2016-12-04

MARAWI CITY – Nais umano mag-armas ang mga residente ng bayan ng Butig sa Lanao del Sur upang maipagtanggol ang kanilang lugar mula sa banta ng grupong jihadist ni Abdullah Maute.

Ito ay matapos na matakasan ng halos 200 mga jihadist ang isang linggong opensiba ng militar. Ngunit tutol naman dito ang alkalde ng bayan na si Dimnatang Pansar at ang nais nito ay permanenteng kampo ng militar sa lugar upang mabigyan ng proteksyon ang mga residente.

Isa naman si Pundi Ander, ang barangay chairman ng Poblacion, sa pabor na pagaarmas sa mga residente dahil ito lamang ang paraan upang ma-protektahan nila ang sarili at kanilang lugar laban sa masasamang loob.

Nangangamba naman ang mga awtoridad na kung magaarmas ang mga residente ay baka magkaroon ng labanan sa pagitan ng magkakaaway na pamilya at angkan. Talamak ang rido o clan war sa lalawigan na kabilang sa magulong Autonomous Region in Muslim Mindanao.

Posibleng dagdagan ng militar ang mga militiaman sa bayan na siyang tutulong sa mga awtoridad na magbantay sa Butig. Ilang beses ng umatake sa mga sundalo ang grupo ni Maute, ngunit bigo pa rin ang militar na pigilan ito.

Sinabi naman ni ARMM Gov. Mujiv Hataman na tuloy-tuloy pa rin ang paghahabol ng mga tropa sa grupo ni Maute at pinatututukan nito na mabigyan ng tulong ang mga apektadong sibilyan sa Butig. (Mindanao Examiner)

Like Us on Facebook: https://www.facebook.com/mindanaoexaminer
Follow Us on Twitter: https://twitter.com/MindanaoExamine
Read Our News on: http://www.mindanaoexaminer.com / http://mindanaoexaminernewspaper.blogspot.com/
Share Our News
Digital Archives: issuu.com/mindanaoexaminernewspaper

4,522 total views, 521 views today

Show more