[caption id="" align="alignright" width="309"] Cute Box (photo credit:http://www.things-to-make-and-do.co.uk)[/caption]
Naglalakad ako pauwi sa boarding house na tinutuluyan ko, pero bago ako dumiretso ng uwi, dumaan muna ako sa tindahan ng kanin at ulam. Nakita ko yung pinakamalapit na bilihan. Mga limang bahay lang siguro ang pagitan mula sa tinutuluyan ko. Unang beses kong mag-board, solo ko yung kwarto at karamihan pa ng katabing kwarto ko eh taga-ibang university o di kaya ay trabahador sa isang malapit na mall. Malayo kasi sa pinapasukan kong university yung tinutuluyan ko, dalawang sakay sa tricycle at isa sa jeep, mga 20 – 30 minutes sigurong biyahe. Sa kamag-anak kasi namin yung apartment, napakiusapan na bantayan ko, libre na ako sa bayad. Sakripisyo nga lang sa biyahe. Sa maikling paliwanag, wala akong ka-close o kakilala sa bagong mundong pinili kong galawan.
Pumili na ako ng ulam, siyempre karne. Ang isip ko kasi noon, kung kakain ka sa labas at babayaran mo ito, hindi sulit kung gulay lang ang bibilin mo (maniwala ka sa akin, mali ang paniniwala na yun). Isang order ng sisig, isang kanin at isang mahabang saging na lakatan. Isinupot nung ale na sa tantya ko eh nasa late 30’s o early 40’s na. Nag-abot ako ng 100 pesos, ngumiti yung babae at tinanong kung wala daw ba akong barya. Umiling ako at humingi ng pasensya, sumagot naman yung babae ng ok lang. Nagpaalam siya na papasok sa loob ng bahay nila. Nasa harap kasi ng bahay yung tindahan nila, tapos sa may bandang gilid may ilang lamesa na marahil kasya lang ang mga sampung tao. Maya-maya, narinig ko yung ale na may tinawag, ang sabi “Bunso, abot mo nga yung sukli dun sa bumili”. Ilang segundo lang, nakarinig ako ng mga yabag na may kabigatan, hindi ko alam kung nagdadabog ba yung inutusan o talagang ganun lang talaga siyang maglakad.
Maya-maya, humarap sa akin ang isang babae na nasa edad 13 – 16 siguro, medyo may katabaan ng konti pero di mo naman matatawag na obese. Hawak niya sa kamay niya ang 20 pesos at ilang pirasong barya, hinala ko yun yung sukli ko. Huminto siya nang malapit na siya sa akin. Tumitig na parang pinaghalong takot o pagkalito. Naisip ko baka nalilito siya kung sino aabutan ng pera. Bahagya kong tinaas ang kanang kamay ko at ngumiti sa kanya at sinabing “sa akin yung sukli”. Pero di yata nakatulong, bigla siya namula, tapos nakayuko na iniabot ang sukli sa akin sabay talikod at takbo pabalik sa loob ng bahay.
Nagtataka ako na tumalikod at nagsimulang maglakad. Iniisip ko nga kung ano ba ang itsura ko? Nakauniform ako ng white, tapos black pants at leather shoes. Baka naman takot siya sa nurse? Kasi nursing uniform ang suot ko. O baka naman mukha na akong rapist o goons? Huling check ko naman ok naman itsura ko, may manipis na tumutubong bigote pero di naman siguro matatawag na bigotilyo para i-classify na isa sa alagad ng kontrabida o presidente ng goons. Nagtataka pa din ako, at medyo natawa, para talagang natakot siya.
Kinabukasan, mga bandang 5:30 pm nang bago ulit umuwi sa boarding house ay dumaan ako sa tindahan nila. Nakita ko siyang nakaupo sa tabi ng ale na nagbebenta, hinala ko eh mama niya. Naabutan ko pa nga silang nag-uusap noon. Sabi ng mama niya, “Ayaw mo ba manood ng TV sa loob? Pumasok ka na kasi doon, maiinip ka dito. Dati naman ayaw mo nagbabantay dito? Bakit ba bunso?” Dumating ako at nagsimulang magbutinting ng takip ng mga kaserola. Nagsimula akong iangat ang mga takip ng kaserola, tumingin kay ate at ngumiti nang makapili na ako. Napansin kong nawala na naman yung anak niya, natakot na naman yata sa akin.
Ilang linggo din na ganun lagi ang nangyayari, tuwing dadating ako andoon siya, pero biglang tatakbo papasok sa loob ng bahay nila kapag bibili na ako. Madali ko nakasundo yung nanay niya at nakasanayan ko na ding tawaging ate. Minsan, tinanong ako ni ate kung anong pangalan ko, nagpakilala naman ako at magalang na sumagot. Nakangiti si ate at parang may sinisilip sa may bintana nila. Gawa na parte na yata ng pagiging ako ang pagiging mapagmasid, sinundan ko ng tingin ang pasimpleng nililingon ni ate. Nakita ko nga siya na nakasilip sa may bintana, at nang makita niya akong lumingon ay bigla siyang nagtago sa likod ng kurtina. Nangiti si ate, marahil nakita ang naging reaksyon ng anak niya. Nung hapon na yun, hindi ko alam kung tama ako, pero parang mas madami ang laman ng order ko na adobo habang ang isang tasang kanin na order ko ay parang naging dalawa.
Buwan ang lumipas bago nangyari na kinausap niya ako. Ganun pa din ang scenario, nakatabi siya sa Mama niya, bumili ako. Inaasahan ko na tatakbo ulit siya papasok sa bahay, sisilip sa bintana hanggang makaalis ako. Pero hindi siya umalis. Hinayaan ko lang, kunyari di ko siya napapansin, ayaw ko kasi mailang na naman siya sa akin. Nakapili na ako ng ulam, nang maghanap ako ng saging.
“Naku, naubusan ka na.”
“Ganun po ba. Sayang, paborito ko pa naman yun” sabay ngiti dahil napansin ko nakatingin siya sa akin.
“Bu-bukas… tiran.. kita sa-saging” unang beses ko siya narinig nagsalita. Ngumiti ako sa kanya. Pagkaabot ng sukli tumalikod na ako.
Nilingon ko pa siya, nakatingin pa din siya sa akin at wari ay sinusundan ang bawat hakbang ko. Noong araw na yun, napatunayan ko na special nga si “bunso”. Kinabukasan, pagbili ko ulit sa kanila, may saging nga, tatlong piraso at nakalagay pa sa box, siya pa mismo ang nag-abot sa akin. Babayaran ko pero ayaw tanggapin ng mama niya, sabi gift daw yun ng bunso niya. Ilang araw pagkatapos noon, naikwento nung mama niya na isinilang ang bunso niya na may mental retardation, sabi pa may ilang signs din daw ng autism na nakita, buti nga daw ngayon nagsasalita na ito, pero pautal-utal lang.
Mula noon, tuwing bibili ako sa kanila, madalas may inaabot siya. Minsan ilang pirasong chocolates, candy, pastillas, minsan kahit nga chicharon o extrang ulam, basta may inaabot siya sa akin. Iniisip ko noon, siguro natutuwa siya sa akin, kaya kahit gaano pa ako kapagod, pinipilit ko ngumiti at medyo makipagbiruan sa kanya, o kaya tumawa habang nakikinig sa pautal-utal niyang kuwento. Pilit kong pinaramdam sa kanya na normal siya sa tingin ko at walang problema.
Unti-unti naging malapit siya sa akin, kahit na sa hapon o sa gabi lang niya ako nakikita, lagi siyang nag-iintay na bumili ko. May araw pa nga na nagpasama siya sa mama niya sa boarding house namin dahil ilang araw daw ako na di bumibili. Noong panahon na yun kasi panay ang overnight ko sa boarding house ng ilang kaklase para sa mga projects. Pag-uwi ko, nakita ko na lang ang tatlong pirasong saging na nakasabit sa doorknob ng room ko.
May pagkakataon pa na niyaya niya ako dahil birthday yata ng kuya niya. Balak ko nga matulog na noon, dumaan lang ako sa kanila para bumili ng yelo, pero inaya nya ako. Sabi ko magbibihis lang ako at babalik ako, di siya pumayag na umalis ako. Sinamahan pa niya ako na umuwi sa boarding house, nag-intay sa labas habang mabilis akong nagbihis sa room ko. Pagbalik ko nakangiti siya, bakas ko talaga sa kanya yung saya, kaya pinilit ko na ding mag-enjoy. Nabanggit niya dun na ilang linggo na lang birthday na din niya. Pautal-utal niya akong niyaya at sinabi na dapat present ako sa birthday niya.
Madali namang akong tumango at nangako, sa loob ko, totoo naman na gusto kong pumunta. Nung gabi na yun, kinausap din ako ng mama at kuya niya, nagpasalamat sa pagtitiyaga ko daw sa kakulitan ng kapatid nila. Humingi din ng dispensa, dahil alam daw nila, aminin ko man o hindi, minsan sobrang kulit na ng “bunso” nila. Ngumiti lang ako at sinabing, “ayos lang naman po, mabait po siya, natutuwa nga po ako sa mga kwento niya”.
Nagpaalam na akong umuwi dahil malapit na ding mag-alas diyes. Maglalakad na sana ako nang makita ko siya na pasunod sa akin. Sabi ko, “saan ka pupunta? Uuwi na ko.” Nakangiti siyang sumagot ng, “a-atid kitaw.. dye-yi-kadyo dyito”. Tumawa ako at sinabing malakas ako at kaya ko kahit sino ang kalaban. Tumawa din siya at sinabing, “ang-pa-chat mo nga.. pa-ya ka lang-tsing-ting”. Tumawa din ako ang kunyaring kinurot ang pisngi niya.
“Kulit mo bunso, sige na, balik ka na doon, uuwi na ako.”
“Ahm…”
“May sasabihin ka ba…?” Tumango siya. Nag-intay ako.
“Yab mo ba ko?” bulol siya pero malinaw ko yung narinig. Nung panahon na yun, wala ako kahit katiting na malisya na sumagot sa tanong niya.
“Oo naman, love kita. Bunso kita 'di ba?” nakangiti pa din ako sa kanya. Yumuko siya, nang mag-angat ng mukha, nakangiti siya at tumango. Nagba-bye siya sa akin, habang ako, nagtuloy na lumakad.
Ilang araw na lang, birthday na niya kaya naghanap na ko nang ireregalo sa kanya. Nagpatulong pa ako sa isang kaibigang babae para lang masiguro ko na ok sa kanya yung ibibigay ko. Ok naman ang sched ko, 7 am to 3 pm ang duty ko noon sa hospital, sakto lang, 3 pm daw ang start ng party niya. Pero ilang araw bago ang eksaktong petsa, nagkaroon nang re-shuffling ang duty schedule, naging 3 pm to 11 pm ako, tapos may klase pa ko sa umaga noong araw na yun mula 8 am to 1:00 pm. Sinabi ko yun sa mama niya, naintindihan naman, pero di ko alam kung paano ko sasabihin sa kanya na di ako makakapunta at di ko matutupad ang pangako ko. Sinabi ko sa kanya, at tulad ng dapat asahan, tantrums, isang malaking tantrums. Noon ko lang siya nakitang ganun, nagwawala at halos gusto na ibato lahat ng kaserola at kaldero sa akin. Naabot nga niya ko sa braso at nakalmot. Nagalit ang mama niya at binitbit siya sa loob. Nag-aalala ako sa kanya, walang pakialam kung nasugatan ba o kung naduguan ang suot kong uniform. Pagbalik ng mama niya humingi ito ng dispensa, ako naman malungkot na bumalik sa boarding house.
Ilang araw akong bumili sa kanila pero di ko siya nakita. Pati nga yung regalo na gusto ko ako mismo magbigay sa kanya, di ko na maibigay. Pagkagaling sa duty nung gabi ng birthday niya, dumaan ako sa kanila pero sarado na yung bahay nila. Umiiwas siya sa akin, nagtatampo siguro. Baka nga galit pa, kasi nangako ako, nagtiwala siya pero binigo ko.
Dumating yung pagkakataon na kasama ko yung mga barkada ko at napagpasyahan naming sa boarding house ko gumawa ng project. Nagpasama ako sa isang kabarkada kong babae na bumili ng dinner namin, bumili ako sa kanila. Nagbibiruan kami ng barkada ko habang papunta sa tindahan nila, kaya ng saktong nakita niya kami, tawa ng tawa ang kabarkada ko. Paglingon ko, nakita ko siya, ngumiti ako sa kanya, matagal din kaming di nagkita. Pero nagulat ako, dahil tumakbo siya papasok sa loob tulad nung naunang mga araw na di pa kami magkakilala, pero ngayon, may dagdag yun na luha sa mata.
Di na ulit nya ko kinausap, sa kabila ng bawat pagtatangka ko, bigo ako. Di niya ako pinapansin, o umiiwas siya ng husto, nagalit talaga siya sa akin ng buong-buo. Lumipas pa ang isang buwan, at malapit nang matapos ang school year, at naikwento ko sa mama niya na lilipat na ako ng boarding house sa mas malapit sa school na pinapasukan ko. Inabot ko din ang regalo ko para sana sa birthday niya, pero ayaw kuhanin ng mama niya. Sabi ng mama niya, mas maganda kung ako daw mismo ang personal na mag-abot. Sabi ko, ayaw nga akong kausapin ni bunso na sinagot ng mama niya na, “wag kang mag-alala, kakausapin ka na nun.”
Naiayos ko na yung gamit ko, ano mang oras dadating na din yung sundo ko para ilipat yung gamit ko sa bagong boarding house. Hindi pa kami ulit nag-uusap, pero naisip ko na ganun siguro talaga magtatapos yung pagkakaibigan namin. Sumuko na nga siguro ako. Maya-maya, nakarinig ako ng katok sa room ko, akala ko yung sundo ko, pero nagulat ako na si “bunso” ang nakatayo sa room ko, habang ilang hakbang lang yung mama niya. Di ako agad nakapagsalita, pero ngumiti ako, siya ang bumasag ng katahimikan.
“Ba-kit.. aayis ka nya?”
“Kailangan eh, kasi may duty na ako na madaling araw, dapat malapit na titirhan ko.”
“Ga-yit.. ka yatsa tsa akin?”
“Hindi ah. Ako nga may atraso sa’yo eh, teka kunin ko lang gift mo, di ko na naibigay” mabilis akong bumalik sa room at kinuha yung gift nya.
“Tenchu”
“Sana magustuhan mo yan.”
Katahimikan. Hindi ko alam kung sino sa amin ang may iniintay na sabihin. Hindi ko alam kung sino ba ang dapat magsabi nang di pa napag-uusapan. Hanggang siya ulit ang bumasag ng katahimikan.
“Yab mo… pa dyin ba ako?”
“Oo naman… bunso kita di ba?” nakangiti ako, umaasa na ngingiti na din siya.
Ngumiti nga siya. Nakahinga ako ng maluwag. Pero teka, luha yung bumababa galing sa mata niya.
“Tsabi nga ni mama… kyapatyid yang daw ang tsingin mo tsakin…” umiiyak nga siya. Hindi ko alam kung ano yung pakiramdam na naramdaman ko, awa ba sa kanya? Guilt? Galit sa sarili ko dahil pinapaiyak ko siya? Ewan ko, di ko alam ang tumatakbo sa isip ko noon.
“Pewo kahit ganun…. ako bastsa… AY YABYU pa dyin… kahit dyi ako yung yab mo.”
May inabot siya sa kamay ko, maliit na box ulit. Mabilis siyang tumalikod at halos patakbo na lumapit sa mama niya, alam kong umiiyak siya, pero di ko alam kung ano yung tamang sabihin para i-comfort siya. Wala nga yata talagang tamang salita sa pagkakataon na yun. Lumabas sila ng boarding house na wala akong nagawa, walang nasabi, hindi nga ako nakakilos sa kinatayuan ko. Siguro katahimikan na nga lang ang tamang isagot sa sinabi niya.
Naupo ako sa kama ko habang tinitingnan ang maliit na box na binigay niya sa akin, iniisip kung tama bang buksan ko pa. Naisip ko, minsan pala makakasakit ka ng tao kahit di mo intensyon. Minsan, makakasakit ka kahit wala kang ginagawa. Minsan makakasakit ka dahil sa pagpili sa isang aksyon, pero makakasakit ka din dahil sa hindi pagpili sa isang desisyon. Ang hirap pa lang makasakit lalo na at di mo sadya, lalo na kung wala kang magawa para mabawasan ang sakit na naidulot mo sa iba. Ang hirap makasakit lalo na kung di mo alam kung paano ito mapipigilan, kung paano ito mababawasan. Ang hirap makasakit pag hindi mo intensyon. Di ko alam kung hanggang ngayon may tampo pa din siya sa akin, o kung naaalala pa niya ako, pero dahil sa laman ng box na ibinigay niya, lagi kong naaalala, na may isa pang tao na nagpapahalaga sa akin sa mundo.