar, partikular na sa Fort Magsaysay sa Nueva Ecija, sa Camp Kibaritan sa Bukidnon, at sa Camp Peralta sa Capiz, ay paglulunsaran ng dagdag na pagkakakitaan ng mga sundalo, gaya ng plantasyon ng kawayan, kape, cacao, at palm oil. Kung dati, nakatutok lamang sa tanggulan ang mga kawal, ngayon maski retirado ay may pagkakataong maging bahagi ng paglago ng ating ekonomiya.
Subalit hindi dito nagtatapos ang paghahanap ng solusyon sa mga minana nating problema sa pambansang tanggulan. Isipin po ninyo: noong 1986, mayroon daw tayong 250,000 na pulis at sundalo para sa mahigit 55 million Filipinos. Ngayon po, mayroon pa rin tayong tinatayang 250,000 na pulis at sundalo, na nagbabantay sa 95 milyong Pilipino. Halos dumoble ang populasyon natin, pero hindi nagbago ang bilang ng nagbabantay sa atin.
Tiyak pong may mga nagsasabi na diyan: “Problema ba ito? E di magdagdag kayo ng pulis at sundalo. Makakalikha pa kayo ng trabaho.” Sana nga po ganyan lang kadali at kasimple ang solusyon. Tingnan po muna natin: Sa karaniwang pension scheme, maghuhulog ng kontribusyon ang miyembro at nag-eempleyo. Ito ang puhunang palalaguin, at dito magmumula ang pensyon sa pagreretiro ng miyembro. Pero ano po ba ang situwasyon sa pensyon ng AFP at PNP? Walang naghuhulog, pero may kailangang bayaran. Dagdag pa rito, naka-index sa sahod ng mga aktibong sundalo at pulis ang pensyon ng retirado. Ibig sabihin, kapag lumaki ang sahod ng nasa serbisyo, lalaki rin ang pensyon ng mga retirado o ng mga pamilyang tumatanggap pa nito. Taun-taon, dumarami ang mga nagreretiro, kaya natural, pataas din nang pataas ang obligasyon. Ang masaklap, pambansang budget ang sumasalo nito: Noong 2012, 54.48 billion pesos ang inilaan para sa pensyon ng sundalo at kapulisan. Ngayong taon, 61.29 billion, at aabot po ito sa 80.64 billion sa 2016. Lolobo pa ito nang lolobo, kaya’t liliit naman nang liliit ang pondo para sa iba pang serbisyong panlipunan. Paano naman po tayo magdadagdag pa ng pulis at sundalo kung ganito ang konteksto?
Kailangan ng sistemang tutugon sa obligasyon ng lipunan sa ating mga sundalo’t kapulisan; malamang po, GSIS ang hihilingan natin ng tulong para rito. Pinag-aaralan na rin po ang posibilidad na gamitin ang mga reclaimed area para makakalap ng pondong ipapasok sa papandaying solusyon. Hindi rin naman po natin puwedeng biglain ang pagtugon sa kabuuan ng ating mga pangangailangan, kaya’t mas masinsin pang pagsusuri ang gagawin natin upang makalikha ng isang patas, pangmatagalan, at malinaw na mekanismo para sa mga pensyon ng mga pulis at sundalo. Nananawagan po ako sa Kongreso: Pag-aralan po nating muli ang PD 1638 at RA 8551 upang maiangkop sa panahon at sa pambansang pangangailangan ang pensyon at benepisyo ng ating pulis at kasundaluhan.
Kaparehong paninindigan rin po ang nakikita nating solusyon sa nakaambang problema sa pensyon sa SSS. Isipin po ninyo: mula 1980, 21 times nang nagkaroon ng across-the-board pension increase—ulitin ko lang po yun, 21 times—pero ang masaklap po, dalawang beses pa lang pong tumaas ang contribution rate. Ang resulta: Tinatayang 1.1 trillion pesos na ang unfunded liability ng SSS base sa pag-aaral na isinagawa nitong 2011. Inaasahang tataas ito ng 8 porsyento kada taon, at mauubos ang pondo 28 years from now. Kapag nangyari ito, walang ibang malulugi kundi ang susunod na salinlahi ng Pilipino.
Naniniwala po tayong panahon na para amyendahan ang SSS Pension Scheme. Kailangan nating tambalan ng inisyatibang mag-impok nang sapat ang pagluluwal natin ng pera. Kung magdadagdag lamang tayo ng 0.6 percent sa contribution rate, 141 billion pesos na agad ang maibabawas sa unfunded liability ng SSS. Kung ngayon na tayo magsisimulang mamuhunan sa kinabukasan, wala nang problemang ipapamana sa mga susunod sa atin.
Sa kapulisan naman po, ang layunin nating magbigay ng lakas upang magampanan nila ang kanilang tungkulin: natupad rin natin. Simula ngayong 2013, 30,000 sa mga pulis ang babalik sa pagpupulis, dahil kukuha tayo ng mga civilian personnel para gawin ang mga tungkuling administratibo. Sayang naman po ang kakayahan at abilidad ng ating mga kawal at pulis kung ikukulong lamang natin sila sa apat na sulok ng opisina.
Sa pagpasok rin po ng buwang ito, inumpisahan nang ipamahagi ang mga bagong unit ng 9mm Glock 17 pistols sa ating mga pulis. Simula pa lang po ito; kasado na rin ang pamamahagi ng kabuuang 74,879 na baril sa ating mga alagad ng batas, tungo sa katuparan ng mithiin nating one-is-to-one police-to-pistol ratio.
Sulit na sulit naman po ang pamumuhunan nating ito sa pambansang kapulisan, lalo pa’t nagbubunsod ito sa maayos at maaasahang serbisyo. Di po ba’t tuwing eleksyon, nasanay na tayo sa kaliwa’t kanang insidente ng karahasan? Tinugunan po natin ito tulad ng Oplan Katok. Ang pakay ng programa: hanapin ang mga baril na paso na ang lisensya, at tiyakin na ang mga baril na mayroon namang lisensya ay hawak pa rin ng otorisadong mamamayan. Para gawin ito, 491,929 na pintuan ang kinatok ng ating mga pulis para sa renewal ng mga lisensya. Nakatulong po ito upang maging mas epektibo ang kampanya natin para sa Secure and Fair Elections, kung saan ang 112 private armed groups noong eleksyon ng 2010 ay napababa na lang sa 41. Katumbas po ito ng 63 percent na pagbaba. Mula rin sa 189 na insidente ng karahasan noong eleksyon ng 2010, 77 na insidente lamang ang kompirmadong naganap nitong huling halalan.
Gawin po nating halimbawa ang ARMM. Ang sabi nga po ni Governor Mujiv Hataman, sa tanang-buhay niya, hindi siya makaalala ng pagkakataon kung kailan walang failure of elections sa Lanao del Sur. Alalahanin po natin, ito ang unang beses na magkasabay ang pambansa at rehiyonal na halalan sa ARMM. Ang ibig pong sabihin, noon ay nakatutok ang buong pwersa ng estado sa iisang rehiyon, pero may failure of elections pa rin. Ngayong 2013, dahil buong bansa ang kinailangang tutukan, at lumawak ang kanilang responsibilidad, may mga nag-akalang lulubha pa ang situwasyon sa halalan ng ARMM. Pero kita naman po ang laki ng ikinaganda nito: Naging malinis at tapat ang halalan sa ARMM; natuloy ang bilangan, natuloy ang proklamasyon ng mga may bagong mandato mula sa taumbayan. Dahil sa sipag ng ating mga pulis at kawal, at gayundin sa pakikiisa ng sambayanan, talaga naman pong ang eleksyon 2013 ay naging mas payapa at tahimik.
Gayumpaman, may mga insidenteng nagmamantsa pa rin sa dangal ng ating kapulisan. Nabalitaan na naman siguro natin ang nangyari sa mga miyembro ng Ozamiz Gang na sina Ricky Cadavero at Wilfredo Panogalinga: nahuli na, pero napatay pa. Tulad ng ginawa nating imbestigasyon sa nangyari sa Atimonan, sisiguruhin nating mananagot ang sinumang pulis o kung sino mang sangkot dito—gaano man kataas ang kanilang ranggo. Kung sino man ang mga pasimuno dito: maghanda lang kayo. Malapit ko na kayong makilalang lahat.
Sa kabila ng ganitong mga kuwento, buhay na buhay po ang aking pag-asa sa hanay ng kapulisan. Hindi sila nagkukulang sa mabubuting halimbawa tulad ni PO3 Edlyn Arbo, na buong tapang na hinarap at tinugis ang isang holdaper sa nasakyan niyang jeep, off-duty man at walang dalang baril. Nariyan po siya at sinagupa yung holdaper na nagkamaling siya ang pag-tripan. Nariyan din po si PO3 Felipe Moncatar na umani ng samu’t saring papuri dahil sa haba ng listahan ng mga kriminal na kanyang nahuli at ang balita ko ay may nahuli ka na namang batikang carnaper sa Bacolod. Talagang napakahhusay mo. Ang ilan po dito, sa kanyang mga nahuli kabilang sa mga pinaghahanap most wanted persons sa Bacolod at miyembro ng malalaking sindikato. Baka narinig na rin po ninyo ang kwento ni PO2 Dondon Sultan. May nasiraan ng kotse sa kahabaan ng Quezon Boulevard; tigil naman si Ginoong Sultan para tumulong. Hindi lang po siya nagpalit ng gulong; inihatid pa niya sa kasa ang nasiraan. Bilang pasasalamat sa kanyang serbisyo, sinubukan kong abutan ng 1,000 piso si PO2 Sultan. Tinanggihan niya ito. Ang kanyang sagot: “Trabaho naming tumulong sa mamamayan.” Saludo po kami sa mga tulad ninyong lingkod-bayan. Palakpakan po natin sina PO3 Arbo, PO3 Moncatar, at PO2 Sultan. Patunay kayong hindi pa endangered species ang tapat at mahuhusay na pulis. Inatasan ko na sina Kalihim Mar Roxas ng DILG, pati na rin si Kalihim Voltaire Gazmin ng DND, upang siguruhing ang mga katulad ninyo sa ating unipormadong hanay ay makakatanggap ng kaukulang pabuya at karangalan.
Idaragdag ko na rin po ang ating disaster relief workers mula sa maraming sangay ng gobyerno, pati na ang volunteers galing sa pribadong sektor. Alam ko pong hindi madaling lumusong sa baha, magbungkal ng putik, at humarap sa mukha ng pinsala. Hindi po ako magsasawang kilalanin ang inambag ninyo sa lipunan; saludo po ako sa pag-aalay ninyo ng sarili upang bawasan ang pagdurusa ng ating mga kababayan.
Abot-kamay na rin po ang kapayapaan sa rehiyong matagal nang pinupunit ng hidwaan. Nitong Oktubre po ng nakaraang taon, nilagdaan ang Framework Agreement on the Bangsamoro. Katunayan nga po, siyam na araw pa lang ang nakakalipas mula nang lagdaan ang ikalawang annex ng kasunduan. Kumpiyansa po tayong masusundan pa ito ng mas magandang balita sa lalong madaling panahon.
Tiyak kong mulat ang lahat: Hindi biro ang proseso ng pagbubuo ng consensus; mabuti na lamang talaga at handang makinig, magbigayan, at magkita sa gitna ang magkabilang panig. Alam naman natin ang maaaring maging resulta kung magpapadaan tayo sa inip. Ang malinaw po sa akin: Ang mga salitang ating bibitawan ay dapat magbunga ng mga kilos na positibong makakaapekto sa lahat. Ang bawat linya sa binubuo nating kasunduan ay dapat maaaring itaga sa bato, at hindi ililista lamang sa tubig upang anurin na naman ng kasaysayan. Pinalaki po ako ng aking ama nang may isang salita, kaya’t sinasabi ko sa mga kapatid nating kasapi ng Bangsamoro: Anumang mapagkasunduan natin ay ipatutupad ng pambansang gobyerno.
Kailangan po ng tiwala sa usapan ng kapayapaan. Hindi automatic ang magkaroon ng tiwala, dahil na rin sa haba ng pinagdaanan. At ngayon, talagang dama natin na gustong makipagkasundo ng magkabilang panig, at tayo naman ay nagpapakita na dapat talaga tayong pagkatiwalaan. At sa mga pumipigil sa pagkakaroon ng tiwala at naghahasik ng pagdududa: Masasabi mo bang Pilipino kang may malasakit sa kapwa mong Pilipino?
Umaasa po ako sa pakikiambag ng bawat Pilipino sa layunin natin para sa Bangsamoro. Ipakita po natin sa kanilang hindi sila nagkamali sa pagpili sa direksyon ng kapayapaan; ipamalas natin ang lakas ng buong bansa upang iangat ang mga probinsya sa Muslim Mindanao, na kabilang sa mga pinakamaralita nating mga lalawigan. Tagumpay ng lahat ang ating hangarin; hindi tayo papayag na may kababayan tayong mapapag-iwanan habang may ibang nakakalamang. Nananawagan ako sa ating Kongreso: Nabuo na po ang Transition Commission na gagawa ng panukalang Bangsamoro Basic Law. Tatapusin ito alinsunod sa mga prinsipyo ng komprehensibong kasunduan para sa kapayapaan; maipasa po sana ninyo ito bago matapos ang 2014. Sa gayong paraan, may sapat tayong panahon para makapaghanda sa paghalal ng bagong pamahalaang Bangsamoro sa 2016.
Anuman pong pagbabagong tinatamasa natin ngayon ay naabot dahil hindi tayo nakuntentong sumunod lamang sa dinatnang status quo ng pamamahala. Matanong ko nga po: Ilan po ba sa inyo ang nakagamit ng tinatawag na Telepono sa Barangay? Hindi po ako magtataka kung wala. Isipin po ninyo, ayon sa DOTC: mahigit five billion pesos ang ginastos para sa isang programang magdadala ng telepono sa mga kanayunan. Di po ba’t sayang lang ito, dahil sa loob ng maikling panahon matapos ang implementasyon, dahil hindi pa nga po tunay ang implementasyon, dumami nang dumami ang may cellphone na Pilipino? Sino nga ba naman ang papansin sa mahigit 6,000 landline na ipinakabit nila, gayong may 100 milyon nang cellphone sa Pilipinas?
Heto pa po ang isang halimbawa ng pag-iisip sa gobyerno na kinailangan nating baguhin: Bumilitayo tayo ng walong combat utility helicopter, para daw sa mabilisang pagbiyahe ng ating mga sundalo. Ang problema: Sukat ba naman pong naka-mount ang baril sa may pintuan, at kailangang tanggalin kung may dadaan. Kung lalapag ka habang nagbabakbakan, ano ang silbi ng machine gun na nakatabi at hindi mapaputok? Wala bang nakaisip nito bago nagkapirmahan ng kontrata? Bakit naman po pinayagang mangyari ito?
Kailangan pong maging mas mahusay tayong mamimili. Hindi puwedeng palagi tayong nakasalalay sa sales talk ng mga supplier sa pagpili ng mga kagamitan natin. Inatasan natin ang DOST na bumuo ng grupo ng mga ekspertong hindi kayang bolahin ng mga supplier, lalo na po pagdating sa mga big ticket items. Ang patakaran natin: Tamang pagkilala sa ugat ng problema; tamang pag-aaral na tutukoy sa tamang solusyon, na maaabot naman sa pamamagitan ng tamang metodolohiya.
Iyan po ang kaisipang pinagmulan ng ating tugon sa isyu ng mga informal settler sa Kamaynilaan. Kaya nga po, ang layunin nating ilayo sa panganib ang mga nagsisiksikan sa peligrosong bahagi ng lungsod: tinutupad na rin natin. Wala naman po sigurong kokontra kapag sinabi nating hindi tama ang kasalukuyan nilang kondisyon. Ayon po sa Article 2, Section 5, o ang general welfare clause ng ating Saligang Batas: “Dapat sundin ng Estado ang pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan, ang pangangalaga sa buhay, kalayaan at ari-arian, at ang pagtataguyod sa kagalingang panlahat upang matamasa ng buong sambayanan ang mga biyaya ng demokrasya.”
Dito po natin napatunayan: Nakikinig sa katuwiran ang Pilipino; kapag ipinakita mong malasakit ang iyong batayang prinsipyo, handa tayong makiisa. Bago po magbaklas ng mga bubong at magtibag ng mga pader, ipinaliwanag natin ang katuwiran ng ating desisyon: Maayos ang lilipatan, malapit sa sakayan, at kung magsisikap kayo, hindi magkukulang ang inyong pagkakakitaan. Nilinaw din po natin: Layunin nating magbigay-lingap sa mga nasa peligro—hindi sa sindikato. Batid nating sa tuwing inaabuso ng ilan ang pagmamalasakit ng estado, ipinapain rin nila sa alanganin ang buhay at kabuhayan ng napakaraming Pilipino.
Matapos nga pong maibiyahe ang isang pangkat sa relocation site, sila mismo ang nanghikayat sa mga dati nilang kapitbahay: Sumama na kayo. Mas ligtas dito. Ngayong taon po, prayoridad nating ilipat ang mahigit 19,400 pamilyang nagsisiksikan sa mga pangunahing daluyan ng tubig sa Metro Manila. Sa pagkakapit-bisig ng DILG, NHA, DSWD, MMDA, at DPWH, lumilinaw na po ang sagot sa suliraning ito.
Isa pa pong halimbawa ng transpormasyon sa pamamahala: Di ba’t matagal ding nabinbin sa Kongreso ang mahahalagang batas? Nito pong nakaraang taon, naisabatas na, sa wakas, ang Sin Tax Reform Law at ang Responsible Parenthood Law. Nagpapasalamat tayo sa mga naging kasangga natin sa pagsusulong nito sa Kamara at Senado. Hindi ninyo inalintana ang mahabang proseso ng debate at konsultasyon; hindi kayo nagpadaig sa mga naghasik ng pagdududa upang harangin ang ating mabuting agenda. Tinitimbang ninyo kung ano ang kapaki-pakinabang sa mas nakakarami, at isinusulong ang tunay na serbisyo para sa Pilipino.
Ilalapit ko na rin po sa ating Kongreso ang ilang batas na makakatulong sa pagpapatuloy ng nasimulan nating pagbabago. Maamyendahan na po sana ang Cabotage Law, upang mas mapalakas ang kumpetisyon, at mapababa ang gastos sa transportasyon ng ating mga sakahan at industriya. Maisulong na rin po sana ang Fiscal Incentives Rationalization Bill, upang maging mas tapat, malinaw, at may pananagutan ang mga insentibong ibinigay natin sa mga negosyante. Paglaanan din po sana ng panahon ang Land Administration Reform Bill, upang maitimon sa iisang direksyon ang mga kawanihang nakatutok sa ating mga lupain, at nang sa gayon ay masigurong masinop at epektibo nilang magagawa ang kanilang trabaho.
Bukas na bukas din po, ihahain natin ang panukalang 2.268 trillion pesos na national budget sa Kongreso. Kumpiyansa po ako sa suporta at pakikibalikat ninyo upang mapatibay ang pondong ito na talaga naman pong masusing pinag-isipan. Makakatulong ito hindi lang para ituloy ang agenda ng positibong pagbabago, kundi upang mapaspas pa ang pag-arangkada natin tungo sa malawakang kaunlaran.
May ilan pong nagsasabi na kailangang patibayin ang Sandatahang Lakas. Sang-ayon po ako dito. Pero tila ba ang gusto nila ay ilagak ang bawat sentimo ng kabang bayan para sa fighter jets, tangke de guerra, at iba pang gamit pandigma. Hindi yata nila alam na ang isang fighter jet na nagkakahalaga ng 1.58 bilyong piso, ay katumbas ng 6,580 na bahay para sa mga pulis at sundalo, o halos 2,000 na silid-aralan para sa mga kabataan. At ano naman ang magagawa ng isang pirasong jet? Para maging epektibo, ang kailangan, mga squadron—at ang isa nito ay binubuo ng dalawampu’t apat na fighter jets. Sa halagang 1.58 billion pesos kada piraso, 37.92 billion pesos ang huhugutin sa kabang bayan para makabuo ng isang squadron. Paano naman ang missiles pati na rin ang practice missiles? Hindi rin po libre ang jet fuel, radar system, ground bases, at ground intercept controls. Hindi po talaga biro ang gastos para sa isang minimum credible defense posture; gagayahin pa ba natin ang iba, na handang kalimutan ang lahat para lang makuha ang nuclear option? Wala naman sigurong sasang-ayon dito. Babalansehin po natin ang ating mga pangangailangan. Aasikasuhin natin nang husto ang mga dapat tugunan sa ating lipunan, habang patuloy tayong nagiging mabuti at mahinahong kasapi ng pandaigdigang komunidad.
Alam naman natin dati, ang batayan ng desisyon, puro pulitika. Gagawin ang lahat para kumapit sa kapangyarihan, kapalit ang pagdurusa ng kasalukuyan at susunod na henerasyon ng Pilipino. Tingnan po natin kung ano ang kinahantungan ng pag-ipit sa pagtataas ng pasahe sa LRT at MRT. Ang tinatayang gastos sa bawat biyahe ng pasahero ng LRT, 40 piso. Ang bayad ng pasahero, 15 piso. Ibig sabihin, sagot ng pamahalaan ang natitirang 25 piso. Sa MRT po, 60 piso ang totoong gastos: 15 piso sa pasahero, 45 piso sa gobyerno– sa huli, bawat Pilipino, abunado. Nasa Mindanao ka o Visayas ka man, na ni minsan ay hindi nakatuntong sa LRT o MRT, kasama ka sa pumapasan nito.
Ang masaklap pa nga po: Dahil ipinamigay na ng nakaraang mga pinuno ang commercial development rights natin dito, bawat pisong maaaring makalap mula sa mga poster at billboard na nakapaskil sa stasyon o sa tren man, napupunta sa pribadong kumpanya kaysa sa gobyerno. Ang puwede sanang pagkunan ng pantustos sa maintenance at operasyon, nawala pa.
Siguro naman po, makatuwirang ilapit man lang natin sa ibinabayad sa aircon bus ang pasahe ng LRT at MRT, upang maituon ang subsidiya sa iba pang serbisyong panlipunan.
Nakita naman po ninyo: wala tayong balak magpamana ng problema sa susunod sa atin. Ang totoo nga po, ang mga proyektong dati’y nilulumot lang, ngayon, napapakinabangan na ng mamamayan. Tingnan na lang natin ang Ternate-Nasugbu Road. Kung tutuusin, anim na kilometro lang ang haba ng kalsadang ito na nagkokonekta sa Cavite, Batangas, at Metro Manila, pero ‘yang anim na kilometrong iyan, inabot pa ng halos dalawampung taon bago ito matapos. Binuksan na natin ang isang bahagi nito, at pag nakumpleto ang natitirang slope protection, ganap na ang magiging pakinabang ng kalsada sa mga motorista.
Nariyan din po ang Aluling Bridge sa Ilocos Sur. Taong 1978 pa po inilatag sa papel ang pagpapatayo nito. Siniguro na nating hindi lamang din papel ang mamanahin ng susunod sa atin: Nitong Marso, sa wakas, natapos na ito at sinimulan na rin natin noong nakaraang buwan ang operasyon ng Laguindingan Airport, na isang henerasyon naman ang pagitan mula nang inisip at isakatuparan.
Ilang dekada ring naghintay ang industriya ng semiconductors na magkaroon ng laboratoryong kayang makipagsabayan sa pasilidad ng ibang bansa. Hindi na po natin pinahaba ang kanilang paghihintay. Nitong nakaraang Mayo, sa pangunguna ng DOST, pinasinayaan natin ang Advanced Device and Materials Testing Laboratory. Dati, kailangan pang ipadala ang mga produkto sa ibang bansa para suriin. Hindi natin nasasagad ang kita; hindi rin nasasagad ang potensyal ng industriya na manghikayat ng puhunan. Dahil po sa pasilidad na ito na tinaguriang ADMATEL, ngayon, dito na susuriin ang mga produkto, at masusulit ang mga bentahe ng manggagawang Pilipino sa larangan ng electronics. Inaasahan nga po nating lalo pang lalakas ang industriyang nag-ambag ng halos 44 percent ng ating exports noong 2012.
Sa tulong naman po ng ating Big Man sa Senado na si Manong Frank Drilon, natapos na ang mahigit limampung taon na paghihintay ng mga Ilonggo; nasimulan na ang Jalaur River Multi-Purpose Project II sa Iloilo. Ano po ba ang mga pakinabang nito?
Tinataya pong 24,000 magsasaka sa kalakhang Iloilo ang mahahatiran nito ng buong-taong irigasyon. Dahil dito, maaaring dumoble ang ani ng mga magsasaka ng palay. Linawin po natin: Ang sakop nitong 31,840 hectares ng lupaing mapapatubigan, may dagdag na aning bigas na 146,013 metric tons. Katumbas po ito ng halos walumpung porsyento ng aangkatin nating buffer stock ng bigas para sa 2013.
Bukod pa po ito sa iba pang benepisyo ng proyekto tulad ng pag-iwas sa malawakang baha sa Iloilo, at ang dagdag na 6.6 megawatts ng hydropower. May ambag din ito sa supply ng tubig para sa ilang bahagi ng probinsya, at sa industriya ng ecotourism doon. Dagdag pa rito, nasa 17,000 trabaho ang malilikha ng proyekto; oras na maging fully operational naman ito, tinatayang 32,000 Pilipino ang mabibiyayaan ng sapat na pagkakakitaan. Una raw po inisip itong proyektong ito noong 1960. Pareho po kaming isinilang sa mundo.
Mulat din po tayong marami sa ating mga kababayan ang nananabik na makita ang mga bunga ng ating Public Private Partnership projects. Alam din po nating may mga tila naiinip na sa kahihintay para rito.
Isakonteksto po natin. Noong 2010, pag-upo natin sa puwesto, 6.5 percent na lang ng programmable budget ng taon, o 100 billion pesos lamang, ang iniwan sa atin. Ang 93.5 percent po, inilaan na sa kung saan-saan ng ating sinundan. Kaya naman, lumapit tayo sa pribadong sektor. Ang sabi natin: kulang kami sa pondo, halina’t mag-ambagan tayo upang maipatayo ang mga kinakailangang imprastruktura.
May balakid din po tayong kinaharap nang magsimula ang PPP. Luma na ang mga pag-aaral na basehan ng mga proyekto; kulang sa kaalaman ang burukrasya para ipatupad ito. Idagdag pa natin ang publikong nagsawa nang magtiwala sa mga kontratang pinapasok ng gobyerno.
Gayumpaman, sa anuman pong situwasyon, ang ating prinsipyo: Gagawin na lang din natin, gawin na natin nang tama. Wala tayong balak na pumasok sa kuwestiyonableng kontrata ngayon, para lang ipamana ang problema sa susunod na administrasyon. Kailangang dumaan sa tamang proseso ang bawat proyekto, para masigurong ang perang inyong pinaghihirapan ay napupunta sa dapat nitong kalagyan.
Ngayon pa lang, nakikita na natin ang epekto ng maayos, tapat, at hayag na paglalatag sa PPP projects. Dati, may isang paliparan lang na maipagawa, napakalaki nang balita. Ikumpara po natin ngayon: bukod sa pinapakinabangan na ang paliparan sa Laguindingan, sabay-sabay din ang proseso ng pagsasaayos at modernisasyon ng Tacloban Airport, Bicol International Airport, New Bohol Airport, Mactan Airport, at Puerto Princesa Airport. Ang Daang Hari-SLEX link road ang pinakamabilis na PPP project na nai-award sa alinmang administrasyon, nang walang shortcut na dinaanan ang proseso. Ang mga ito, at ang napakarami pang ibang ipinapatayo at ipapatayong imprastruktura, ay manganganak ng isang lipunang hitik sa oportunidad.
Mahaba po ang listahan ng mga suliraning minana, at tinutugunan na natin. Halimbawa: Ang madalas na pag-brownout sa Mindanao. Mula’t sapul pa lang, naglalatag na tayo ng solusyon para dito, ngunit batid nating ang problemang isang dekadang binalewala ay hindi masosolusyonan sa isang tulog lang. Sa ngayon, patuloy ang paggawa natin ng mga hakbang upang tugunan ang mga kakulangan at agarang pangangailangan. Nariyan po ang pagtulong natin sa electric cooperatives upang makapagpasok sila ng generator sets ng magpapabawas sa brownout. Magtutuloy-tuloy ito hanggang makumpleto na ang mga plantang magsu-supply ng kuryente sa rehiyon.
Pero hindi po talaga mauubos ang mga kontra. Kesyo tataas daw ang presyo ng kuryente kapag may gensets dahil diesel ang ginagamit. May hydropower ngayon dahil tag-ulan, kaya umuugong na naman ang reklamo laban sa mga genset. Pero pagpasok ng tag-init, tiyak, marami na naman pong magrereklamo sa walong oras na brownout.
Sa ibang bahagi naman po ng Pilipinas, gusto nating magtayo ng mga planta. Habang umuunlad kasi ang ekonomiya, tumataas din ang konsumo natin ng kuryente, at kailangang dagdagan ang supply nito. Gusto ba nating kapag sinagad na ang mga pagkukunan, saka lang tayo gagawa ng planta? Ang pagawa po niyan dalawa hanggang tatlong taon bawat planta. Hindi po kabuteng basta na lang susulpot ang mga ito.
Kung maganda ang mungkahi, handa naman po tayong makinig, pero sana naman ay makuha ng mga miron ang kabuuang konteksto ng situwasyon. Halimbawa po ang planta sa Redondo, Zambales. Pina-TRO dahil mas maganda raw ang renewable. Sinabi rin po ba nilang mas mahal itong ipatayo, at mas mahal din ang magiging presyo ng enerhiya? Sinabi po kaya nilang hindi nito kayang tugunan ang baseload, o ang kapasidad na kailangang laging nariyan para hindi mag-brownout? Magtatayo ka ng wind; paano kung walang hangin? Kung solar, paano kung makulimlim? Lilinawin ko lang po: Naniniwala rin ako sa renewable energy at suportado natin ito, pero dapat ding may mga baseload plant na sisigurong tuloy-tuloy ang daloy ng kuryente sa ating mga tahanan at industriya. Mag-iingay pa rin po kaya ang mga kumokontra, kung busy na sila sa kapapaypay dahil nag-brownout na? Ang sa akin lang po: makiambag sana tayo sa paghahanap ng solusyon.
Tutal din po, nagtatapatan tayo: Pag-usapan naman natin ang pagsasaayos ng NAIA 3. Masalimuot po ang usapang ito. Dumaan na ito sa dalawang arbitration; naipanalo na sana natin pareho, pero binaliktad ang desisyon ng isa dahil sa technicality. Kaya nga po ngayon, pinaghahandaan ang muling pagdinig nito. Dagdag na komplikasyon po ang isyu ng warranty sa pagpapatapos ng NAIA 3—hindi naman puwedeng ‘pag may umusbong na depekto, pasensyahan na lang, dagdag-gastos pa. Kaya nga po nang ipinaliwanag sa atin na bibigyan tayo ng maayos na warranty ng orihinal na contractor, pumayag tayo. Pero gusto nating manigurado; gusto nating kumpletuhin nang tama at buo ang proseso, at Hihingin ko po ang inyong pag-unawa ukol sa isyung ito.
Malinaw na po ngayon: Iisa ang tuon ng bawat metro kuwadrado ng sementong ibinubuhos natin bilang pundasyon ng mas maunlad na bansa: Pakinabang sa bawat isa—hindi politika. Kung dati, gumagawa ng kalsada kung saan lang kursunada, at nagpapatayo ng tulay kung saan kaibigan ni Madam si Mayor, ngayon, sumusunod na tayo sa isang pambansang plano. Walang paborito, walang transaksyunalismo, walang padrino; bawat piso, nakatuon sa ating pagpaspas tungo sa malawakang pag-unlad.
Ang maaasahan po natin sa mga susunod na taon: mga paliparan at daungang lalapagan ng kalakal at turista; mga kalsadang sisigurong husto ang pakinabang ng lahat sa malalaking proyektong ito; mga power plant na pagmumulan ng sapat na kuryente at magpapatakbo sa mga industriya. Ito ang magsisilbing balangkas na magsasanga ng iba pang inisyatibang dadaluyan ng oportunidad para kay Juan at Juana dela Cruz—mula sa mga magsasakang may sapat nang patubig at mabilis nang naibebenta ang ani, hanggang sa mga construction worker na nagtitindig ng mga bagong gusali; mula sa patuloy na pag-usbong ng mga call center, hanggang sa pagdami ng mga negosyanteng handang magpasok ng kapital sa bansa. Nagsulong tayo ng mga tamang proyekto sa tamang halaga; ginawa natin ito nang may tamang kalidad; at natapos o matatapos ito sa tamang panahon, dahil tama at karapat-dapat ang mga taong nagpapatupad nito.
Pag-usapan po natin ang trapiko: di po ba’t tinatayang 2.4 billion pesos ang nawawala sa ating ekonomiya kada araw, dahil sa buhol-buhol na trapik sa Kamaynilaan? Kabilang sa mga proyekto nating pihadong magpapaluwag dito ay ang Integrated Transport System. Ang mga bus na nagsisiksik sa mga kalsadang punung-puno na nga, ginagawan natin ng terminal sa mga lugar na hindi kasing-sikip. Napapakinabangan na nga po ang terminal sa Parañaque, at nakapila na rin ang sa Quezon City at Muntinlupa. Ang pang probinsyang bus ay hanggang dito nalang sa mga terminal na ito ng wala nang makipagsiksikan sa EDSA.
At nariyan din po ang dalawang connector road na magdurugtong sa North at South Luzon Expressway. Ang totoo nga po, dekada sitenta pa lang, plano nang ipatayo ang tinawag nilang Metro Manila Highway. Ito sana ang magkokonekta sa dalawang expressway, upang hindi na kailangang bunuin ang ilang oras na biyaheng babagtas pa sa kahabaan ng EDSA. Ang problema po: Nag-atas si Ginoong Marcos ng mga batas na pabor sa kanyang crony. Nakatali tayo sa pagsunod sa mga batas na ito: Sino mang magpatayo ng imprastruktura sa lugar na iyon, dapat kasosyo ang korporasyon ng kanyang kaibigan. Masaklap po: nae-extend ng 30 taon ang kanilang prangkisa sa tuwing magkakabit sila ng kahit isang dipa lang ng kalsada sa orihinal. Dagdagan pa po natin: nang kumita ang kumpanya, hindi nakumpleto ang pagpapalawig o pagpapaunlad sa mga imprastraktura’t daan. Tandaan po niyo na dapat umabot sa Carmen, Rosales sa Pangasinan at Lucena sa Quezon ang mga kalsadang nabanggit at yung Metro Manila Highway o Expressway, hanggang ngayon wala pa. Nang nalugi naman, nakuha pang ipasa sa gobyerno ang utang. Ilalapit ko na po ito sa ating Kongreso: silipin po nating muli ang Presidential Decrees 1113 at 1894.
Sa kabila nito, tuloy po ang mga proyekto natin. Mayroon tayong walong kilometrong 4-lane elevated expressway na kokonekta sa C3 Road sa Caloocan patawid ng España, hanggang sa PUP sa Sta. Mesa. Mayroon ding mahigit labing-apat na kilometrong 6-lane elevated tollway na babagtas mula Balintawak, hanggang Buendia, sa Makati. Ang Common Alignment naman po ng dalawang kalsadang ito, lima’t kalahating kilometrong 6-lane elevated expressway mula PUP sa Sta. Mesa, patawid sa kalagitnaan ng Osmeña at Quirino Avenue, hanggang Buendia sa Makati. Oras na mabuksan ang kalsada, ang biyaheng SLEX hanggang NLEX na dati’y inaabot ng dalawang oras, kaya nang takbuhin ng labinlimang minuto. Ang Clark naman hanggang Calamba na pumapalo noon sa tatlong oras, halos mangangalahati at magiging isang oras at apatnapung minuto. Kada araw, tinatayang limampu’t limang libong motorista ang makikinabang sa mga ito. Tipid sa oras, tipid sa gas, menos sa polusyon, lalago pa ang komersiyo’t turismo. Talaga namang win-win situation, di po ba?
Sa loob nga po ng tatlong taon, pinatunayan nating ang mga ahensyang dati’y pugad ng kurapsyon ay maaaring maging ehemplo ng tapat at epektibong paglilingkod. Ilan po sa mga simple ngunit epektibong pagbabagong isinagawa ni Secretary Singson sa DPWH: Wala nang letter of intent, na ginagamit ng mga bidder para magkuntsabahan; pinasimple ang proseso ng bidding, kaya mas marami nang nagkukumpitensya para sa proyekto, at mas sulit na ang presyong nakukuha ng gobyerno. Nasa oras na ring magbayad ang gobyerno, kaya mas naeengganyo ang mahuhusay na contractor na makiambag sa pagtatayo ng pambansang imprastruktura. Dahil sa tapat na pamamahala, 18.4 billion pesos na ang natitipid ng DPWH, na inilalaan para sa iba pang makabuluhang proyekto.
Bilang halimbawa ng resulta ng mabuting pamamahala, tingnan natin ang Tagumbao Bridge sa Gerona, Tarlac. Sa totoo lang, congressman pa lang po ako, iminungkahi ko na ito. May mga nasasakupan kasi tayong kailangan pang umikot ng dalawang bayan para tawirin ang umaapaw na ilog tuwing tag-ulan. Sabi ko nga po sa mga dating administrasyon: Sa inyo na ang buong PDAF ko, magawa lang ito. Kung puwede sana installment plan. Pero wala pong nangyari. Lumawak lang ang idurugtong ng tulay dahil sa nababakbak na pampang.
Kasalukuyan na po nating ginagawa ang Tagumbao Bridge. At heto po ang kuwento ngayong tayo na ang nagpapatupad nito: Nasa 334 million pesos ang aprubadong pondo; pero dahil sa tamang pangangasiwa’t tapat na paggugol, naibaba ito sa 226 million pesos. Suma-tutal, nakatipid tayo ng mahigit 108 million pesos nang hindi isinasakripisyo ang kalidad ng ipinapagawang tulay. At lalong maganda pa nga po, ang natipid na pondong ito ay magagamit sa pagpapagawa ng dike at river training works para sa Phase II ng proyekto.
Dumako naman po tayo sa turismo. Ayon sa banyagang pahayagang Oriental Morning Post, the “Best Tourist Destination of 2012” tayo. Na-inlove ang Shanghai Morning Post sa ating bansa, nang binansagan nila tayong “Most Romantic Destination of 2012.” Hopefully they will love us more. Sabi naman ng Scuba Diving Magazine, “Best Diving Destination” ang Pilipinas. “Best Island” naman daw ang Palawan, kung tatanungin ang Travel + Leisure Magazine. Kulang na nga lang po ay tawagin na tayong paraiso.
Hindi na po nakakapagtakang sa mauugong na papuring tulad nito, naitala natin noong 2012 ang 4.3 million tourist arrivals sa ating bansa—isang panibagong record high. 21.4 percent na po ang inilalago ng numerong ito mula nang pumasok tayo noong 2010, kung kailan nasa tinatayang 3.1 million na turista pa lang ang bumibisita sa atin. Pagdating naman sa ating domestic travelers, ang target natin dati para sa taong 2016 ay 35.5 million tourists. Pero nitong 2011 pa lamang po, nalampasan na natin ito sa 37.5 million domestic tourists. Ngayon, sa momentum nating ito, tiwala tayong maaabot ang bagong target na 56.1 million bago matapos ang 2016.
Ang mas malakas na sektor ng turismo, manganganak ng mas maraming trabaho. Tinataya ng DOT na nakapag-ambag ang turismo ng 3.8 million na trabaho noong 2011. Ang totoo nga po, hindi lang mga lugar na may magagandang tanawin ang nakikinabang sa pagdayo ng turista, kundi pati ang mga karatig-bayang maituturing na tourism support communities: Ang mga lugar na pinanggagalingan ng pagkaing inihahanda sa mga resort, ng mga souvenir na ibinebenta, at ng iba pang mga produkto’t serbisyong nagsisilbing bukal ng kaunlaran para sa ga lalawigan.
Malamang, narinig na rin po ninyo ang mga good news na lumapag kamakailan sa bansa. Noong Marso, inalis po ng International Civil Aviation Organization ang significant safety concerns na ipinataw sa Pilipinas. Bunga po ito ng mga reporma sa aviation industry upang siguruhing pasok sa pandaigdigang pamantayan ang aviation safety sa Pilipinas. Dahil po dito, sa wakas, noon lamang ika-10 ng Hulyo, muli nang pinahintulutan ng European Union ang direktang paglipad ng ating flag carrier sa Europa.
Isipin po ninyo, paano kaya kung dati pa inayos at pinalakas ang ating aviation industry? Di po ba’t sayang ang pagbisita ng mga turistang nawalan ng ganang dumalaw sa Pilipinas dahil dito? Naglahong trabaho, pondo, at oportunidad—ito ang resulta ng lumang sistema ng pamamahala.
Kaya naman, simula’t sapul, nilabanan na natin ang katiwalian sa lahat ng antas ng pamahalaan at isinulong ang transpormasyon sa ating mga institusyon. Ang resulta: tunay na serbisyong pampubliko.
Tingnan na lang po natin ang lalim ng transpormasyong nangyari sa mga GOCC. Ang dating mga kumpanya ng bayang inaambagan mo pa dahil sa pagkalugi, naghahatid na ng dibidendo ngayon. Gamitin po nating halimbawa ang Philippine Reclamation Authority. Sa loob ng labintatlong taon bago tayo dumating, ang suma-total ng dibidendo ng PRA: 676.82 million pesos. Sa tuwid na daan, para sa 2012 lamang, ang dibidendo nila: isang bilyong piso. Napakalaking transpormasyon, di po ba?
Mabuting halimbawa rin ang Local Water Utilities Administration. Noong 2011, ang recorded net loss ng naturang GOCC: 950 million pesos. Pero dahil sa maayos na pangangasiwa, di lang nila nagawang balansehin ang kanilang mga libro; ayon sa kanilang report, umabot ang kanilang kabuuang kita sa 870 million pesos noong 2012. Dahil dito, nagawa nilang makapag-remit ng 365 million pesos sa pamahalaan para sa taong iyon.
Isa pa pong halimbawa: Sa una kong SONA, isiniwalat natin ang kuwestyunableng kalakaran sa MWSS: patung-patong na bonus at allowance ang ibinigay sa sarili, sa kabila ng kapalpakan nilang tugunan ang pangangailangan ng ating mga kababayan. Ang ahensya na nga po ang nag-ulat: Umabot sa 34 million pesos ang pagkalugi ng MWSS noong 2010. Hindi ito katanggap-tanggap. Kaya noong 2011, pinirmahan natin ang GOCC Governance Act, na nagsisilbing saligan ng katapatan, kredibilidad, at pananagutan sa pamamalakad ng ating mga GOCC. Ang ibinunga nito: Noong 2011, 333 million pesos ang kinita ng MWSS mula sa pagkalugi ng 34 million pesos. Noong 2012 naman po, ang kinita nila: Halos 2 bilyong piso. Kakambal nito, lumago rin ang kanilang dibidendo: mula sa 150 million pesos noong 2011, umakyat ito sa 345 million pesos para sa 2012. Nakakalungkot nga po, na kung ano ang lalim ng pagbabagong itinanim ng mga pinuno ng MWSS, iyon din naman ang dumi ng putik na ibinabato sa kanila ng mga gusto pa ring kumapit sa lumang sistema.
Kaakibat ng pagtaas ng kumpiyansa sa ating mabuting pamamahala, ang patuloy na pag-angat ng ating ekonomiya. Ang resulta: Dalawang magkasunod na ten-place jump sa Global Competitiveness Index ng World Economic Forum. Sa unang pagkakataon, nakuha natin ang investment grade status mula sa dalawa sa tatlong pinakatanyag na credit ratings agencies sa mundo, at hindi malayong sumunod ang ikatlo. Napanatili ang stabilidad ng presyo ng mga bilihin, at patuloy din ang pagbaba ng bahagi sa ating budget na pambayad-utang, at ang paglaki naman ng pondong nailalaan sa mga serbisyong panlipunan. Sa panahong matamlay ang pandaigdigang ekonomiya, nagpamalas tayo ng kahanga-hangang 6.8 percent GDP growth noong 2012. Nahigitan pa natin itong first quarter ng 2013, kung kailan naitala ang paglagong 7.8 percent—pinakamataas na recorded GDP sa Timog-Silangan, pati na sa Silangang Asya. Special mention po dapat ang 28.5 percent na ambag ng manufacturing sa inilaki ng ating ekonomiya. Inaasahan po nating aarangkada pa ang manufacturing sa mga darating na panahon.
Tinagurian na po tayo ngayon bilang “rising tiger,” ayon sa World Bank; “brightest spark,” ayon sa pahayag ng Institute of Chartered Accountants in England and Wales, at iba pang mga bansag na tumutukoy sa transpormasyong nangyayari sa ating bansa. Mula sa matuwid na paggugol ng pondo, hanggang sa epektibong koleksyon ng buwis; mula sa pagpapaunlad ng imprastruktura hanggang sa maaliwalas nang pagnenegosyo na lumilikha ng trabaho, talaga namang malinaw ang pahayag natin sa mundo: kaya nang makipagsabayan ng Pilipinas sa agos ng kaunlaran.
Hindi lang po sa ekonomiya o stadistika nakikita ang transpormasyon ng ating lipunan. Ngayon, alam na ng Pilipino: Mayaman ka man o mahirap, may kakilala sa poder o wala, kapag gumawa ka ng mali, mananagot ka. Tunay nang nakapiring ang katarungan. Hindi mababali ang atas ng ating mga Boss: Panagutin ang tiwali, at itama ang mali sa sistemang kaytagal nagpahirap sa ating bayan.
Pinapanagot na po natin ang dating namumuno ng TESDA dahil sangkot siya sa katakut-takot na tongpats sa ahensya. Halimbawa: Ang isang incubator jar, nagkakahalaga ng 149 pesos. Pero kay Ginoong Syjuco ayon sa mga datos 15,375 pesos. Ang normal na presyo ng dough cutter, 120 pesos. Ang presyo kay Ginoong Syjuco: 48,507 pesos. Linawin po natin, dough cutter ito, at hindi Hamilton Class Cutter. Baka nga po kapag hinarap na niya ang kasong isinampa ng Ombudsman, matuto nang magbilang itong si Ginoong Syjuco.
Nakahabla po ang dating mga opisyal ng PAGCOR na naglustay ng 26.7 million pesos para lamang gumawa ng pelikula; nagsunog ng 186 million pesos para sa isang partylist; at nagawa pang gamitin na pampapogi sa kampanya ang rice donations na nakalaan sana para sa mga biktima ng kalamidad.
Hinaharap na rin po ng mga dating pinuno ng PNP ang paratang ukol sa 131.6 million pesos na nawaldas para sa 75 depektibong rubber boat, at 104.99 million pesos para sa maanumalyang pagbili ng mga segunda-manong helicopter mula 2009 hanggang 2010. Mas mainam nga po kung masagot nila nang tama ang mga tanong ukol dito, nang matukoy natin kung may iba pang dapat managot.
Sa usaping Cadavero, PDAF, MRT 3, at iba pa: Dahil hindi alam ng ilang kritiko ang ginagawa namin, palagay nila wala k