2015-06-04

Senate President Franklin Drilon says President Aquino will announce Liberal Party's standard bearer after his last SONA on July 27.

Roxas is allegedly keen on inviting Sen. Grace Poe-Llamanares, perceived to be a potential rival in the presidency, as his vice president.

But Poe said she has yet to decide whether or not she will run for a higher government position.

Drilon, however, said its best to wait for President Aquino’s announcement.

“Let us just wait for the announcement of the President whoever he is. I’m sure Sen Roxas can present himself to the public as the most qualified candidate,” Drilon said, according to Manila Bulletin.

Earlier, Palace says: Aquino intention to certify BBL as urgent not due to SONA.

Aquino 2010 to 2013 SONA: "Pagdating po ng 2015 ay hindi na tayo mag-aangkat ng bigas at tayo na po ang mag-eexport ng bigas.

President Aquino's SONA will be posted here just after his speech delivery. Meanwhile here's the video and transcript of President Aquino's 2014 SONA.

[Read this in English]

State of the Nation Address of His Excellency Benigno S. Aquino III President of the Philippines To the Congress of the Philippines

[Delivered at the Session Hall of the House of Representatives, Batasang Pambansa Complex, Quezon City, on July 28, 2014]

Bise Presidente Jejomar Binay; dating Pangulong Fidel Valdez Ramos; Senate President Franklin M. Drilon at mga miyembro ng Senado; Speaker Feliciano Belmonte Jr. at mga miyembro ng Kamara de Representante; Chief Justice Maria Lourdes Sereno at ang ating mga mahistrado ng Korte Suprema; mga kagalang-galang na kagawad ng kalipunang diplomatiko; mga miyembro ng Gabinete; mga opisyal ng lokal na pamahalaan; mga kasapi ng militar, pulis, at iba pang kawani mula sa ating unipormadong hanay; mga kapwa ko nagseserbisyo sa taumbayan; at sa aking mga Boss, ang mga minamahal kong kababayan:

Magandang hapon po sa inyong lahat.

Ito po ang aking ikalimang SONA, isa na lamang ang natitira. May kasabihan po tayo: Ang hindi lumingon sa pinanggalingan, hindi makararating sa paroroonan. Kaya marapat lang po siguro tayong magbalik-tanaw:

Noon, sa sitwasyon natin: Para bang kahibangan ang mangarap. May burukrasyang walang saysay, patong-patong ang tongpats, at bumubukol ang korupsyon sa sistema. Naturingan tayong “Sick Man of Asia.”  Ang ekonomiya natin, matamlay; ang industriya, manipis. Walang kumpiyansang mamuhunan sa atin pong bansa. Ang resulta: kakarampot ang trabahong nalilikha. Dinatnan nating tigang sa pag-asa ang mamamayang Pilipino. Marami sa atin ang sumuko at napilitang makipagsapalaran sa ibang bansa. Nakayuko na lamang nating tinanggap: Talagang wala tayong maaasahan sa ating pamahalaan at lipunan.

Nalugmok nga po ang Pilipinas dahil sa labis na pamumulitika. Naglaho ang pananalig natin sa isa’t isa, humina ang kumpiyansa sa atin ng mundo, at ang pinakamasakit: Nawalan tayo ng tiwala sa ating mga sarili.

Sa puntong ito natin sinimulan ang pagtahak sa tuwid na daan.

Bilang ama ng bayan, nakaatang sa aking balikat, hindi lang ang mga suliraning ating dinatnan at mga lumilitaw sa kasalukuyan—obligasyon ko ring paghandaan ang kinabukasan. Sa bawat sandali, kailangan kong isaalang-alang ang interes at punto-de-bista ng lahat. Isipin na lang po ninyo: Para kang nanonood ng 200 channel sa telebisyon nang sabay-sabay. Kailangan, alam mo, hindi lang ang kasalukuyang nagaganap, kundi ang pinanggalingan at paroroonan ng nilalaman ng bawat channel. Bawal malito, at kailangan, may tugon ka sa anumang tanong, suhestiyon, at kritisismo—at dapat sagutin mo ito, bago pa iharap sa iyo. Hindi po madali ang trabahong ito, at tao lang po ako, na kung minsan, nagkakaroon din ng agam-agam.

Ngunit buo ang aking loob dahil malinaw ang aking pangunahing layunin: Ang ibalik ang gobyerno sa dapat nitong tuon—ang paglingkuran ang taumbayan sa lahat ng panahon. [Palakpakan]

‘Di po ba’t may kasabihan tayo: Bigyan mo ng isda ang tao, at mapapakain mo siya ng isang araw. Turuan mo siyang mangisda, at habambuhay niyang mapapakain ang sarili niya. Halimbawa nito ay ang TESDA. Sa Training-for-Work Scholarship Program, nag-ambag ang DAP ng 1.6 billion pesos. Nakapagpatapos po ito ng 223,615 benepisyaryo. 66 percent po nito—o katumbas ng 146,731 graduates—ang nagtatrabaho na ngayon. Iyon naman pong 34 percent na natitira, tinutulungan na rin ng TESDA na makahanap ng trabaho. Tingnan po ninyo: Lahat po ng mga TESDA scholar, nakalista ang pangalan at iba pang datos, na puwede ninyong kumpirmahin. [Palakpakan]

Kung hahatiin natin sa bilang ng graduates ang naipagkaloob na pondo, pumapatak ng 7,155 pesos ang naipuhunan ng pamahalaan para sa training ng bawat scholar. Sa BPO sector, mababa na ang kitang 18,000 piso kada buwan. Kada taon, kikita siya ng 234,000 pesos. Ibigay man ang maximum tax deduction, ang magiging income tax niya kada taon: 7,900 pesos. Ibig-sabihin, ang pinuhunan ng estadong 7,155 pesos, sa unang taon pa lang, nabawi na, may sobra pa. Ito, at ang lahat ng ibubuwis ng ating scholar hanggang magretiro siya, ay magbibigay naman sa kanyang kababayan ng parehong pagkakataon. Ito po ang mabuting pamamahala [Palakpakan]: May tama pong intensyon, pamamaraan, at resulta. Lahat panalo.

Pakinggan po natin ang kuwento ng dalawang TESDA graduate:

“‘Pag naabot mo na ‘yong pangarap mo—success, hindi naman stable ‘yon e. You need to work hard for it.

“Ako po si Marc Joseph Escora. Ako po ay isang high school graduate. And through TESDA’s help, I have my career in the BPO [business process outsourcing] industry right now.

“I stayed in Libertad public market for seven years. Nagba-barker po ako. Hindi kaya ng pamilya ko na pag-aralin kami nang sabay, so I need to find another way para makapagtapos ako.

“Most important thing na natutunan ko is ‘yung confidence to interact with other people.  ‘Pag nakita ka ng tao na may kapansanan ka, hindi na nila ni-look forward ‘yung ability mo ba. Kailangan lang natin ng tiwala sa sarili.

“If TESDA is not there to help out, siguro wala rin ako ngayon kung nasaan man ako ngayon. ‘Yung way of living namin, masasabi kong mas okay siya compared noong dati.”

– Marc Joseph Escora, TESDA beneficiary [panoorin ang video]

“Dahil sa TESDA, napabilis ‘yung pag-aaral ko, paghahanap ko ng trabaho, at ang pagtulong ko sa pamilya ko.

“Ako po si Jonnalyn Navarossa, Technical Trainer ng Toyota Motor Philippines. Ako po ‘yung naging overall topnotcher ng batch 1 sa automotive servicing sa TESDA Region 8. Napili ko po ‘yung automotive servicing kasi po pangarap kong maging isang mechanical engineer. So para makapagtrabaho’t magkapag-ipon, nag-TESDA po ako.

“Nakasanayan na po natin na ang auto mechanic ay trabahong panlalaki lang. Pero napatunayan ko na basta masipag at determinado, magkakaroon tayo ng dekalidad na produkto. Dahil sa TESDA, tumatak po sa akin ang kahalagahan ng dekalidad at mahusay na pagtatrabaho. Mas tumaas ‘yung tiwala ko sa aking sarili, at mas masarap nang mangarap nang malaki.”

– Jonnalyn Navarossa, TESDA beneficiary [panoorin ang video]

[Palakpakan]

Nasimulan na rin po natin ang Expanded Conditional Cash Transfer Program nitong Hunyo 2014, na may pondong 12.3 billion pesos. Ngayon, suportado na rin ng estado hanggang umabot ng 18 taong gulang ang benepisyaryo. May magtatanong, “Bakit?” Batay po kasi sa pag-aaral ng Philippine Institute for Development Studies, 40 percent ang dagdag na sinasahod ng high school graduate, kumpara sa grade school lang ang natapos.

Namumuhunan po tayo sa pinakamahalagang yaman ng bansa: ang taumbayan. Pinapatunayan ito ng datos ng NEDA. Ayon sa kanila, ang 27.9 percent na poverty incidence natin sa unang semester ng 2012, bumaba patungong 24.9 percent sa kaparehong panahon noong 2013. Ang three percentage points pong ito ay katumbas ng halos 2.5 milyon na Pilipinong nakaalpas na sa poverty line. [Palakpakan] Totoo namang dapat pagtuunan ng masusing pansin ang pinakamahihirap sa lipunan. Pero hindi tayo titigil diyan: Ngayong nadagdagan ang kakayahan natin, sinisikap nating hindi na manumbalik sa ilalim ng poverty line ang lahat ng nakaalpas na. [Palakpakan]

Dumating po tayo sa lipunang parang isang sirang bahay na hindi natin malisan. Ang malala pa dito, halos wala tayong kagamitan at materyales para ayusin ang sira. Nitong mga nakaraang taon, sa pakikiambag ng bawat mapagkapwang Pilipino, nabubuo na natin ang mga kagamitan at materyales na ito—tulad po ng budget na tanging nakatuon sa pangangailangan ng mamamayan, at apat na sunud-sunod na taon na nating naipapasa sa tamang oras. Kasama nito ang mga batas na nagpapabilis ng pagdating ng pakinabang sa atin pong mga Boss.

Dito po—sa isang patas na sistema—nagsimula ang panunumbalik ng sigla ng ating ekonomiya. Nakatipid tayo dahil sa maayos na pangangasiwa ng pondo. Napapalawak natin ang saklaw ng mga serbisyo nang hindi nagtataas ng buwis, maliban sa Sin Tax Reform na layuning ibsan ang bisyo sa lipunan. [Palakpakan]

Nagtrabaho tayo para magkaroon ng kakayahang tustusan ang mga proyektong ipinatupad, ipinatutupad, at ipatutupad pa natin. Pinaigting natin ang pangongolekta ng buwis: mula sa koleksyong 1.094 trillion pesos noong 2010, naitaas na natin ito sa 1.536 trillion noong 2013.  [Palakpakan] Inayos natin ang pamamahala ng ating mga utang. Ang resulta: Bumaba ang ating debt to GDP ratio; ang perang dating dapat ibabayad sa interes, napupunta na sa social services. Pati ang mga obligasyong karamihan ay minana lang, natugunan din natin. Halimbawa po nito: 1993 pa po o panahon pa ni Pangulong Ramos nang itinakda ang obligasyong i-recapitalize ang Bangko Sentral ng Pilipinas sa halagang 50 bilyong piso para magawa niya ang kanyang tungkulin. Ang napondohan ni Presidente Ramos, 10 bilyong piso, at hindi na nadagdagan pagkatapos noon. 40 bilyon ang kakulangang iniwan sa atin; nabayaran na po natin ito. [Palakpakan]

Pinaghirapan natin ang pondong mayrooon tayo ngayon, kaya’t hindi po natin maaatim na waldasin lang ito. Kung pipili nga ng tamang pinuno ang ating mga Boss, malalagpasan pa ng susunod ang ating mga nagawa, dahil malaki na ang naibawas natin sa problema, at mas matayog na ang kanilang pagmumulan.

Bakit po mas matayog? Nitong 2013, sa unang pagkakataon, nagkamit tayo ng investment grade status mula sa Moody’s, sa Fitch, at Standard and Poor’s—ang tatlong pinakatanyag na credit ratings agency sa mundo. Sa pagsusuri nila ng ating macroenomic fundamentals at governance, nabawasan ang riskong itinatala, kaya tumingkad ang kumpiyansa ng mga namumuhunan. Hindi pa nga po nakuntento ang Standard and Poor’s: Nitong Mayo lang, panibagong upgrade na naman ang ibinigay nila sa atin. Ang hatid po nito: Dahil nga investment grade na tayo, mas murang mahihiram ng gobyerno ang pondo para sa mga programa at proyekto, mas maraming naaakit na mamumuhunan sa ating bansa, at mas mabilis na natatamasa ng Pilipino ang benepisyo. [Palakpakan]

Kung susumahin naman po ang lahat ng puhunang pumasok sa Philippine Economic Zone Authority simula nang itatag ito noong 1995, makikitang 42 porsyento ang pumasok sa apat na taon ng ating panunungkulan. Ang natitirang 58 percent, inabot ng 15 taon ang ibang mga administrasyon para bunuin. Kumpiyansa po tayo: bago tayo bumaba sa puwesto, papantayan o hihigitan pa natin ang halagang ito. Kay Director General Lilia de Lima: Salamat sa nagawa mo na, at gagawin pa, sa pagkamit ng tagumpay na ito. [Palakpakan]

Talagang pa-take-off na ang ating ekonomiya at bansa, at inaabot na natin ang mas matatayog pang mithiin. Minana natin ang tila grounded na aviation industry: napatawan tayo ng significant safety concerns ng International Civil Aviation Organization, o ICAO, nabigyan ng downgrade ng United States Federal Aviation Administration, at nilagyan ng restriction ng European Union ang ating mga local carriers.

Nitong 2013, inalis na nga po ng ICAO ang significant safety concerns sa Pilipinas. Sa parehong taon, sinundan ito ng pagpayag ng European Union na muling lumipad ang Philippine Airlines patungong Europa, kaya direkta nang makakabiyahe ang Pilipino [Palakpakan]  mula Maynila po hanggang London. Malamang nga po, pasunod na ang Cebu Pacific dahil nabigyan na rin sila ng pahintulot ng EU ngayong 2014. Ngayong taon din, in-upgrade ng United States Federal Aviation Administration ang Pilipinas balik sa Category 1. Dahil dito, maaari nang dumagdag ang mga ruta papunta sa Estados Unidos. Sa larangan ng turismo at pangangalakal, malaki ang itinulong ng pagdami ng flights ng ating airlines tungo sa mga bansa kasapi ng EU at Estados Unidos .

Dumarating sa atin ang mga ulat na sa dami ng gustong bumisitang negosyante at turista sa ating bansa, dumarating ang mga panahong kulang na ang mga biyahe papunta rito. Magandang balita nga po ang mga upgrade: Dadami ang biyahe, kaya’t matutugunan ang suliraning ito. At sa patuloy na pagtutulungan ng CAAP at ng ating mga local carrier, pihadong mas marami pa tayong maaakit na turista at negosyante sa mga susunod na taon. Panalo ang mga umaasa sa sektor ng turismo, panalo ang sambayanang Pilipino. Mabuting pamamahala po ang ugat ng mga tagumpay na ito. Nagpapasalamat nga tayo kina Director General William Hotchkiss, sa CAAP, at sa ating mga local carriers para sa inyong pagsusumikap. [Palakpakan]

Talagang nasa sentro ng pandaigdigang entablado ang Pilipinas. Nito lang pong nakaraang Mayo, nagpakitang-gilas tayo sa tagumpay ng pagdaraos ng World Economic Forum on East Asia sa ating bansa. Ihahayag natin sa gaganaping APEC Summit dito sa susunod na taon ang kaunlarang nakakamit natin at ang pagkakataong hatid nito para sa lahat. Wala pong duda: More open for business na nga po ang Pilipinas. [Palakpakan]

Bukod po sa maaliwalas na pagnenegosyo, isinusulong din natin ang maayos na relasyon ng ating mga manggagawa at mga kompanya.

Isipin po ninyo: Mula 2010, nananatiling mababa sa sampu ang bilang ng mga strike kada taon ayon sa National Conciliation and Mediation Board. Isa po itong positibong bunga ng itinataguyod nating Single Entry Approach, o SEnA, ng DOLE, kung saan dumadaan sa 30-day conciliation-mediation ang mga nakahaing labor cases. Ang maganda nga po: sa 115 notices of strike and lockout noong 2013, isa lang ang natuloy na welga. Ito ang pinakamababa sa kasaysayan ng DOLE. Maraming salamat po kay Secretary Linda Baldoz, sa pamilya ng DOLE [palakpakan] at siyempre po sa labor at management sectors. Minsan po ay nagkabiruan kami ni Secretary Baldoz, noong 2012 ho yata’y  may dalawang strike, noong 2013, isa na lang, so nangangalahati nang nangangalahati. Sabi ko: Linda, sa 2014, hindi tagumpay ‘yung may kalahating strike. Baka puwede, wala nang strike? [Tawanan at palakpakan]

Batid rin natin: Para magpatuloy ang pag-angat ng ekonomiya at pagbukas ng pagkakataon, kailangan ng imprastruktura. Ito ang aakit sa mga negosyante, magpapabilis sa daloy ng produkto at serbisyo, at sisigurong kaya nating makipagsabayan sa iba pang merkado sa daigdig.

Napakalaki po talaga ng pagbabago: Lampas doble na ang budget para sa imprastruktura, mula 200.3 billion pesos noong 2011, naging 404.3 billion pesos ngayong 2014. [Palakpakan] Paalala ko lang po: Hindi tayo nagdagdag ng buwis maliban sa Sin Tax Reform na nakatugon sa kalusugan, habang napanatili din ang ating allowable deficit, at patuloy na bumababa ang ating debt-to-GDP ratio. Malaki po ang epekto nito, dahil hindi lang lumaki ang pondo: binawasan pa natin ang mga tagas sa sistema, kaya natitiyak nating mas sulit ang bawat pisong ginagastos ng estado.

Sa pamumuno ni Secretary Babes Singson ng DPWH: Bawal ang tongpats, bawal ang bukol. Tinapalan na ang mga butas sa lumang sistema, at pinatag ang proseso sa ahensya. Isang simpleng halimbawa po nito ang pagtatanggal ng Letter of Intent sa bidding process. Noon po kasi, ginagamit ito bilang kasangkapan sa kuntsabahan—kapag nalaman kung sino-sino ang bidders ng proyekto, binibigyan ng puwang ang sabwatan. Isa pa po: Ang mga dokumentong hinihiling mula sa bidders: lima na lang, mula sa dating 20. Mas mabilis ang proseso, at mas kaunti ang pagkakataong manghingi ng pampadulas o suhol. Ang resulta: Halos 28 bilyong piso ang naisalbang pondo, at napapaaga ang pagpapatupad ng mga susunod na proyekto. [Palakpakan] Kaya naman kay Sec. Babes at sa bumubuo ng DPWH: muli, maraming salamat po sa inyong lahat. [Palakpakan]

Hanep po talaga: Kasabay ng mga natipid ng DPWH, ang nailatag, napapaayos, napalawak, o naipagawa nilang kalsada mula nang maupo tayo, umabot na sa 12,184 kilometro. [Palakpakan] Nung nakita ko po itong numerong ‘to, napag-isip rin ako: Paano ko ba maipapaliwanag ‘yung labindalawang libo? Sabi po sa atin: katumbas ito ng apat na kalsadang nag-uugnay sa Laoag hanggang Zamboanga City. National roads lang po ito; wala pa rito ang mga local farm-to-market roads o tourism roads. [Palakpakan]

Sa Public-Private Partnership program naman po: Mula Disyembre 2011 hanggang nitong Hunyo, nakapag-award at nakalagda na ng pitong PPP projects ang inyong pamahalaan; ang halaga nito: tinatayang 62.6 billion pesos. Sa apat na taon natin sa tuwid na daan, nalampasan na natin ang pinagsamang anim lamang na aprubadong solicited PPP projects mula sa nakaraang tatlong administrasyon. [Palakpakan]

Ang laki na po talaga ng pinagkaiba ng noon sa ngayon. Sabi nga ni Secretary Cesar Purisima: Dati, hindi makaakit ang Pilipinas ng mga mamumuhunan. Noon, gobyerno pa mismo ang nag-aalay ng kaliwa’t kanang insentibo, tulad ng pagbibigay ng commercial development rights, subsidy, at iba pang garantiya. Ngayon, baliktad na ang sitwasyon. Matindi ang kompetisyon ng mga nag-uunahang kompanya; handa silang magbayad para makuha ang pribilehiyong itayo ang imprastrukturang kailangan natin. Halimbawa po: Sa Mactan-Cebu International Airport Passenger Terminal Building, may premium ang gobyerno na umaabot sa mahigit 14 bilyong piso; sa NAIA Expressway Project Phase 2, nakakuha ang gobyerno ng prima na 11 bilyong piso. Muli: Mabuting pamamahala ang ugat ng lahat ng ito. [Palakpakan]

Tingnan naman natin ang TPLEX. Dahil sa kalsadang ito, maginhawa na ang biyaheng Tarlac hanggang Rosales sa Pangasinan. Ayon po sa kanila, ang bahagi hanggang Urdaneta, makukumpleto na bago matapos ang 2014. Sa susunod na taon, aabot na raw ang daang ito hanggang sa dulo sa Rosario,  La Union. [Palakpakan]

Ang mga imprastrukturang matagal nang ipinako sa pangako, atin na rin pong isinasakongkreto. Ang Aluling Bridge, na 1978 pa po binuo ang konsepto, bukas na sa publiko. Ang Metro Manila Skyway Stage 3, na bahagi ng Metro Manila Expressway na proyekto pa noong dekada sitenta, inilunsad na natin noong Enero. Sa mga dumadaan ng Osmeña Highway, nakikita naman po ninyo kung gaano kabilis itayo ang mga haligi para dito. Ang Ternate-Nasugbu Road, na noon pang 1994 sinimulang ilatag ang plano—100 percent complete na rin ngayon. [Palakpakan] Ang Basilan Circumferential Road, na year 2000 pang under construction, malapit na rin pong matapos. Hindi ko na ho sasabihin ‘yung eksaktong petsa baka mausog pa. Pero ‘pag hindi ho natupad, ‘yung ipinangako sa atin ni Governor Hataman, sasamahan ko siya araw-araw hanggang matapos ito.

Ilan lang po ito sa mga imprastrukturang wala tayong planong ipamana bilang problema; sa halip, ngayon, nagsisimula na itong mapakinabangan ng ating mga Boss.

Muli, dahil sa mabuting pamamahala, mas may kakayahan na tayong tugunan, maging ang mga problemang paparating pa lang. Halimbawa: sa tubig. Alam nating habang lumalago ang populasyon at umaangat ang ekonomiya, mas maraming tubig ang kakailanganin sa mga susunod na taon. Ayon nga po sa pag-aaral, maaaring magkaroon ng kakulangan ng tubig sa Metro Manila pagdating ng 2021. Hindi na po natin hihintayin ang tagtuyot: Ang mga solusyong talagang pinag-aralan ng mga dalubhasa, inaprubahan na po natin—ang Kaliwa Dam Project sa Quezon, at ang pag-aayos ng mga linya ng Angat Dam. Magandang solusyon po ito kaysa kumuha ng tubig mula sa mga aquifer sa ilalim ng lupa, na mas madaling pasukin o magbibigay-daan para mas madaling pasukan ng tubig-alat. Isa pa, kung sa mga aquifer lang tayo nakasalalay, mas mapapabilis ang paglubog ng lupa—na siya namang nagiging dahilan ng pagbaha.

Kasabay po ng mga dam para sa Metro Manila at mga karatig-bayan ang suporta natin sa mga tagalalawigan. Aprubado na rin ang Water District Development Sector Project, sa ilalim ng LWUA o Local Water Utilities Administration. [Palakpakan]

Siguro po, narinig na rin ninyo ang pinakamalaki nating PPP project—ang Laguna Lakeshore Expressway Dike—bubuksan na rin ang bidding bago matapos ang 2014. [Palakpakan] Napakaraming benepisyong maidudulot nito. Una, mababawasan ang pagbaha. Ngayon po, ‘pag pumalo ng 12.5 meters ang taas ng tubig sa lawa, tiyak, babahain na ang mga komunidad sa paligid nito. Ang solusyon: dikeng may taas na higit sa 15 metro. Ikalawa  pong pakinabang: Malilinis ang tubig sa Laguna Lake. Ang ikatlo po: Bawas ang trapiko. Sa ibabaw ng dike, magkakaroon ng expressway, na babagtas sa Los Baños hanggang Taguig. ‘Pag natapos ang C-6 road na kokonekta sa San Jose del Monte, may isa na naman tayong paraan upang makatawid ng Kamaynilaan nang hindi na kakailanganing dumaan sa EDSA. [Palakpakan] Sa pakikituwang ng pribadong sektor, ang obligasyon natin dito ay right of way lang; porsyento ng lupang mare-reclaim ang ipapambayad sa mananalong bidder. Dahil dito, makukuha natin ang ating mga pangangailangan, habang mababawasan din ang ating gastusin.

Ilang halimbawa lang po iyan ng mga proyektong nakapila na para magdala ng benepisyo sa ating mga Boss. Marami pang iba: Aprubado na rin ng NEDA Board ang Laoag City Bypass Link Road Project; ang Cebu Bus Rapid Transit Project; at ang LRT Line 1 South Extension and Line 2 East Extension. Sa mga taga-Palawan naman: Maliban sa mga proyekto sa Puerto Princesa Airport, abangan na rin ninyo ang Busuanga Airport. Naka-go signal na rin po ang pagpapatayo ng phase one ng modernong Clark Green City sa Capas, Tarlac, pihado pong magsisilbing sentro ng komersyo at industriya, hindi lang sa Gitnang Luzon, kundi sa kalakhang bansa. [Palakpakan] Sa dulo po, ang ambisyon natin sa Clark Green City—maging di-hamak itong mas malawak na Bonifacio Global City. Ang dating liblib, magiging hitik sa oportunidad.

Sa mabuting pamamahala, nanunumbalik ang tiwala ng merkado, ng mundo, at ng taumbayan sa ating gobyerno. Nagbubunsod ito ng isang siklo: Dahil nakikita ang resulta ng agenda ng reporma, nakikiambag ang bawat isa sa ating mga Boss. Talagang hindi nag-iisa ang gobyerno sa pagsusulong ng malawakan at makabuluhang reporma. Totoo nga po: Kayo ang aming lakas. [Palakpakan]

Kaya nga po, mga Boss: Salamat sa inyong tiwala at pakikiisa, na lalong nagiging mahalaga sa mga panahong sinalubong tayo ng sunud-sunod na trahedya.

Noong Setyembre 2013, sinugod ng masasamang elemento ang Zamboanga: Ginawang human shield ang mga kababayan nating namumuhay nang mapayapa, at sinunog pa ang kanilang mga tahanan. Nasubukan ang galing ng ating unipormadong hanay. Pinakamasalimuot sa larangan ng bakbakan ang tinatawag na urban combat—ngunit 195 ang nailigtas natin, sa 197 kataong naipit sa putukan. Saludo tayo sa ating mga kapatid sa unipormadong hanay: Nagtagumpay ang sambayanan dahil sa inyong sakripisyo. [Palakpakan]

Inatasan po natin si Secretary Singson na pangasiwaan ang rehabilitasyon ng imprastrukturang nasira sa Zamboanga. Pangunahin sa mga pangangailangan: mabigyan ng tahanan ang mga kababayan nating nasunugan. Ito po mismo ang isinasagawa natin sa ilalim ng Zamboanga City Roadmap to Recovery and Reconstruction. Pagpasok nga po ng Agosto, magsisimula nang lumipat ang mga apektadong pamilya sa mga permanenteng bahay sa Martha Drive Subdivision. Kabuuang 7,176 na kabahayan sa iba’t ibang lugar ang target nating makumpleto sa Hunyo ng susunod na taon. Humihingi po kami ng pang-unawa. Maraming problemang kinailangan munang lutasin ukol sa pagkuha ng lupang lilipatan. Tinitiyak din nating ang mga tahanang ito ay sumasang-ayon sa pangangailangan ng kanilang relihiyon at kultura, kaya’t hindi pangkaraniwan ang mga ito. Sa 1,661 pamilya namang gustong sila mismo ang magkumpuni ng sariling tahanan, 30,000 pisong halaga ng Home Materials Assistance ang ipinapamahagi na.

3.5 billion pesos po ang nakahanda para sa pagpapaayos ng imprastruktura, pagbili ng mga lote, pagpapatayo ng mga permanenteng tahanan, at iba pang suporta sa Zamboanga. 2.57 billion pesos dito, nai-release na sa NHA at DPWH.

Ilang linggo naman po matapos ang krisis sa Zamboanga, niyanig ng lindol ang Central Visayas; pinakamalaki ang pinsala sa Bohol. Dito natin nakita ang maaaring maabot ng sambayanang nagkakaisa sa pagresponde sa sakuna. Isang linggo matapos ang lindol, may kuryente na sa Tagbilaran at sa lahat ng munisipalidad ng Bohol. [Palakpakan]

Ngayon nga po, bawat isa sa 25 na kritikal na tulay at kalsadang nasira ng lindol, nadadaanan na. May kabuuang 3.583 billion pesos nang nai-release para sa rehabilitasyon ng Bohol at Cebu. [Palakpakan] Kasama na rito ang 2.49 billion pesos na ipinagkaloob ng DILG sa lokal na gobyerno, para sa pagpapagawa ng mga palengke, civic center, tulay, water systems, munisipyo at ibang pang istrukturang pampamahalaan.

Bago naman po matapos ang 2013, dumating naman si Yolanda— ang pinakamalakas na bagyo sa kasaysayan. 1.47 milyong pamilya ang talagang naapektuhan, at 44 sa ating 81 probinsya ang tinamaan. Sa Eastern Visayas, kung saan pinakamalakas ang pinsalang nadulot, napakaraming kinailangan na agarang lingap.

Sa sobrang lakas ng bagyo, naparalisa ang maraming LGU dahil sila mismo ang tinamaan. Natangay po pati ang ating prepositioned relief goods, kaya’t talagang kinailangang manggaling sa ibang lugar ang tulong. Lalo pang naging mabigat ang pagdadala ng ayuda, dahil bagsak ang imprastruktura: Walang kuryente, hindi madaanan ang kalsada, at halos lahat ng truck at heavy equipment na kailangan ng ating first responders ay nasira sa pinakaapektadong mga lugar. Wala ring gasolina, at walang komunikasyon.

Kinailangan po talaga ng pambihirang pagkakaisa para ipaabot ang tulong sa mga apektadong pamilya, kalingahin ang mga naulila’t sugatan, siguruhing walang mangyayaring outbreak ng sakit, at marami pang ibang tungkulin. Halimbawa lang po: Sa pagkain, hindi lang bigas at delata ang kinailangang intindihin. Kailangan din ng mga repacking center, ng maraming truck, pati na ang mga barkong magtatawid ng ayuda sa mga apektadong probinsya. Pagdating doon ng relief goods, kailangang malinis na ang kalsadang dadaanan, at mapagasolinahan ang mga truck nang makabalik sila sa pinanggalingan, upang muling makapagkarga ng ating mga food pack.

Hindi nagpatumpik-tumpik sa pagresponde ang inyong gobyerno. Nagmadali tayong linisin, unang-una, ang airport, kaya sa loob ng 24 oras pagkatapos ng bagyo, nakapasok na ang tatlo nating C130 na may dalang ayuda. Sa mismong araw ding iyon, nakapagtayo tayo ng communications hub para maging mas mabilis ang daloy ng impormasyon. Sa ikalawang araw, dumating na ang Rapid Health Assessment teams ng DOH; ang dagdag na sundalo, pulis, at BFP personnel mula sa ibang probinsya; pati na mga kawani ng DSWD na nanguna sa relief operations— sa distribution centers man sa Eastern Visayas, o sa maraming repacking centers na agad na nagbukas sa buong bansa.

Sa loob lang ng dalawang araw, napagana na ang Leyte water district; sa ikatlong araw naman, bumukas ang unang gasolinahan. Agad na nilinis ang pangunahing mga kalsada. Pagsapit ng ika-22 ng Nobyembre o dalawang linggo matapos ang bagyo, naipamahagi na ang ikaisang milyong food pack sa mga nasalanta; na-clear na ang 35,162 cubic meters ng debris sa mga kalsadang pagdadaanan nitong mga relief; at nalinis at nadaanan na ring muli ang 3,426 kilometers ng National Roads—kasalukuyan naman po nating kinukumpuni ang 108.8 kilometrong napinsalang daanan, tulay, approaches, at landslide-prone areas. Pagsapit nga po ng Pasko noong lumipas ang 2013, may kuryente na sa lahat ng munisipalidad na tinamaan ng sakuna. [Palakpakan]

Kumbaga nga po sa Emergency Room, ibinuhos ng estado ang lahat ng kanyang kapangyarihan upang agad na mai-stabilize ang pasyente. Nagpapasalamat tayo sa mga kasapi sa ating Gabinete, na talaga naman pong nanguna sa pagresponde sa mga apektadong komunidad. Sina Sec. Cesar Purisima at Sec. Joel Villanueva ng TESDA, na namuno sa logistics at nag-organisa sa mga repacking center, nagmistulan po silang dalawang warehouse operator. [Palakpakan] Si Sec. Greg Domingo ng DTI, naging head purchasing agent ng bansa, habang si Sec. Linda Baldoz naman ng DOLE ay minabuting maging call center operator para sa lahat ng gusto o nag-aalok ng tulong. [Palakpakan] Salamat din kina Sec. Jun Abaya ng DOTC, na naging dispatcher ng ating transportasyon; kay Sec. Dinky Soliman na talagang pinatunayan ang pagiging punong relief worker ng bansa; at kina Sec. Mar Roxas ng DILG at Sec. Volts Gazmin ng DND, na nagbigay ng marching orders sa ating unipormadong hanay mula sa frontline ng sakuna. [Palakpakan] Muli po, salamat sa ating Gabinete.

To our friends and neighbors around the world: Your outpouring of solidarity will never be forgotten by a grateful Filipino people. Again, on their behalf, we thank you. [Palakpakan]

Marahil nga po, sa kahandaan nating makiambag sa abot ng ating makakaya, na siyang ipinapamalas ng ating OFWs, peacekeepers, at iba pang Pilipino sa labas ng bansa, nang tayo naman ang nangailangan, nakita ng mundong karapat-dapat din tayong tulungan. Salamat sa inyo, at sa lahat ng Pilipinong nag-alay ng dalangin at suporta, dito man o sa ibang panig ng mundo.  [Palakpakan]

Hindi po natigil ang trabaho natin. Nagsagawa tayo ng livelihood interventions, upang maging mas mabilis ang pagbangon ng mga nasalanta nating kababayan. Ngayong Hulyo nga po, 221,897 trabaho na ang nalikha matapos tayong magkaloob ng bangka, kagamitan sa pangingisda at pagtatanim, mga binhi, at livestock. Kasama na rin po dito ang mga sinuwelduhan nating naging kabahagi ng cash for work program.

Tanggap naman po siguro ng lahat na malaki ang problemang dala ni Yolanda. Pero ayon nga po sa international standards, kapag nangyari ang ganitong klaseng sakuna, isang taon ang inaabot bago matapos ang relief at mag-umpisa ang rehabilitasyon ng isang bansa. Pero sa loob lang ng walong buwan, idineklara na ng United Nations mismo na nasa yugto na tayo ng rehabilitation. Si Ginoong Yuri Afanasiev ng United Nations Development Programme na nga po ang nagsabi: “We have never seen a recovery happen so quickly. And many of us have been in many different disasters.” [Palakpakan]

Mahabang panahon ang bubunuin para tuluyang makabangon sa mabibigat na sakuna. Sa Haiti, dalawang taon ang nakalipas mula ng lindol, marami pa rin ang nasa evacuation centers. Ang mga kapatid natin sa Indonesia, inabot ng walong taon para maka-recover sa tsunami sa Aceh. Mismong sa Amerika nga po, sinasabing walong taon ang inabot para makabalik sa dati matapos humagupit si Hurricane Katrina.

Hindi pa po tapos ang ating trabaho. Marami pang bahay na kailangang ipatayo; marami pang mga kababayan natin ang kailangang ibangong muli; patuloy pa rin ang pag-build back better para sa mga hinagupit ni Yolanda.

Kaya nga po: Ngayong Hulyo, isinumite na sa atin, at nilagdaan na rin natin, ang LGU Rehabilitation and Recovery Plan para sa Cebu, Iloilo, Samar, Eastern Samar, Leyte, at Tacloban City. [Palakpakan] Pumasa po ito sa masusing pagsusuri ng mga cluster ng Gabinete; laman nito ang mga pangangailangan ng ating mga kababayan, ayon na rin sa isinasagawang malawakang post-disaster needs assessment. Nabuo po ang planong ito sa maigting na pagsisikap ni Secretary Ping Lacson, na inatasan nga nating tumutok sa mga hamong iniwan ni Yolanda. [Palakpakan] Umaasa po ako sa pakikiisa ng Kongreso, dahil malaking halaga ang kailangan, upang tuluyan nang maibangon ang ating mga kababayan.

Alalahanin po natin: Nasa Diyos ang awa; nasa tao ang gawa. Ito rin ang parehong ideya sa likod ng ating mga hakbang para sa disaster preparedness. Binigyang-lakas natin ang mga LGU na siyang mga frontliner tuwing bagyo at  iba pang sakuna, gamit ang moderno at malawakang forecasting system.

Sa DREAM-LiDAR project sa ilalim ng Project NOAH, halimbawa, napapadali ang pagtukoy kung saan ang mga lugar na pinakababahain. Nakamapa na po ang 19 sa target nating 20 river systems para matukoy kung ano ang mga lugar na agad naaapektuhan tuwing bumubuhos ang ulan.

Dahil mas eksakto na ang pagtukoy natin kung kailan at saan tatama ang epekto ng bagyo, ngayon po, napapaaga ang paghahanda at pagbibigay-babala ng ating mga LGUs. Maaga na ring naililikas ang kanilang mamamayan. Kung ang maayos na forecasting, tatambalan pa natin ng mahusay na LGU, talaga naman pong maraming buhay ang maililigtas. Sa Albay na hinagupit kamakailan lang ng bagyong Glenda, walang naitalang pumanaw dahil sa bagyo, salamat sa mabuting pamamahala ni Governor Joey Salceda. [Palakpakan] At kung kaya itong gawin ng isang probinsya na siya ngang parang natawag na nga pong highway ng mga bagyo, bakit naman tayo magdududa na kakayanin ng iba pang hindi highway ng bagyo?

Pag-usapan naman natin ang seguridad. Mulat po tayo sa mga hamon sa bansa, at alam din nating mahal ang kailangan nating mga kagamitan. Ngayon po, ikinalulugod kong iulat sa inyo: Tuloy-tuloy ang modernisasyon ng AFP. Nakuha na natin ang brand new na 8 Sokol Combat Utility Helicopters, tatlong AgustaWestland-109 helicopters, at ang kauna-unahang landing craft utility ship na ginawa dito mismo sa ating bansa, ang BRP Tagbanua. Dumating na rin po ang apat na refurbished UH-1 helicopters at 2 navy cutters. Nito namang nakaraang Mayo, pinasinayaan na rin natin ang state-of-the-art Command Center ng Naval Forces West sa Palawan.

Sa susunod na taon, lalapag na ang 2 sa 12 na FA-50 lead-in fighter trainer jets na binili natin. [Palakpakan] Ang natitira naman po, inaasahan nating maide-deliver bago matapos ang 2017. Target din nating makuha ang karagdagang brand new na 8 Bell combat utility helicopters, 2 anti-submarine helicopters, 10 pang AgustaWestland-109 helicopters, 2 light-lift aircraft, 3 medium-lift aircraft, mga radar system at iba pang kagamitang magpapaunlad sa kakayahan ng ating Sandatahang Lakas. [Palakpakan] Samantala po, sa Setyembre ng taong ito, inaasahan ang pagdating ng karagdagang 17 refurbished UH-1 helicopters.

Dumating na rin ang paunang mga M4 assault rifles na binili natin para sa kasundaluhan. Sa mga susunod na buwan, ang kabuuang bilang ng baril na mapapasakamay ng ating mga kawal: 50,629 units ng M4. Ang bonus pa: dahil sa maayos na proseso ng procurement at tapat na pangangasiwa sa pondo, may savings tayo na mahigit 1.2 billion pesos; itong savings ay ipinambibili na natin ng mas marami pang baril. [Palakpakan]

Ididiin ko lang po: Brand new at dekalidad ang lahat ng ripleng ito na nagmumula sa manufacturer na daang taon na pong gumagawa ng sandata. ‘Di po ba noong araw: naubos na nga ang pondo, hindi pa alinsunod sa ispesipikasyong kailangan natin, tulad po ng biniling Kevlar Helmets. Sabi po ng ispesipikasyon, dapat sa U.S. Pero noong ibinili, sa ibang bansa. May na-convict na po dahil dito. Pati ang isang hukom na diumano’y sangkot dito, natapos na ang imbestigasyong inutos ng Korte Suprema, at hinihintay natin ang kanilang pasya.

Tuloy ang pagtugis natin sa kalaban ng estado at masasamang elemento para sa mga krimeng ginawa nila. Halimbawa nga po: Nahuli na ang Chairman at Secretary General ng NPA nitong Marso. Nanunumbalik na rin po ang normalidad at kaayusan sa 31 probinsyang dating ginambala ng NPA.

Nagbabago na rin nga po ang mukha ng ating kapulisan. Patunay po rito ang 30 pulis, sa pangunguna ni Inspector Charity Galvez, na tumalo sa tinatayang 250 NPA na sumugod sa kanilang presinto noong 2011. [Palakpakan] Nitong Marso naman po, 4 na bagitong pulis ang buong-tapang na sumagupa laban sa Martilyo Gang sa Mall of Asia. Mabuti nga po’t naabot na ang 1:1 police to pistol ratio, kaya’t naisyuhan na rin ng bagong baril ang ating mga rookie policewomen. Dati, nakakaligtaan ang kapulisan; ngayon, kinakalinga na sila ng estado, at talaga namang tinutumbasan nila ito ng wagas at masigasig na serbisyo. [Palakpakan]

Pakinggan po natin ang tinig magigiting nating pulis:

“PO1 Juliet Macababbad: May narinig po kaming, ano, nagbasag ng salamin. Naging alerto kami ng buddy ko.

PO1 Marcelina Bantiyag: Ah ‘yong unang pumasok po ng isip ko ‘yung bumunot na po ako ng baril kasi alam ko na ano po sila—na ready po silang magpaputok sa amin; nakauniporme po kami.

PO1 Maricel Rueco: Sinabi po ng aking ka-buddy na si PO1 Bantiyag na “Ko-cover-an kita, ikaw ang tumawag sa ating PCP [Police Community Precinct]!”
<div style="-webkit-font-smoothing: antialiased; box-sizing: border-box; font-family: inherit; font-size: 1rem; line-height: 1.6; margin-bottom: 1.25

Show more