2013-05-13

Dear Sir Ma’am Soon-To-Be Mayor, Vice Mayor, Councilor, Congressman, Governor, Vice Governor, Senator,

Hello po! Ako po ay isang simpleng mamamayan sa bansang ‘Pinas. Hindi po ako representative ng kahit anong union at grupo ng mga kabataang aktibista sa mga lansangan. Isa lang po akong mamamayang Pilipino. Madaming tanong at madaming hiling. Gusto ko nga pong i-print itong sulat ko at ipaanod hanggang sa Malacañang, kaso baka hindi din makaabot at maisama pa sa mga basurang lumulutang sa ilog.

Una po sa lahat, pagkatapos po ng matamang pag-iisip sa not-so-offensive na intro, gusto ko pong malaman niyo na sino po ba ang di mawawalan ng pag-asa? Sa bawat eleksyon na dumaraan, pabanguhan na lang ng sariling pangalan at pilit na pinapalabas ang mabahong amoy na taglay ng kalaban. Ang pulitika ay isang maduming larangan, magulo, masalimuot, minsan akala mo personal interest, yun pala, public service, akala mo public service, yun pala personal interest na.

Sino po ba ang may gusto nang magulong pamahalaan? Wala. Wala namang gustong maguluhan eh. Pero tama nga sila, nagsisimula ang magulong pamahalaan sa magulong halalan. Mula sa pagpa-file sa COC hanggang sa campaign period hanggang sa mismong halalan, sa bawat sulok at anggulo, laging binabatikos ng magkabilang partido.

May tanong po ako noong wala pa po ako sa tamang edad para bumoto, bakit kaya di na lang magtulungan ang mga kandidato sa pagpapaunlad ng bansa? Bakit kailangan pa nila mag-away, magpatayan, magsiraan, gumastos ng napakalaki para lang sa isang pwesto na hindi naman panghabang buhay. Ako din pala ang makakasagot ng sarili kong tanong e, kailangan nila mag-away, magpatayan, magsiraan at gumastos ng malaki para sa lang sa isang pwesto na hindi naman panghabang buhay pero pwedeng magbigay ng kakaibang karangyaan at yaman na kayang kaya ibigay ng tatlo hanggang anim na taong “panunungkulan.”

Pulitiko—Para sa mga bata, sila yung mga nagbabahay bahay at namimigay ng pamaypay, kendi, grocery, kapirasong papel na may pangalan nila at picture na may nakaipit na bente, singkwenta, isandaan at minsan mas higit pa, sila din yung may maingay na sasakyan na naglilibot sa kalsada, at kung ano ano ang gusto ipahatid sa pamamagitan ng mga jingle. Sila din yung mapapanood sa t.v, may kasamang bigating artista, minsan naman, ang kasama nila si P-noy.

Pulitiko—Para sa mga teenagers, sila yung mga nagbabahay bahay at namimigay ng pamaypay, kendi, grocery, kapirasong papel na may pangalan nila at picture na may  nakaipit na bente, singkwenta, isandaan at minsan mas higit pa, sila din yung may maingay na sasakyan na naglilibot sa kalsada, at kung ano ano ang gusto ipahatid sa pamamagitan ng mga jingle. Sila din yung mapapanood sa t.v, may kasamang bigating artista, minsan naman, ang kasama nila si P-noy. Minsan, nakokornihan sa mga commercial ng mga pulitiko, lalo na yung ang galang masyado, porke’t magalang yung apelyido. Marunong na kumilatis kung ano ba yung papogi lang at yung may ibubuga din. Minsan nala-last song syndrome sa mga jingle na paulit ulit.

Pulitiko—Para sa mga matatanda na, sila yung mga nagbabahay bahay at namimigay ng pamaypay, kendi, grocery, kapirasong papel na may pangalan nila at picture na may nakaipit na bente, singkwenta, isandaan at minsan mas higit pa, sila din yung may maingay na sasakyan na naglilibot sa kalsada, at kung ano ano ang gusto ipahatid sa pamamagitan ng mga jingle. Sila din yung mapapanood sa t.v, may kasamang bigating artista, minsan naman, ang kasama nila si P-noy. Minsan, nakokornihan sa mga commercial ng mga pulitiko, lalo na yung ang galang masyado, porke’t magalang yung apelyido. Marunong na kumilatis kung ano ba yung papogi lang at yung may ibubuga din. Minsan nala-last song syndrome sa mga jingle na paulit ulit. May kakayahan na iboto ang mga karapat dapat sa nasabing pwesto. Maaring ibenta ang kalayaan sa pagboto. Maaring masilaw sa pangakong maaring hindi matupad. Pwedeng makinig at hindi sa mga pulitiko at sa mga news anchor at sa mga comedian na may concert sa Araneta, na tumutulong o maaring hindi sa pamamagitan ng mga tips/parinig/direktang pagtuligsa. Minsan napapakinggan at napapanood ng mga bata at teenagers kung paano nila, purihin, libakin o murahin ang iba’t ibang pulitiko.

Iba’t iba po ang tingin namin sa inyo, alam niyo po naman yata yun. Sa general na pagtingin, negative po talaga ang tingin namin sa inyo. Alam po namin na may maganda po kayong intensiyon, pero ang tanong lagi bang maganda ang intensiyon niyo, o kaya lang nagmumukhang maganda ang hangarin niyo ay dahil parang pa-kunswelo de bobo niyo na lang po sa amin ang binasag at sinirang maayos na kalsada para kunwari inaayos. Sorry po. Di niyo naman po kami masisisi. Palit po tayo ng kalagayan. Para malaman niyo po.

Hindi pa po ako nakaligo sa dagat ng basura o nakakita ng zombie na bumuboto o kaya ay nag-“po” ng nag-“po” kahit naman di na kelangan, pero ang sarap nga po talagang mambato ng buko sa mga walang kwentang pulitiko at makita si Bossing na nag-gi-gitara. Pero isa lang po ang hiling ko, sana po sa nalalapit na halalan, at manalo kayo, makita na po  kami ng pagbabago kahit konti lang. Kahit na ang paghiling na ito ay ang pag-asang makakita ng tooth fairy o mabigyan ng regalo ni Santa Clause.

Eto na naman po tayo, nasa finish line na ng pagpili kung sino ba ang karapat dapat or may mga ibang di rin karapat dapat kaso nahalal pa din, at pu-pwesto na naman sa likod ng linyang may nakasulat na “Start” at may ilang taon na naman nating dadamhin ang umaatikabong ___________________.  (Pumili ng karapatdapat na ilagay para sa puwang: kurapsyon ng mga re-elected at new elected epal sa gobyerno, pagbabago sa pamahalaan at pagtupad ng kanilang mga plataporma at pangako, kahirapan na bonggang bongga plus 10 x 100, or pagsakop ng alien dahil sa natuwa sila sa ating mga ‘Pinoy dahil napakadali nating mauto at di na tayo nadala kaya applicable na applicable tayong maging alipin ng mga extra terrestrial na madaming mata at kamay.)

Ngayon at nasa tamang edad na para bomoto, maaring maging malaking diperensya ang boto ko. Hindi pala. Malaking diperensya talaga. Kaya sir, ma’am, goodluck po! Sa amin po nakasalalay ang future nyo, maaring maghirap kayo dahil sa amin, pero malamang, mapanalo man namin kayo o hindi, malaki ang posibilidad na di pa din magbago kung ano ang kalagayan naming ngayon at sa susunod na eleksyon. After 3 years, maririnig ulit namin kung ano yung mga sinasabi niyo sa TV, flyers, leaflets. Malamang.

Ma’am, sir, naisip ko lang, para pa lang tayong mag-asawa, pinili kita, kasi nagtiwala ako sa’yo, naniwala sa mababangong pangako mo, bibigyan mo ko ng magandang buhay at mapayapang pamumuhay, kaso, nawalan ka ng panahon sa akin, nanlamig ka at inuna ang mga personal na kaligayahan at pangarap na ang sabi mo, noong nililigawan mo ‘ko ay ang mapaglingkuran ako ang siyang makakapagpasaya sa’yo. Kaya kahit na gusto kong kumalas na sa’yo, ay wala akong magagawa dahil sa’yo na nakadepende ang kinabukasan ko. Isang maamong kuneho na nag-evolve sa nakakatakot na buwaya after ng eleksyon.

Ganoon ka ba? Hindi? Weh? Sige na nga, apir!

Lubos na umaasa,

Noypi

Show more