2012-09-05



[caption id="" align="alignright" width="342"] Injection (Credits: thewritingtype.com/wp-content)[/caption]

Napaaga ako ng dating, malamang ako na namang mag-isa ang maghihintay dito. Ganoon yata talaga ang tadhana ng taga-liblib na barangay na kagaya ko, kung ‘di sobrang aga ng dating sa takdang oras na napag-usapan, eh late naman. Mahirap talagang bumiyahe nang malayo, ang hirap  dumiskarte ng tantya ng oras.

Bumili muna ko ng mailalaman sa nagwewelgang sikmura, kung magkakaroon lang siguro ng sariling buhay ang mga lamang-loob ko, mag-walk-out na sila palabas ng tiyan ko.  8:28 am ang oras, at tulad ng nakasanayan, di na naman ako nagbreakfast. Pakiramdam ko kasi, pag kumakain ako ng sobrang aga, nalulunod ako sa pagkain. Para bang umani ng masamang panaginip ang sikmura ko nung nakaraang gabi na dinaig pa ang matris na naglalabas ng mens sa kasungitan, kahit tubig lang ayaw tanggapin, ibabalik at ibabalik nya palabas sa bibig ko in a semi-digested form (oh tama na sa amag na description).

Bumili ng sandwich, tsaka ice coffee (na alam na alam kong 3-in-1 lang na binudburan ng konting yelo) na malamig lang ng konti sa ilong ng pusa. Nagsimula akong kumain. Matagal pa to, alas nuebe pa ang usapan, bakit kasi nauna na agad ako. Habang kumakain, nakakaramdam ako ng yamot at inip. Naisipan kong kunin ang phone ko at isuksok ang headset, nag-open ng application at hinanap ang music player. Walang tingin-tingin na pinindot ko ang play, di na ako namili pa ng kanta, kung ano na yung magplay, wag lang “Right Here Waiting” o “Alone” ang magplay at baka isasaw ko sa ice coffee yung phone ko. Tumingin ako sa labas ng food gallery habang iniintay magplay yung music, umuulan pala, nagsisimulang tumama ang patak ng ulan sa salamin. Maya-maya, nagplay na yung music,

Over there, just beneath the moon

There’s a man with a burden to keep

No sleep will fall washouts rags ‘n’ paperbags

Home and life passing by

Who will see the beauty in your life

And who will be there to hear you when you call

Who will see the madness in your life,

And who will be there to catch you if you fall

Natigilan ako. Di ko kasi alam na may ganito pala akong kanta sa phone ko. “Beauty and Madness”. Natigilan ako, una dahil may ganito pala na kanta sa phone ko, wala akong kamalay-malay. Pangalawa, mula kasi ng araw na yun, iba na ang dating ng kanta na ito sa akin, hindi na lang siya basta tunog, hindi lang basta musika sa tenga ko, at hindi na lang basta letra ang mga salita. Tumingin ulit ako sa labas, pinagmasdan ang pagtama ng ulan sa salamin, di ko akalain na dahil sa kanta na to, maaalala ko ulit lahat yun.

Droga. Sabi nila, wag mo daw susubukan, kasi pag nasimulan mo na, mahirap ng makawala. Paulit-ulit ko yung naririnig. Paulit-ulit na sinasabi sa akin, pero bakit walang nagpaliwanag kung anong ibig sabihin ng di ka makakawala? Pakiramdam ko kasi noon, kung hindi ko siya susubukan,  hindi ako makakalaya. Barkada? Impluwensiya ng masamang barkada? Problema sa buhay? O talagang bisyo lang? Hindi ko alam kung ano ang sa akin dyan. Siguro, sabihin na nating biktima ako, marahil madami ang magtataas ng kilay sa mga makakarinig, marami ang manghuhusga, dahil ako, isang drug addict, biktima? Biktima ng ano?

Basta alam ko, di naman ako masamang tao. Di ko inaalis ang katotohanan na adik ako, oo alam ko, di ko nakakalimutan, bukod sa mga tingin at titig sa akin ng tao, sa pagbubulungan tuwing dadaan ako, bukod sa lahat ng pagpaparamdam na ako ay isang taong may higit pa yata sa ketong. Lalayuan, di pagkakatiwalaan. Nanunumbat ba ako? Hindi. Masama ba yung loob ko, oo. Dahil akala ko nun bago ako gumamit ng droga, walang nakakaintindi sa akin. Nun gumamit ako, napatunayan ko, wala nga pala.

Ano nga ba yung dahilan ko sa lahat ng ginawa ko? Barkada? Hindi. Bisyo? Lalong hindi, ni katiting wala akong alam tungkol dito dati. Problema. Siguro. Pamilya? Oo, kung matatawag nga na pamilya yung meron ako. Alcoholic ang ama ko, tapos siya ng kolehiyo, pero minsang nagkamali at nabawian ng lisensya sa pagiging doktor. Gumuho siguro yung mundo niya, at lahat ng piraso ng mundong yun, bumagsak lahat sa amin, sa amin na pamilya nya. Dalawa kaming magkapatid, si Ate nun nasa high school na, si Mama naman, isang teacher. Nun panahon na di pa nababawian ng lisensya si Papa, masasabi kong naranasan ko ang masayang pamilya, perpekto, o kung di man perpekto, yung tipong kakasabikan mong uwian sa paglubog ng araw at naghahanap na ang katawan mo ng pahinga at kapanatagan.

Mahirap pala pag natikman mong maging masaya, dahil kung dadating ang dagok sa buhay mo, may panghihinayangan ka, may  lagi kang iisipin na “ano kaya kung ganito?”, “ano kaya kung ganun?”. Puro ako tanong nun. Isang araw, umuwi ako na puro dugo si Mama. Umiiyak si Ate at nakabulagta sa sahig si Papa. Ewan ko kung may mas nakakatakot pa sa nasa harapan ko nun. Walang-wala ang pinakamorbid na torture scene sa “Saw” movies. Di ko man lubusang alam, iisa ang sinisigaw ng utak ko. May nangyaring di maganda, at may sumisigaw pang isang boses na nagsasabing, mas di maganda ang susunod na mangyayari. Totoo nga pala.

Napatay ni Mama si Papa. Oo, ganun ang nangyari sa pamilya ko. Nakita niya na pingsasamantalahan ni Papa si Ate. Ilang araw pagkatapos nun, nakita ko si Ate na nasa kwarto, walang malay. Nagtangkang magpakamatay, hindi niya kaya ang kahihiyan na nangyari sa pamilya namin. Naagapan siya, nabuhay, pero yung katinuan niya, wala na yatang pag-asa. Nasa mental hospital siya ngayon. Si Mama, nakakulong, nahatulan sa pagpatay sa sarili niyang asawa dahil sa pagtatanggol sa puri ng anak niya.

Nagtataka siguro kayo kung bakit ko naikukuwento lahat to. Maniwala kayo, hindi naging madali ang lahat. Kung iisipin nyo lahat nang nangyari sa buhay ko ay nangyari sa inyo, kakakayanin kaya ng katinuan nyo? Kaya hinanap ko ang droga. Di ko sasabihing, di ko yun ginusto, desisyon ko yun, dahil di ko talaga kaya. Nalulong ako, dahil wala na akong nakikitang hinaharap, minabuti ko ng wag humakbang pausad, minabuti kong magpalubog sa kumunoy na naapakan ko. Hanggang, gumuho na lahat, nahuli ako, at dahil menor de edad, dinala sa rehabilitation center na ito. Wala na akong pag-asa, ang madilim kong mundo ay nasakluban pa ng itim na anino. Wala na talaga akong pag-asa.

Tanda ko pa yung araw na nakita ko siya. Kasama yung mga kaklase nya. Tahimik, pero halata mo na napakabait nya. Maamo yung mukha, at palangiti talaga. Nursing student pa lang siya nun, ako naman nagpapagamot sa rehab. Malayong-malayo ang mundo namin, siya may direksyon, may tuwid na pupuntahan, ako, walang tuwid na pupuntahan, ni direksyon yata wala. Pero, hindi ko alam bakit nun araw na yun, nilapitan nya ko. Kinausap. Sa bawat ngiti nya, parang hinatak nya ko palabas sa mundo kinulungan ko ng sarili ko. Nung una, di ko siya matingnan. Kahit anong kausap niya, wala akong pakialam. Ilang araw pa, nagtiyaga siya sa akin, patuloy siyang nagkukwento kahit na pinaparamdam ko na wala akong pakialam. Hanggang dumating ang araw na hinahanap ko na yung kwento niya, pakiramdam ko, nagsisimula na akong magtiwala sa ibang tao dahil sa kanya.

Tango at iling. Yun lang ang madalas kong isagot sa kanya, hanggang sa di ko inaasahan, nagawa niya kong pangitiin. Nagtaka ako, di pamilyar sa akin yung pakiramdam na yun. Nakalimutan ko na, dahil tingin ko, sa isang kagaya ko, pinagdamutan na talaga ako ng saya. Pero patuloy niya akong napangiti. Unti-unti, naikwento ko sa kanya lahat. Walang panghuhusga sa mata nya sa bawat kwentong binitawan ko, walang pagdududa. Pagtanggap, pag-unawa at pag-intindi. Yun ang nakita ko sa mata nya. Walang pagtatanong o paghingi ng paliwanag, buong-buong respeto ang pinadama nya. Ewan ko kung bakit, pero parang dahil sa kanya, nagkaroon ako ng pag-asa.

Tapos na silang magduty sa center namin, pero dumadalaw pa din siya, may dalang pasalubong at sabik na nagkukwento ng lahat ng pinagkakabalahan niya. Birthday ko nun, at di ko alam kung paano niya nalaman, pinagdala niya ko ng handa. Isang puting Bibliya, yun ang unang regalong natanggap ko galing sa kanya. Unti-unti, pinakilala niya sa akin ang Panginoon. Unti-unti, sa kabila ng pagpapatigas ko ng loob ko, nadurog lahat ng pagdududa ko, at pinaubaya sa Panginoon ang buhay ko. Binuksan niya ang buhay niya para sa isang kagaya ko, isinusuka ng lipunan, yung tinatawag nilang salot.

Di ko maiwasan na mapamahal sa kanya, pero takot ako, dahil tiyak na madadamay siya sa huhusgahan ng lipunan. Putik ako na didikit sa puting-puting kagaya niya. Pero di ko din napigilang magtapat sa kanya. Nakahanda na kong muling mamulot ng piraso ng madudurog kong mundo, pero nagkamali ako. Iba talaga siya, tinanggap niya ko. Sa wakas daw, at nakaramdam din ako. Mahal niya ko dati pa, at ang pagmamahal na yun ang nagtulak sa akin na lumakad ulit ng may pag-asa. Nagpakabuti ako, takot man ako sa haharapin kong mundo paglabas ko, inihahanda ko na ang sarili kong magbago, para ito sa taong mahal ko.

Akala ko, yun na yung bawi ng tadhana. Pero may panibagong suntok pala, at yung huling suntok, muntik na kong maknock-out. Muntik na kong magpatalo at di bumangon. Leukemia. Yun ang sinabi niya sa akin na sakit niya. Maamo pa din ang mukha niya, walang bakas ng pagtatanong o pagtataka kung bakit napunta sa kanya yung sakit na yun. Walang pagdadamdam sa Diyos, walang pagdududa, buong-buo siyang humarap sa akin, na parang nagpapaalam na. Cancer sa dugo, tunog pa lang, alam kong babawiin na siya sa aking ng mapagkait na mundo.

Nagsimula na namang mabuhay ang madilim na pagkatao ko. Lahat na lang kinukuha ng mundo, bakit kaya di ko pa ibigay ang buhay ko, tutal, wala namang natitira sa sarili ko. Nagtangka akong magpakamatay. Nalaman nya, at paggising ko, nakahiga pa ko sa hospital bed, sampal na agad ang sumalubong sa papadilat kong mata. Kalbo na siya, payat at sobrang putla. Nakasuot siya ng mask kaya di ko pa agad siya nakilala. Takang-taka ang mata ko kung sino ba yung biglang sumampal sa akin. Nagsalita siya, sabi niya, nakalimutan ko na daw ba lahat ng pangarap ko. Pagkasabi niya nun, naalala ko lahat. Lahat ng binuo ko kasama niya, umiling ako at sinabing di ko magagawa ng wala siya. Umiling siya, sinabi niya na hindi naman siya mawawala, dahil ako ay siya.

Yumakap siya sa akin nun, at sa ginawa niyang yun. Naalala ko lahat ng pinangako namin. Ilang araw lang pagkatapos nun, kinuha na siya sa akin. Nawala siya, pero iniwan niya sa akin ang pangarap namin. Pangarap na makagawa ng isang mundo na di mapagbalat-kayo. Mundong kayang magbigay ng pagkakataon sa mga nagkamali. Maging simula ng pagbabago, na ang tao ay dapat marunong umunawa ng kapwa, na may limitasyon dapat ang pagiging makasarili. Kung wala siya, walang kagaya niya na nagbukas ng buhay niya para sa akin, siguro di ako makakaapak sa daang may direksyon. Kung wala siya, siguro dire-diretso na ako sa kawalan. Dahil sa kanya, may isang nagbago. At dahil sa kanya, magsisimula akong bumago ng iba pang buhay.

Now dreams run wild, as lovers find their way

Through the night, not a care in the world

And over there, the twinkling of the lights

Harbor lights say goodnight one more time

Who will see the beauty in your life

And who will be there to hear you when you call

Who will see the madness in your life,

And who will be there to catch you if you fall

Natapos yung pagsasalita nya na tumutugtog yung kantang “Beauty and Madness”, at tanda ko ng oras na yun, nagpapahid ako ng luha habang nakaupo sa isa sa mga audience niya. Marahil sa iba, mababaw na istorya, pero para sa akin, isa na yata yun sa pinakamalupit na narinig ko. Isang dating drug addict, na nagsalita sa isang programa ng rehabilitation center, di iilan sa aming ang humanga sa kanya, at sa taong bumago ng buhay nya. Tuwing maririnig ko ang kantang yun, di ko maiwasang di maalala ang kwento nila. Yun daw kasi ang kanta na huling inawit niya para sa taong mahal niya, ilang oras bago tuluyang malagutan ng hininga.

Inalis ko ang headset sa tenga ko. Umayos ng upo at pinigilan ang mata na muling maluha sa kwento na ilang taon ko na ding iniingatan sa memorya ko. Sana, madami pang makaalam ng kwento nila. Sana, madami pang magbukas ng buhay nila para sa mga taong naghihintay ng pangalawang pagkakataon. Sana, wag naman laging maging bulag ang lipunan. Alam kong mahirap magtiwala sa kanila, sa mga nakulong, sa mga narehab, pero misan naisip mo ba, na ilan sa hinahangaan mong artista ay nakulong din? Ilan sa kanila ay minsan na ding napunta sa rehab? Bakit minsan, ang dali nating mapatawad ang sikat, ang artista o ang may pangalan. Bakit sa ordinaryong tao, di natin ito magawa, ang pagtanggap. Minsan, napakalaki ng magagawa natin para sa iba, minsan, kailangan mo lang pagbuksan, at bigyan ng pagkakataon ang kagaya nila.

Tumingin ulit ako sa labas, sa bawat patak ng tubig ulan sa salamin, parang luha ang nakikita kong pumatak. Ganun siguro talaga, minsan mayroon talagang biktima. Kaya ikaw, maswerte ka, dahil di mo dinanas ang nangyari sa kanila.. Mahirap magtiwala, mahirap magbukas ng pagkakataon lalo na sa mga taong may tatak na ng lipunang mapanghusga. Mga kriminal, mga addict, silang mga nakulong at napasok sa rehab.  Pagkakataon, minsan, ganito lang ang kailangan mong ibigay para makabago ng isang buhay, lalo at mabubudburan ng respeto at sasahagun ng pagtanggap galing sa bukas na isipan.

Show more