2013-10-22





Isang pagkakamali ang isiping ang pinakahuling naging gulo sa Lungsod Zamboanga ay sa pagitan ng mga Kristiyano at Muslim. Maraming kabilang sa hukbong sandatahan ng Pilipinas o AFP, sa pulisya o PNP, at sa BJMP na mga Muslim. Noong nasa BJMP ako ay regular na may klasmeyt akong mga Muslim sa mga treyning sa iba’t ibang kampo sa buong kapuluan. Gaya sila ng mga karaniwang kawal, pulis, o jail officer na nanumpa ng katapatan sa Republika ng Pilipinas. Gaya ng mga Kristiyano, isinasabuhay din ng mga Muslim ang panata nila sa republika at sa bansa. Gaya sila ng iba pang may katungkulan sa gobyerno na nais umasenso ang bayan. Katulad sila ng mga karaniwang mamamayang Filipino, Kristiyano man o Muslim, na nais ng mapayapa, matiwasay, at saganang buhay. Sila ay repleksiyon ng bawat kababayan sa Luzon, sa Visayas, at sa mga tinatawag na “non-Muslim areas” ng Mindanaw na kumukundena sa ginagawa ng alinmang hanay na bumabaling sa karahasan para sa reyalisasyon ng mga pansarili at makasariling interes. 

“Patayin si Misuari!” 

Dekada nubenta, halos dalawampung taon na ang nakararaan nang isang kasamahang paparetirong sarhentong Muslim ang nagbitiw ng salita na dapat ay “patayin si Misuari”. Ang rason niya ay wala itong gagawing matino hangga’t nabubuhay. Na di ito isang rebolusyonaryo o mapagpalaya kundi isang payak na ambisyosong panggugulo ang gamit na instrumento sa paghahanap ng katuparan ng ambisyon. Hindi pa natuldukan noon ang peace talk sa pagitan ng administrasyon ni Pangulong Fidel V. Ramos at MNLF na noo’y si Misuari ang supremo. Bago pa siya naging tserman ng itinatag na Southern Philippines Council for Peace and Development (SPCPD). Bago pa siya naging gobernador ng ARMM na ang pagkandidato niya’y kakabit ang kundisyon sa gobyernong Ramos na paatrasin ang pinakamalakas na kalaban sa halalan.

Sabi pa ng nasabing sarhento, ano ang tsansa niya (Misuari) sa puwersa ng gobyerno? Ginagawa niya lang pitsa sa sugal ang buhay ng mga naniniwala sa kanya. Pananalig na sana’y ginagamit niya sa mas makabuluhan at kapaki-pakinabang na mga layunin. Sa halip na gumawa ng bulabog para dikdikin ng sari-sari at sanga-sangang pananaw at ispekulasyon ng mga lokal at dayuhang obserber ang pambansang gobyerno. Sa kabilang banda, magkakaroon siya ng bagong pitsa para maglatag ng mga bagong political demand. Isang lumang padron na agad nang nababasa dahil basang-basa na. 

Mula MNLF Hanggang MILF 

Hindi ako nakaimik sa mga tinuran ng sarhento. Sa panahong iyon, kilala ko lang si Nur Misuari bilang isang pangalan sa diyaryo. Nagpasimula ng rebelyon ng mga Muslim sa Mindanaw laban sa rehimeng Marcos. Kahit sa panahong iyon na bukod sa mga rebeldeng Muslim ay malakas na katunggali ng Marcos-era AFP ang mga NPA na nasa rurok noon ang lakas/bilang at mga kaaway na pulitikong tradisyunal ay di umubra ang MNLF. Si Nur ay napatapon sa Libya dahil pati siya’y mararatrat kung hindi siya mangingibang-bayan. Nagkaroon ng Kasunduan sa Tripoli. Nanatiling exilo si Misuari. Sa pag-upo ni Cory ay binigyan nang (di nararapat) na importansiya si Misuari dahil sa isa raw ito sa mga lumaban kay Marcos. Lumabas sa harapan ng mga pahayagan ang larawan na yakap-yakap siya ng presidential bayaw na si dating senador Butz Aquino. Hanggang sa maganap ang peace talk sa ilalim ni FVR. Pero hindi na monopolyo ng MNLF ang kapasidad na mambulabog ng mga sandatahang Muslim sa Mindanaw. Isang “tragic comedy” na habang nasa hapag ng negosasyon ang rehimeng Ramos at MNLF para sa kapayapaan sa Mindanaw ay pinapatrulyahan ng mga kawal ng MILF ang kanilang patuloy na dumarami at lumalaking mga kampo sa Maguindanao.

Sa huling ibinunsod na kaguluhan sa Lungsod Zamboanga ng mga miyembro ng paksiyon ng MNLF sa ilalim ni Misuari ay umusbong ang mga haka-haka na may sabwatan sa pagitan ng mga nambulabog at Malakanyang para mailihis ang atensiyon ng taumbayan sa usapin ng expose sa pandarambong sa pork barrel nina Janet Lim Napoles at mga kasabwat na senador. Ito’y nananatiling ispekulasyon. Maraming kontra-premisa rito. Una, may pansarili at hiwalay na rason si Misuari para mambulabog. Natalo siya sa pagkagobernador ng ARMM. Si dating ARMM-OIC Mujib Hataman ang nagwagi sa halalan noong Mayo 12, 2013. Ano ang tipikal na hakbang ng isang hindi marunong tumanggap ng pagkatalo? Na nasanay gawing piyesa sa ahedres ang buhay ng mga tagasunod niya? Gaya nang nabanggit, padron na kay Misuari ang paglikha ng bulabog sa tuwing may bagong kabanata sa buhay niya. Pangalawa, arogante rin ang Malakanyang para kailanganin ang serbisyo ng nasabing paksiyon ng MNLF. Sa alinmang administrasyon, hindi kamungka-mungkahi ang pakikipagsanib-lakas sa gaya ni Misuari kaugnay sa naging reputasyon nito sa sambayanan. Napakaraming opsiyon sa kamay ng Malakanyang para pababain ang sarili sa ganoong alyansa. Isa pa, sa panahon ngayon ng internet at agarang kumunikasyon ay di na epektibo ang maniobrang maglihis sa isyu. Hindi na ngayon umaasa ang sambayanan sa tiyak na bilang ng mga umiiral na pahayagan at mga istasyon sa radyo at telebisyon para magbalitaan at magbalitaktakan. Kung malilihis ang isyu sa pork barrel, dahil din ito sa kapabayaan ng sambayanan mismo.

Wala ring malinaw na basihan ang alegasyon ni Senador Miriam na nagpakawala ng 40 milyong piso ang grupo ni Senador Enrile para pasiklabin ang gulo bagaman malalim ang ekspiryensiya ni Enrile sa ganito i.e. masaker sa Jabidah noong rehimeng Marcos na si Enrile ang depens-sekretari. Wala sa karakter ni Enrile ang maglabas ng malaking halaga ng sariling pera sa ganitong abentura kahit na may napipintong kaso ng pandarambong. Saka mismong ang aral ng Jabidah ang nagpapayo na huwag ulitin ang paggamit (at paglinlang) ng mga Muslim sa mga pulitikal na misyon.

 ARMM, Rehiyon 9, at Wikang Chavacano 

Dalawampu’t limang taon nang umiiral ang tinatawag na ARMM. Isang rehiyon na di kasali ang Lungsod Zamboanga at mga lalawigang kakabit ang pangalang Zamboanga na pawang nasa Rehiyon 9. Ang ARMM ay binubuo ng mga lalawigan ng Sulu, Tawi-Tawi, Basilan, Maguindanao, at Lanao del Sur. Isa si Misuari sa mga naging gobernador ng ARMM (1996 -2002). Taliwas din sa madalas maging paratang ng mga lider ng rehiyon, nakapaglaan ang pambansang gobyerno kasama ang mga donasyon ng ibang bayan ng bilyon-bilyong piso para sa mga proyekto’t programa na magpapabago sa kundisyon ng ARMM. Ano’ng nangyari? Sa huli’y naging kuwestiyunable ang pamumuno ni Misuari sa ARMM, natanggal siya sa puwesto, nakasuhan, at nabilanggo. Buhat sa una’y pustura ng pagiging rebolusyonaryo ay lumantad ang larawan niya bilang isang tradisyunal na pulitiko na walang kakayahang maging catalyst tungo sa pag-asenso ng sarili niyang rehiyon. Dahil taga-Sulu, mistulang laboratoryo at testing ground ang Lungsod Zamboanga na pinakamalapit na urbanisadong erya ng mga abentura nang una’y ni Misuari at MNLF, at nitong huli’y ni Misuari at pribado niyang hukbo. Ito ang kamalasan ng Zamboanga at ibang erya ng Rehiyon 9. Malaking mayorya ng mga residente ng Rehiyon 9 ay mga non-Muslim ngunit napaliligiran ito ng mga lalawigan ng ARMM.

Ang Lungsod Zamboanga ay isang medyor na lungsod sa bansa. Malaki ang potensiyal na maging mas maunlad pa. World class ang produkto nitong Spanish sardine sa bote na makikitang nakadispley sa mga tindahan sa malalaking siyudad sa mundo mula sa Tokyo hanggang Chicago. Sagana sa mga likas-yaman. Istratehiko ang lokasyon nito na lagusan ng mga barko mula sa Luzon sa Dagat Sulu at mula sa Dagat Celebes papasok sa Maynila. Nadaraanan ito at iniikutan ng mga barkong mula Maynila patungo sa Gensan at Davao. Higit sa lahat, sa usapin ng kultura ito’y maituturing na isang “Latin city” na sentro ng wikang Chavacano. Ang Chavacano ay tinatawag na “Philippine Creole Spanish” na tinatawag din na isang wikang “pidgin”. Ang wikang creole o pidgin ay isang ganap na wika buhat sa isang inang-wika (Kastila) na isinilang bunga ng pangangailangan ng magkakaibang tribu o grupo ng mga tao na makapagtalastasan sa isa’t isa. Kung ang Tagalog ay supling ng wikang Austronesian/Malayo-Polynesian ang Chavacano ay sa Espanyol at maituturing na apo ng wikang Latin na pinag-usbungan ng Espanyol, Portuges, Italyano, atbpa. Napakalaki ng hawig ng bigkas ng Chavacano sa Espanyol habang umaabot sa walumpung porsiyento pataas ng bokabularyo nito ay hiram o gahasa ng salitang Espanyol. Ang Chavacano ay may literal na kahulugan sa Kastila na “poor taste” bilang panlalait ng mga purong Kastila na ang wika ay ang wika nina Cervantes, Calderon dela Barca, atbpa. Ang Zamboanga, sa konteksto ng wika, ay isang buhay na museo ng Spanish era. Kahit sa Luzon ay maraming ispiker ng Chavacano hanggang sa unang bahagi ng nakaraang siglo, hanggang sa isa-isang nangamatay ang mga ispiker nito habang ang mga pumalit na salinlahi ay mga ispiker ng Tagalog na may diksiyon na hawig kina Nora Aunor at Noli de Castro at nang lumaon pa’y naging Filipino-Jejemon na may diksiyon ni Abra.

Para sa Payapa at Maunlad na Pilipinas

Paris nang nabanggit, kamalasan ng Lungsod Zamboanga na nasa lugar ito na direktang puntirya ng pambubulabog ng MNLF, hukbo ni Misuari, at ibang elemento mula sa Sulu. Buhat sa karatig-dagat, madaling ma-hit and run ito ng mga rebelde at bandidong Tausug, Yakan, MNLF, Abu Sayaf, Misuari faction, atbpa. Kapag kinumpronta ng AFP/PNP ay iiwas sa sagad-sagarang bakbakan ang mga nasabing elemento. Biglang sasanib at hahalubilo sa mga non-combatant. Saka muling mambubulabog ayon sa takdang taktika at istratehiya. Samantala, may mga mamumuhunang lokal at banyaga na permanenteng mawawalan ng gana sa Rehiyon 9 at ARMM matapos makatikim ng kaguluhan. Damay ang turismo. Lilipad ang sana’y mga salik ng asensong pangkabuhayan ng erya. Pag hilaw sa pag-asenso ang isang lugar ay hinog lagi ito para sa mga pag-aalsa. Isyung nakahatag sa pamahalaang sentral sa Maynila. Pero gaya ng pandarambong sa pork barrel, relebanteng paksa ito para sa lahat ng Pinoy na nagmamahal at nangangarap ng mas payapa at maunlad na Pilipinas.

Show more