From Rappler (Dec 21): WATCH: President Aquino's speech at the AFP's 80th anniversary
'Saan ka man bumaling sa AFP, makikita mo ang malawakang pagbabago, na patunay na nasa likod, harap, at tabi ninyo ang inyong gobyerno at ang mamamayang Pilipino'
[Video: President Aquino at the AFP's 80th anniversary
https://www.youtube.com/watch?v=DIRvKebGUUk]
CLARK, Philippines – In his last year as commander in chief of the Armed Forces of the Philippines, President Benigno Aquino III looks back at the past 6 years, which he says paved the way for the modernization of the Philippine military.
Here's the transcript of his full speech:
Huling AFP Anniversary ko na po ito bilang Pangulo at Commander-in-Chief. At sa araw na ito, hindi ko maiwasang sariwain ang panata ko sa sambayanan: Pagbaba ko sa puwesto, makikita natin ang malaking pagbabago; tumotoo po tayo rito. Ang layo na talaga ng ating narating, kumpara sa sitwasyong ating pinanggalingan. Kitang-kita naman po kung nasaan na tayo ngayon. Sa nakalipas na mga taon, sama-sama nating binago ang imahen ng AFP: Mula sa hukbong napabayaan matapos ang isang dekada ng kasinungalingan, pandaraya, at pagnanakaw sa pamahalaan, pinatatag natin ang inyong hanay upang maging isang mas moderno, mas handa, at mas maaasahang kasundaluhan, na ang tanging interes ay itaguyod ang kapakanan ng ating mga Boss.
Mainam ho sigurong ibahagi ko sa inyo ang minsang binanggit sa akin, na sa palagay ko ay kuhang-kuha ang punto ng positibong transpormasyong naganap sa AFP. Dati nga raw, dahil kulang sa gamit, ultimong purple na backpack mula sa isang fastfood chain, bitbit ng isang kawal sa mga sensitibong operasyon. Ang akin nga po: Di na nga angkop bilang equipment, napakatingkad pa yata ng purple na backpack para sa operasyon sa gubat. Sa paggamit ng ganitong bag, para mo na ring nilagyan ng bull’s eye sa likod ang sundalo. Ito po mismo ang kalagayang binago natin sa pagsusulong ng agenda ng mabuting pamamahala. Nang sinabi nating walang maiiwan sa Daang Matuwid, binali natin ang siklo ng pagsasantabi sa pangangailangan ng mamamayan, pati na ng ating Sandatahang Lakas. Gaya nga nang idiniin ko nang una akong humarap sa inyo bilang Commander-in-Chief noong Hulyo 2010: Kung hindi natutugunan ang mga pangangailangan ng bawat sundalo, paano matutugunan ng bawat sundalo ang pangangailangan ng sambayanan?
Masasabi ko nga po: Talagang full circle na po tayo. Ngayon, saan ka man bumaling sa AFP, makikita mo ang malawakang pagbabago, na patunay na nasa likod, harap, at tabi ninyo ang inyong gobyerno at ang mamamayang Pilipino. Tingnan na lang natin ang mga naisakatuparang big ticket items para sa modernisasyon ng inyong hukbo: Ang tatlong naunang administrasyon sa atin, 45 na proyekto ang naipatupad, na may kabuuang halagang P31.75 billion. Sa inyong pakikiisa, nagawa nating tapatan at higitan iyan; ngayon, meron na tayong 45 na mga proyektong nakumpleto, at ang nailabas na budget para rito mula noong maupo tayo ay nasa P56.79 billion. Bukod pa rito ang pagpapatupad natin sa Medium Term Capability Development hanggang sa 2017; aabot iyan sa P83.90 billion.
Ngayon ho, nariyan na ang malalaking asset para lalong lumakas ang inyong lifting capability lalo na sa panahon ng sakuna: Ang mga dagdag nating C-130, ang tatlong C-295 medium lift transports, ang dalawang Landing Craft Heavy mula sa Australia at maging ang iba’t ibang troop carrier trucks. Nariyan na rin ang mga modernong riple at baril, at night fighting system, bukod pa sa ibang kasangkapan, para mas epektibong magampanan ang inyong mga misyon.
Para naman sa mas mabibigat na operasyon, nariyan ang BRP Ramon Alcaraz at BRP Gregorio Del Pilar, pati na ang mga bagong combat utility at attack helicopters, ang inyong mga multi-purpose attack craft, at mga armored personnel carrier. Sa loob din ng ating administrasyon, sa unang pagkakataon, matapos ang isang dekada, meron na muli tayong makabago at matikas na mga fighter jet; lumapag na ang unang dalawang unit sa binili nating 12 na FA-50 fighters, at asahan ninyong darating ang mga ka-squadron nila bago matapos ang 2017. Nabanggit ko na ang mga bagong C-130 at Landing Craft Heavy; idadagdag ko lang na hindi pa tayo tapos sa pagpapalawak sa ating naturang hukbo; balak pa nating mapasakamay ang mga bagong frigate at strategic sealift vessel, pati ang mga Long Range Patrol at Close Air Support Aircraft, at iba pang kagamitan gaya ng engineering equipment. Kasama din ho natin ang US at ang Japan, ang dalawa sa tatlo nating strategic partners, sa pagpapalawak sa kakayahan at kaalaman ng ating AFP.
Kung medical services naman ng AFP ang pag-uusapan, nariyan po ang bagong pasilidad sa Camp Bautista Station Hospital sa Sulu, pati na ang pag-upgrade sa operating room ng AFP Medical Center sa Quezon City. Nariyan na rin ang mga bagong field ambulance, pati na ang kinakailangan para sa First Forward Medics. Patuloy naman tayong nakatutok sa pagbili pa ng karagdagang medical at dental equipment para sa buong AFP.
Kasabay ng lahat ng ito, patuloy din nating tinutugunan ang pabahay ninyo sa pamamagitan ng AFP-PNP Housing Program, na 99 percent complete na po ang Phase 2. Tinaasan din natin ang subsistence allowance ng ating mga sundalo, pulis, at iba pang kasapi ng unipormadong serbisyo; pati na rin ang buwanang combat pay ng mga kawal nating sumasabak sa operasyon. Nariyan din ang livelihood programs para sa mga kawal, aktibo man o retirado. Patuloy naman ang ating mga hakbang upang tuluyang maitaguyod ang isang makatarungan at patas na sistemang pampensiyon para sa mga tagapagtanggol ng taumbayan. Bilang mamamayan, meron ho kayong mga benepisyong hindi naiiba sa tangan ng iba nating kababayan. Halimbawa na ho nito ang mas pinalakas at pinalawig na Philhealth; at ang ating gusto pong idiin: Talagang pinagsisikapan ng inyong gobyerno na maihatid sa inyo ang serbisyong inaasahan ng bawat Pilipino.
Ang tanong ko nga ngayon: Sa lahat ng ito, may makakapagsabi pa bang pinabayaan ang ating kasundaluhan sa Tuwid na Daan? Siguro naman po, malinaw na malinaw na magkakasama tayong umaangat sa kabanatang ito ng ating kasaysayan. Personal kong nakita kung paanong lalong lumakas at naging mas epektibo ang ating AFP sa paglilingkod at pagsusulong ng kaayusan at estabilidad, na susi para lalong lumakas ang kumpiyansa ng iba na tumaya sa Pilipino.
Sa bawat intelligence briefing at mission update na ibinahagi sa akin, at maging sa mga kuwentong ipinaabot ng inyong mga pinuno at commanding officers, naging saksi ako sa mga sakripisyo at pagsisikap ng ating mga kawal, na buong-tapang, buong-kagitingan, at buong-loob na ginampanan ang sinumpaang tungkulin. Madalas nga ho, ako, kasama ng liderato ng ating AFP, ang tanging nakakaalam sa mga misyong inyong napagtagumpayan, na ang naging kapalit ay blood, sweat, at maging tears ng inyong hanay.
Kinikilala nga natin ang mga sundalong nagpamalas ng husay kasama ng ating kapulisan noong inatake ang Zamboanga City. Sa araw-araw na pagtutok namin sa sitwasyon sa lungsod, personal naming nakita nina Sec. Volts at Sec. Mar ang kahandaan ng mga nasa panig ng pamahalaan na itaya ang sariling buhay para mailigtas ang mga nabihag at maibalik ang kaayusan sa siyudad.
Lahat tayo, talagang napabilib naman sa paninindigan ng ating mga Marines na nagtatanod sa West Philippine Sea. Sila at ang iba pa nating mga kawal ang nagbabantay sa mga liblib na bahagi ng ating teritoryo. Sa labas ng ating bansa naman, nariyan ang ating peacekeepers, gaya ng mga nadestino sa Golan Heights, na kahit malagay sa dehadong posisyon ay talagang ipinamalas ang diskarte, talas ng isip, at kahandaan ng ating lahi na gawin ang tama.
Hindi po natin puwedeng di mabanggit ang mga kasapi ng ating hukbong humarap sa patong-patong na pagsubok upang mapaglingkuran ang ating mamamayan: ang mga sumaklolo para sa mga kalamidad gaya ng Bagyong Sendong, Pablo, Yolanda, Santi, Ruby, Lando, at maging kina Nona at Onyok. Special mention ko na rin ang mga kasapi ng Air Force na di kailanman nagreklamo kahit mataas na ang operational tempo sa pagsubok na ito. Nariyan din ang mga sundalong naghahatid ng serbisyo at kalinga sa malalayo nating pamayanan; sila po ang nagsisilbing tanglaw sa mga nasa laylayan at pinagsasamantalahan.
Banggitin ko na rin ang lahat ng kasapi ng ating unipormadong hanay na nag-ambagan para masigurong ligtas at mapayapa ang pagbisita ng ating mahal na Santo Papa at ng mga lider ng APEC at kanilang mga delegasyon ngayong taon. Dito ko nga ho nakikita ang di-mababaling ugnayan ng iba’t ibang sangay ng ating security sector. Ito rin ang matibay na relasyong nasasaksihan ko sa pang-araw-araw na pagdadamayan ng mga kasapi ng ating Presidential Security Group.
Mga kasama, sa ngalan nga po ng ating mga Boss, tanggapin ninyo ang aming taos-pusong pasasalamat para sa hindi matatawarang serbisyo ng bawat opisyal, sundalo, reservist, at kawani na bumubuo sa kagalang-galang na Sandatahang Lakas ng Pilipinas. Sa inyong pagpapakitang-gilas, talaga namang hindi nakakabigla ang panibagong tibay ng tiwala ng ating sambayanan.
Masasabi naman nating naging mapalad tayong magkaroon ng isang matatag at epektibong liderato sa DND at AFP na talagang kasangga natin sa Daang Matuwid: mula kay Sec. Volts Gazmin na noon pa man ay kasa-kasama na natin sa pagtulak ng reporma; nariyan din ang inyong kasalukuyang Chief of Staff na si Gen. Hernando Iriberri at ang dating mga hepe, at ang inyong mga kasalukuyan at dating service commanders. Lahat sila, kilala sa kanilang galing sa pamumuno, propesyonalismo, at katapatan sa pagtupad ng atas. Sa bawat sandaling maaaring magdulot ng kaba at alinlangan, nariyan sila, sumagot sa bawat tanong ko, nagpatupad ng anumang utos ko, at talaga nga naman pong nagsakripisyo para di na tumawid pa sa publiko ang anumang pangamba.
Ididiin ko naman po: Ngayon ngang papasok na tayo sa huling anim na buwan ng ating administrasyon, malaki ang inaasahan sa atin ng ating mga Boss. Malinaw ang kanilang atas: patuloy na maglingkod na walang ibang pinapanigan kundi ang taumbayan; patuloy na suklian ng serbisyo ang kalingang ibinibigay sa inyo; patuloy na maging lakas at sandigan.
Sa susunod na taon, nakaatang sa ating balikat ang tungkuling siguruhing magiging matiwasay at matagumpay ang paparating na halalan. Ito na ho ang last mission ko para sa inyo, at bilang inyong Commander-in-Chief, tiwala nga akong iisa lang ang kumpas na inyong susundan: Ang gawin ang tama, makatwiran, at makatarungan para sa ikabubuti ng bayan.
Sa natitirang 192 araw ko po sa panunungkulan, makakaasa kayong dodoblehin ko ang sigasig upang masigurong makakamit natin ang isang Pilipinas na di-hamak na mas maganda kaysa ating dinatnan, isang bansang nagsisilbing lunsaran ng malawakang kaunlaran. Tunay nga pong napakalaking karangalan para sa akin ang makapaglingkod bilang Commander-in-Chief ng isang Sandatahang Lakas na di nagpapadaig sa anumang hamon at sumasalamin sa pinakamatatayog na ideyal ng lahing Pilipino.
Bago po ako magtapos, kanina ko pa ho tinitingnan ‘yung Mount Arayat. Naalala ko po ‘yung sabi ng lolo ko noong araw, na ‘pag gusto mo raw malaman kung ano ‘yung klima sa darating na araw, ‘pag nakita raw po ‘yung tuktok ng Arayat, ibig sabihin raw po no’n ay walang ulan na parating. Ngayon po’y maliwanag na maliwanag ang tuktok. Umaasa po tayo na simbolo rin ‘yan na talaga namang paliwanag nang paliwanag ang kinabukasan, hindi lang ng Sandatahang Lakas ng Pilipinas, pero pati na rin po ng buong sambayanang Pilipino.
Magandang araw po. Maraming salamat po.
http://www.rappler.com/nation/116698-full-speech-aquino-afp-80th-anniversary