Philippines President Benigno S. Aquino III delivered his national address live on national TV on Monday, July 14, 2014 at 6:00 p.m, from the President’s Hall in Malacañan Palace. The National Address was also posted in the official YouTube account of Radio TV (RTV) Malacanang.
The National Address of the President was given a few hours after numerous news media organizations in the country reported that the President’s satisfaction ratings went down according to the latest satisfaction survey results. PNoy also defended the disbursement acceleration program (DAP) earlier declared by the Supreme Court as unconstitutional.
Here’s the Transcript of Pres. Aquino’s National Address on July 14, 2014:
Pahayag ngKagalang-galang Benigno S. Aquino III Pangulo ng Pilipinas
Ukol sa paghahain ng Motion for Reconsideration para sa desisyon ng Korte Suprema sa DAP
[Inihayag sa Palasyo ng Malacañan noong ika-14 ng Hulyo 2014]
Sa mga minamahal ko pong kababayan, ang aking mga Boss:
Humingi ako ng panahong makaharap kayo ngayong gabi, para ipaliwanag ang ilang bagay kaugnay ng naging desisyon ng Korte Suprema ukol sa DAP.
Ang una ko pong tatalakayin: Ano ba ang sitwasyong dinatnan natin?
Kung maaalala po ninyo, nang umupo tayo sa puwesto, tumatakbo na ang 2010 budget, at minana rin natin ang panukalang budget ng 2011. Isipin po ninyo: Sa 1.54 trillion pesos na dinatnan nating pondo ng 2010, nasa 100 billion, o 6.5 percent lang nito ang natitirang gamitin sa nalalabing anim na buwan ng taon. Talagang mapapaisip ka: Saan kaya nila dinala ang pera?
Naaalala rin siguro ninyo ang maanomalyang proyekto tulad ng dredging sa Laguna Lake, kung saan gagastos tayo ng 18.7 billion pesos para lang sa paglalaro ng putik; o ang mga GOCC na nagpaulan ng bonus sa mga opisyal at empleyado kahit nalulugi ang mga kompanya.
Malinaw na maraming nagaganap na katiwalian sa sistema ng pagba-budget noon. Kaya naman, tinanggal natin ang mga ito. Kinansela natin ang mga maanomalyang proyekto, inayos ang pamamalakad sa mga GOCC, at sinimulang itigilang mga hokus-pokus sa kaban ng bayan. Sa pamamagitan ng Zero-Based Budgeting, paglalaanan lang ng pondo ang mga proyektong tunay na pakikinabangan ng mamamayan; wala nang puwang para sa tinatawag na continuing appropriations. Ito pong continuing appropriations ang isa sa mga dahilan kaya nagkaroon ng marupok at komplikadong burukrasya, na pagkakataon para sa katiwalian, at mga programang pinagkakaperahan ng iilan, habang wala namang benepisyong dumarating sa taumbayan.
Pero hindi man natin intensyon, naging kaakibat ng maigting nating pamamahala sa budget ang pagkaantala ng ambag ng publikong sektor sa paglago ng ekonomiya. Dahil sa underspending, bumaba ang ating GDP. Kumbaga po sa sistema ng irigasyon, ipinamana sa atin ang mga daanan ng tubig na maraming tagas. Kaya naman kinailangan po munang asikasuhin ang pagtatapal ng mga ito para walang masayang, at gawing mas epektibo ang irigasyon. At dahil nga po sa dami ng butas, hindi agad tayo nakapagdala ng sapat na tubig sa mga halaman na kailangan nito para sa kanilang paglago.
Pinag-aralan natin ang sitwasyon. Natuklasan nating may mga departamentong mabilis ang galaw ng proyekto dahil agarannilang nawasto ang kanilang mga sistema. Mayroon din namang mga ahensyang isinasaayos pa ang kanilang sistema para magkaroon ng katiyakan na walang masasayang na pera ng bayan. Pero siyempre po, tumatakbo ang oras, dumating ang punto nainamin nilang hindi nila kayang gamitin ang pondo sa taon na pinaglaanan ng budget. Ang tanong nga po: Anong gagawin natin sa mga hindi pa nagagamit na pondo?
Linawin ko lang po muna ang usapin ng savings sa gobyerno. ‘Di po ba, sa ating mga tahanan, palaging magandang bagay ang magkaroon ng savings? Halimbawa, kapag nakamenos-gastos sa biniling karne, may ekstrang pera para makabili ng pangrekado.
Sa pamahalaan, mas kumplikado ang ibig-sabihin ng savings. May mga pagkakataong mabuti ito, katulad ng mahigit sa 26 bilyong pisong natipid ng DPWH dahil sa maayos at tapat na proseso ng bidding at procurement. Ngunit, may mga pagkakataon namang kapahamakan ang ibig-sabihin ng savings para sa taumbayan. Bakit po? Kada taon kasi, nagmumungkahi ang sangay ng Ehekutibo sa Lehislatura ng tala ng mga prayoridad na programa, aktibidad, at proyekto na may kaakibat na benepisyong kailangang paglaanan ng pondo. Kapag naisabatas na ang budget, malinaw na nakasaad na kailangan itong gugulin sa loob ng tinukoy ng tinukoy na taon. At kapag hindi ginastos ang pera para sa pinaglaanang programa, natural pong hindi makakarating ang benepisyo sa taumbayan. ‘Di ba’t nagbubunsod ito ng kapahamakan sa ating mamamayan? Ibig-sabihin, sa tuwing may ganitong savings ang gobyerno, sa tuwing natutulog ang pera ng bayan, mayroon tayong Boss na napagkakaitan ng benepisyo.
Siyempre po, sinumang matinong pinuno ng gobyerno ay gugustuhing madaliin ang mgaproyektong may pakinabang sa publiko. Wala po akong makitang dahilan na iantala ang benepisyo, lalo pa’t may kakayahan tayong gawin ito.Malinaw na kapag hindi mo agad naiparating angbenepisyo, pinahaba mo na rin ang pagdurusa ng Pilipino.
Ang naging tugon po natin: Disbursement Acceleration Program o DAP. Ito naman po ang ikalawa kong ipapaliwanag sa inyo.
Hindi proyekto ang DAP—isa itong pamamaraan ng pamamahalana naaayon sa batas at sa mandatong ibinigay sa sangay ng Ehekutibo. Ipinatupad natin ito para makatulong sa paglalaan ng pondo at masagad ang mga benepisyong hatid nito para sa taumbayan.
Paano ba nag-umpisa ang DAP? Ganito po: Sa araw mismo ng SONA noong 2011, ilang oras bago ako magtalumpati, nagbigay sa atin ng progress report ang lahat ng departamento ng pamahalaan. Nagulat po ako sa ilang natuklasan kong datos.
Halimbawa: Sa report ng DepEd, sa target nilang maipatayo na walong libong school buildings, ang natapos nila: labingwalo lang po. Sa totoo lang, makatuwiran naman ang kanilang mga dahilan—tulad ng paghahanap ng karagdagang lupa, mga panibagong pagsusuri sa tunay na pangangailangan, isama pa ang masalimuot na mga proseso sa burukrasya. Kaya naman, diretso po natin silang tinanong: Mahahabol niyo ba ang target na konstruksyon sa nalalabing limang buwanng taon? Ang tapat namang sagot ng DepEd, “Ginagawa na namin ang lahat ng magagawa, pero nasa tatlo hanggang apat na libong classroom lang ang kakayanin naming maipatayo para sa 2011. ‘Yong natitira, hahabulin na lang po namin sa susunod na taon.” At iyon nga po ang nangyari: Mabagal man ang naging pagpapatayo noon, nakabawi naman ang DepEd. Ngayon nga po, naisara na nila ang minana nating backlog na 66,800 classrooms.
Isa pang halimbawa ng proyektong matagumpay na naipatupad dahil sa epektibong paggamit ng savings ang sitio electrification program. Noong 2012, ang target po nating pailawan: 4,053 na sitio. Sa pambansang budget, 3.87 billion pesos ang inilaang pondo para dito. At dahil sa mabilis at mahusay na pagpapatupad ng proyekto, humiling po ang National Electrification Administration ng dagdag na pondo para pailawan ang karagdagan pang 2,110 sitio. Sa tulong ng DAP, naipagkaloob ang 1.264 billion pesos para matapos ang kabuuang 6,163 sitios noong 2012. ‘Yon po ay sa bilang na 36,000 na sitio ang may kailangang pailawan.
Tanong po, ‘di po ba tama, na ang pondong nakatengga lang ay ipagkaloob natin sa mga napatunayan nang epektibo ang programa, at talagang magagawang tapusin ang inaasahan sa kanila, at ipinarating nang pinakamaaga ang benepisyo? Ang maganda nga po sa ganitong sistema: Ang mga proyektong pansamantala nating itinigil noong taong iyon, ay hindi na makikipagkumpetensya sa pondo ng mga natapos nang proyekto sa susunod na taon. Talaga pong win-win situation.
Dumako naman tayo sa ahensyang tulad ng National Irrigation Authority o NIA. Noong ako po’y nagtalumpati sa kanilang anibersaryo, ang ipinagmamalaki po nila sa atin: Dumodoble raw ang pagtupad ng kanilang target sa rehabilitation at reconstruction projects. Iyon nga lang po, nang makita ko ang datos pagdating sa kanilang mga bagong project: Nitong nakalipas na sampung taon ay lagi itong napakalayo sa target, na sila rin naman po ang gumawa ng mga target. Alam naman po natin: Kung may balak kang katiwalian, mas madali itong gawin at lusutan sa mga proyektong under repair. Pero sa new projects naman, dalawa lang po ‘yan: meron ba o wala? Halimbawa: may nakikita nga ba tayong ipinagawang kanal o wala?
Ipinaliwanag nga rin po ng pinuno nila noong mga panahong iyon kung bakit mula 87 percent accomplishment sa irrigation projects noong 2011, bumagsak ito sa 65 percent noong 2012. Ang sabi po nila: 40 percent daw kasi ng mga proyekto ay nasa Mindanao,at tinamaan ng bagyong Pablo. Paalala ko lang po: Unang linggo ng Disyembre 2012 dumating si Pablo. Ang tanong ko: Ano bang inaatupag niyo buong taon, at itinulak niyo lang sa huling tatlong linggo ng 2012 ang pagkumpleto sa mga proyekto? Ang malala pa: Itinaon nila ito sa panahon ng Pasko at Bagong Taon—kung saan mababawasan pa ang araw ng trabaho dahil sa mga bakasyon. Ang tindi po talaga. Palagay ko, walang sasang-ayon sa ganitong pamamalakad, at hindi puwedeng pabayaan na lang ang ganitong pambobola. Pinalitan na nga po natin ang administrador ng NIA.
Ang hangad po natin: Huwag patagalin ang pagpapatupad sa isang proyekto. Ang pinagkasunduan ng buong Gabinete tungkol sa kani-kanilang budget: Use it or lose it. At kung malinaw na hindi talaga ninyo magagamit ngayong taon ang pondong inilaan para sa inyo, maliwanag na savings na ‘yan. Binigyan po tayo ng pagkakataong maipatupad kaagad ang benepisyong may agarang pakinabang sa ating mga Boss.Sa ganitong paraan, ang mga naantalang benepisyo ay napapalitan ng mga benepisyong mas maagang nakakamit ng taumbayan. Tandaan po natin: mayroon tayong budget deficit; mayroong mga pondo na inuutang ng pamahalaan upang mailaan sa mga proyekto. Kung hahayaan lang natin itong matengga, nagbabayad lang tayo ng interes para sa wala. Wala pong napapala ang taumbayan sa ganitong sistema.
Sa desisyon ng Korte Suprema, kinukuwestiyon tayo sa paggamit natin ng savings at kung kailan natin puwedeng gamitin ang tinatawag na unprogrammed funds. Ang gusto po nila, ideklara ang savings sa ika-31 ng Disyembre. Sa sistemang ito, Kelan pa natin ito magagamit? Sa kahulugang ito ng savings, ‘yung proyektong puwede na sanang pondohan sa kalagitnaan ng taon, ipapagpaliban pa natin hanggang sa susunod na taon.
Mayroon din po tayong listahan ng mga proyektong mapopondohan lamang kung may biglaan at di-inaasahang kita ang gobyerno. Unprogrammed funds po ang tawag dito.Sa inutos ng Korte Suprema, matatagalan ang paghahatid ng benepisyo dahil Marso pa ng susunod na taon matatapos ang lahat ng rekisitos para sa paggamit nito. May proseso pa ng bidding at procurement, na aabutin naman ng di-bababa ng apat hanggang anim na buwan. Bago ito matapos, anong petsa na? Kung Marso ang report, Setyembre na po magagamit ang pondo ng susunod na taon. Samakatuwid, papunta ka na sa dalawang taon bago magkaroon ng pagkakataong pakinabangan ng taumbayan ang pondo.
Ano pong maaaring implikasyon nito? May mga programa tayo para sa paglilikas ng informal settlers sa mas ligtas na lugar mula sa peligrosong lugar. Sa sistema na tila inuutos na ibalik ng Korte Suprema, parating na ang pangalawang panahon ng bagyo, o second typhoon season, saka pa lang natin maililikas ang ating mga kababayan. Tandaan po natin: tinatayang dalawampung bagyo ang dumadaan sa atin kada taon.Tama ba naman na sabihin sa naninirahan sa mga peligrosong lugar, na daanin na lang muna ang lahat sa dasal?
Hindi po ito maaatim ng aking konsensya. Hindi ko matatanggap na may mapahamak tayong mga kababayan dahil hinayaan kong magtagal ang paghahatid sa kanila ng benepisyo. Tandaan lang po natin: Ang mamamayan ang may-ari ng kaban ng bayan.
Ang epektibong paggugol ng pondo ay hindi lang po dikta ng aking konsensya, malinaw din pong nakasaad sa iba’t ibang probisyon ng isang batas na ang pangalan ay Administrative Code of 1987, at tinalakay ang paggamit ng savings. Halimbawa, basahin natin ngayon (nandiyan sa inyong mga screen) ang Book VI, Chapter 5, Section 39 ng 1987 Administrative Code of the Philippines:
“—Except as otherwise provided in the General Appropriations Act, any savings in the regular appropriations authorized in the General Appropriations Act for programs and projects of any department, office or agency, may, with the approval of the President, be used to cover a deficit in any other item of the regular appropriations…”
Nakita naman po ninyo, na ayon sa batas na ito, hayagang binibigyan ng kapangyarihan ang Pangulo na maglipat ng savings sa ibang proyekto. Walang nakasaad na limitado sa isang departamento o sangay ng gobyerno ang paglilipat ng savings. Sa simpleng salita po: Hindi tayo lumabag sa batas nang ipatupad natin ang DAP.
Nagulat nga po kami nang makita naming hindi naisaalang-alang sa desisyon ng Korte Suprema ang ginamit naming batayan ng DAP. Paano kaya nila nasabing unconstitutional ang aming paraan ng paggastos gayong hindi man lang nila tinalakay ang aming pinagbatayan? Hanggang sa mga sandaling ito, umiiral pa rin ang Section 39 ng Administrative Code, at ang marami pang ibang bahagi nito.
Mas nakakabagabag pa ito kung isasama natin sa usapan ang “operative fact doctrine,” na binanggit rin ng Korte Suprema sa kanilang desisyon. Simple lang naman po ito. Sa oras na ideklarang unconstitutional ng Korte Suprema ang isang batas o kautusan ng Ehekutibo, ang mga proyektong gagawin pa lang sa ilalim nito ang siyang ipinagbabawal. Hindi saklaw ng deklarasyon ang mga nagawa nang proyekto kung matatanggalan ng benepisyo ang taumbayan. Natural lang po ito dahil hindi naman tamang baklasin ang mga tulay na naipatayo na, o kaya naman ay tibagin ang mga tahanang naipagkaloob na sa mga pamilya ng informal settlers.
Gayundin, sa ilalim ng doktrinang ito, kinikilala na walang pananagutan sa batas ang nagpatupad ng kautusan kung ginawa nila ito “in good faith.” Pero sa desisyon ng mga Mahistrado, ipinagpapalagay kaagad nilang walang good faith, at kailangan pa raw namin itong patunayan sa isa o sa mga paglilitis. Nasaan po kaya rito ang prinsipyong “innocent until proven guilty?”
May mga nagsasabi rin po na pareho lang ang DAP sa PDAF. Excuse me. Iba ang DAP sa PDAF. Sa PDAF, may ilang nagdala ng pondo ng gobyerno sa mga pekeng NGO, at diumano’y pinaghati-hatian ng ilang mapang-abuso. Sa DAP, malinaw na hindi ninakaw ang pondo ng gobyerno—sinikap itong gastusin para maiparating ang benepisyo sa Pilipino. Hindi saka na, o bukas makalawa; now na. Ang kayang ipatupad agad, ipinatupad agad.
At ‘di po ba, mismong ang Korte Suprema, ang World Bank, isama na rin ang mga kritiko ng DAP, aminadong nakatulong ito sa pag-angat ng ating ekonomiya?
Malinaw po: Mayroong mga dapat ikonsidera ang Korte Suprema upang bigyan ng paglilinaw ang kanilang naging pasya ukol sa DAP, at harinawa, ay mapagtanto nila ang negatibong epekto nito sa bansa. Iaapela natin ang desisyon ng Korte Suprema. Magagawa po natin ito sa pamamagitan ng paghahain ng Motion for Reconsideration para magbigay-daan sa mas buo at mas kumpletong pagsipat sa ating mga batas.
May mga naririnig din akong bulung-bulungan na baka pinepersonal lang daw ako sa isyung ito; na para bang hinahamon akong personalin din sila. Ang sabi ko na lang po: Bilang Pangulo at ama ng bayan, kailangan kong maging mahinahon, at isulong ang tamang proseso.
Kahit sino nga pong abogado, na atin pong kausapin, ay magbibigay ng babala sa hakbang na ito. 13-0 ang naging boto ng Korte Suprema laban sa DAP; may isang nag-abstain. Halos, sabi po ng mga abogadong nakonsulta natin, suntok sa buwan ang pag-asang babaliktarin ito. Ang sabi pa nila: kapag itinuloy mo yan, baka lalo ka lang mapahamak.
Ang mensahe ko po sa Korte Suprema: Ayaw nating umabot pa sa puntong magbabanggaan ang dalawang magkapantay na sangay ng gobyerno, kung saan kailangan pang mamagitan ng ikatlong sangay ng gobyerno.Mahirap pong maintindihan ang desisyon ninyo. Mayroon din kasi kayong ginawa dati, na sinubukan ninyong gawin ulit, at may nagsasabi pang mas matindi ito base sa desisyong inilabas ninyo kamakailan lang. Nagtiwala kami na tama ang ginagawa ninyo alinsunod sa konsepto o prinsipyo ng “presumption of regularity,” lalo pa’t kayoang dapat na mas madunong sa batas.Ngayong kami naman ang may ipinatupad—na kayo na rin ang nasabing nakabuti sa mamamayan—bakit mali na ngayon ang aming ginawa?
Naniniwala naman akong karamihan sa inyo, tulad namin, ay naghahangad ng kabutihan para sa taumbayan. Sa mga kagalang-galang na Mahistrado ng Korte Suprema: Tulungan n’yo naman kaming tulungan ang ating mga kababayan. Balikan niyo sana ang ginawa ninyong desisyon nang may pagsasaalang-alang sa mga inilatag kong paliwanag ngayong gabi. Umaasa po ang sambayanan sa makatwiran ninyong pagtugon. Umaasa akong kapag nakita ninyo ang mga isusumite naming argumento ukol sa batas at sa ekonomiya, magkakaisa tayo, at titibay ang kapasidad ng buong pamahalaan na isulong ang interes ng sambayanan.
Wala naman po sigurong magdududa, sa nakalipas na apat na taon ay itinaguyod natin ang reporma. Ano nga ba ang inaasahan sa atin sa pagsusulong ng reporma?
Ang dinatnan nating sistema ay hindi nakatulong, o kulang ang pagtulong sa ating bayan—inaayos natin ito upang magawa ang tangi nitong layunin: ang mapangalagaan ang interes ng sambayanan, na siyang nagluklok sa atin sa kapangyarihan. Ang panawagan natin sa Korte Suprema: huwag ninyo naman sana kaming hadlangan. Hindi ba dapat kasama namin kayo sa repormang ito? Tapusin na natin ang sistemang nagpapahamak sa taumbayan.
Hayaan po ninyong ibahagi ko ang isang text message na natanggap ko nito lang pong lumipas na linggo. Ang sabi po: “The politicians are making fiesta regarding DAP; but to our simple non-legalistic mind, it is like a motorist who parked in a ‘no parking zone’ because he had to rush to save the life of an accident victim, which has more value. I’m praying hard that these people will see the good of the people rather than their own ambition.”
Sagot ko po: Parang ganun nga ang sitwasyon, pero sa totoo lang, mas malala pa; dahil kinasuhan ako ng “no parking” sa pagparada sa hanggang ngayon ay hindi pa nadedeklarang “no parking zone.” Tama po ba ‘yun?
Mga Boss, sa mga susunod na araw, ako, ang mga miyembro ng aking Gabinete, pati na ang mga naging benepisyaryo ng DAP ay maglalabas ng karagdagang detalye tungkol sa usaping ito. Inaanyayahan ko rin kayong lahat na basahin ang inilabas na desisyon ng Korte Suprema, pati na ang mga kaakibat nitong concurring anddissenting opinionsupang mas maunawaan ninyo ang mga tinalakay ko ngayong gabi. Doon naman po sa mga nag-aalala tungkol sa mga programang pinahihinto na, dahil kailangan nating sundin ang kauutusan ng Korte Suprema, huwag kayong mag-alala. Babalik kami sa Kongreso at hihingi ng supplemental budget upang maituloy ang inyong mga benepisyo.
Bilang pagtatapos, muli kong ididiin: Mabuti ang DAP. Tama ang intensyon. Tama ang pamamaraan. Tama ang resulta.Mga boss, ipinapangako ko sa inyo: Hindi ko hahayaang pahabain pa ang pagdurusa ninyo, kung ngayon pa lang, ay kaya na nating ibsan ito.
Marami-maraming salamat po, at sana po ay naliwanagan tayong lahat.
Follow @HapeePinay on Twitter for more updates.
Share
Thank you so much for visting HapeePinay and reading our articles. If you find this post interesting, please do remember to share it on Facebook, Twitter or Google+. Adding a comment below will be much appreciated.