[caption id="" align="alignright" width="288"] Male Nurse (Credits: 3.bp.blogspot.com)[/caption]
Ask any school age boy about his dream profession in the future, I bet no one will answer that he wanted to be a NURSE?
Kahit pa sabihin na napakaraming lalaking (tunay na lalaki) nurse ang naglipana na sa bawat hospital, hindi ko alam kung bakit, pero nanatili ang “stereotype” na tingin sa bawat lalaking nurse. Para kasing sa lipunan natin, madami pa din ang hindi sanay na makita ng lalaking nakaputi sa loob ng hospital. Malamang, kung kagaya mo ako na lalaking nurse, hindi iilang beses kang nagpakamalang doctor? Hindi iilang beses na tinawag kang “doc” ng kiming pasyente na nagdadalawang-isip pa kung lalapitan ka. Parang sa isip kasi natin, naikulong ang isang katotohanan na ang pagiging nurse ay eksklusibo sa babaeng kasarian.
Noong nasa nursing school pa lang ako at kasalukuyang tinatapos ang academic at clinical trainings ko bilang nurse, hindi yata iilang beses ko narinig ang komento na di ko nagustuhan. Karamihan sa mga komento na yun, hindi ko alam kung ano ang pinaghugutan. Ilan sa mga komentong yun ay,
“Ayaw ko nga mag-nursing, hindi naman ako bakla”. Natatawa na lang ako noon at sinasabi sa sariling ko na, “Bakit, kapag nurse automatic bakla? Eh nursing students nga unang nakakabuo ng bata eh..” (Kidding.. ^_^, pero medyo nakaasar nga yung sexist na comments na ito).
“Wala na bang iba? Hindi ba pwedeng babae?”. May mga pagkakataon pa na aayawan ka ng pasyente, hindi dahil sa itsura, amoy, pananamit o pagsasalita mo, kundi dahil lang sa katotohanan na lalaki ka. Ewan ko ba kung bakit at kung ano ang dahilan nila. Kapag babae ang nurse, mapababae o lalaki ang maging pasyente nila, ayos lang, komportable ang pasyente. Pero kapag lalaki na, aayaw agad ang babaeng pasyente, pati lalaking pasyente, minsan atatakihin ng pagiging choosy, aayaw rin dahil iisipin na bakla ang nurse na assigned sa kanila. Anak ng lecheng inaamag naman oo, saan kami lulugar?!!! (hindi ako galit.. ^_^)
“Bakit di ka mag-doctor? Kalalaki mo pa namang tao, hindi sa’yo bagay maging nurse”. Madalas rin itong itanong sa akin, parang tingin ng lahat ng tao sa lalaking nurse eh makikiraan lang at didiretso sa Medical School. Minsan nakatutuwa, kasi iniisip ko na lang na, “siguro tingin nila, bagay ako maging doktor”, pero madalas, hindi na yata nakatutuwa, kasi parang tinataboy na kami sa nursing profession.
“Nursing ang course mo? Hindi ba nakababawas ng pagkalalaki yun? Maghuhugas ka lang ng pwet, alila lang yun”. Sa lahat ng komentong may ibang dating, ito yata yung medyo below the belt ang tirada. Narinig ko ito minsan sa kapitbahay namin nang tanungin niya ang Dad ko sa kursong kinukuha ko. Ewan ko kung kasing-macho ni “Machete” si manong kapitbahay, o kasing tikas ni “Adan sa Paraiso” itong pakialamero naming kapitbahay, pero palagay ko, wala siyang karapatang husgahan ang pagiging lalaki ng isang tao dahil sa propesyon niyang napili. (Kaloka, kulutin kita diyan eh... ^_^... Hehehe biro lang...). At kahit kasing perpekto pa ni “Arnold Schwarzenegger” ang hubog ng biceps, triceps at abs niya, hindi yata tama na magsalita ng pangmamaliit sa pagkatao ng iba.
Sa lahat ng komento na narinig ko, yung nasa dulo talaga ang tumatak sa utak ko habang tumatagal ako bilang nurse. Ok pa kasi yung sabihin na “bakla” yang mga nurse, kasi at least, wala itong matibay na saligan, at isa pa, uso na ang FB, bakit hindi natin tapyasin ang pangmamata sa kapwa. Marami sa bakla ang karespe-respeto sa lipunan, higit sa ilang lalaking batugan. Yung kasing huling komento, masyado inaatake ang pagkatao ng nurse bilang lalaki, siyempre, bilang isang nurse, gusto ko namang depensehan ang mga “kascrub-suit” ko sa propesyon. Gusto kong patunayan na hindi nakababawas ng pagkalalaki ang pagiging nurse, ang totoo, may advantage pa nga ito.
Bakit ba mas OK mahalin ang isang lalaking nurse?
Makakabisado namin ang sumpong ninyo. Pag-aralan ba naman namin ang “Anatomy and Physiology” ng ilang buwan, idagdag pa ang “Obstetrics at Gynecologic” nursing, alam na alam namin na minsan isang buwan (o higit pa), tinotopak at nababaliw ang kababaihan. Alam namin ang pagtaas at pagbaba ng estrogen at progesterone mo, na kahit na awayin mo kami na wala naman kaming kasalanan, maiintindihan namin, epekto ito ng hormones mo. (At bukod dun, may iba pang advantages ang Anatomy and Physiology... naughty grins on my face... ^_^).
Hindi kami mahirap i-please, lalo sa pagkain. Nabuhay kami na minsan Sky Flakes at isang tasang Milo ang tanghalian, o kaya cup noodles bilang hapunan. Kung suswertehin at may allowance na natanggap galing sa hospital, kakain kami sa canteen na lasang pagkain rin ng pasyente na under “low-salt, low-fat diet”. Kahit nga street foods, hindi namin pinapaligtas, affordable eh. Akala ng iba, porke nurse kami maarte kami sa pagkain? Hindi rin, kami nga ang pinaka-flexible. Kahit ano, titikman. Katwiran namin “may Hepa vaccine naman”. ^_^ Kaya kung kami ang makakatuluyan mo, kahit hindi ka magaling magluto, kahit na lasang tubig na inasinan, binudburan ng konting Magic Sarap at betsin ang sabaw na ihahain mo, ma-appreciate namin yan ng buong-buo.
Hindi ka madaling magiging byuda. Dahil may kinalaman sa sakit at kalusugan ang propesyon namin, kami na mismo ang mag-aadjust at magkokontrol sa mga hindi magandang gawain. Bawas sigarilyo, iwas alak, dagdag ehersisyo at pagkain na masustansya. Aalagaan ang katawan, para mas makasama ka ng mas matagal.
Faithful, hindi kami madaling matutukso. Sa dami ng katawan na nakita namin sa hospital, sa dami ng hubad na babaeng aming nasilayan (sa Operating Room at Delivery Room), hindi kami basta-basta matitinag, kahit pa may maghubad na lang bigla sa aming harapan. Mananatili kaming propesyunal at igagalang ang bawat babae, nakalitaw man o nakatago ang kanyang katawan. Mananatiling tapat sa nag-iisang babaeng minamahal.
Magiging mabuting kaming ama. Mula sa panganganak, hanggang sa unang mga araw ng isang sanggol, nasaksihan namin lahat yan sa Delivery Room (DR) at Neonatal Intensive Care Unit (NICU). Mga babaeng nakunan at naagawan ng tsansang maging ina, mga nagpalaglag at piniling magkasalang kitling ang buhay ng anak nila, lahat yan nasaksihan din namin. Dahil sa mga yun, magtiwala kayo na alam namin ang halaga at importansya ng pagiging handa ng lalaki sa pagkakaroon ng anak. Dahil doon, alam namin kung paano humarap sa responsibilidad, at maging mabuting asawa at ama.
Mahaba ang aming pasensya. Umasa ka, na kung mamahalin mo kami, di tayo basta-basta mag-aaway. Napakahaba ng pasensya namin (lalo kung ikukumpara sa ibang lalake). gGusto ng ebidensya? Sa hospital, naranasan naming masukahan ng pasyente habang nagpapakain, maihian ng bata habang gumagawa ng assessment, masigawan ng doktor kahit walang kasalanan, inaway ng kamag-anak ng pasyente na walang solidong dahilan. Lahat yun, nilunok namin at tinanggap ng buong-buo. Nanatiling matatag sa kabila ng lahat ng pagkapahiya at pagdadamdam.
Kaya naming makinig, yung totoong pakikinig. Araw-araw, kahit na pauli-ulit ang sinasabi ng isang nag-uulyanin na matanda, matiyaga kaming nakikinig sa kwento niya. Matiyagang tumatango at ngumingiti sa bawat bitaw niya ng salita, masayang nakikinig hindi dahil sa kinukwento niya na ilang daang beses na naming narinig, kundi dahil sa katotohanan na kaya pa rin niyang magsalita, at hindi pa rin nawawala ang lakas at kakayahan niyang magkwento. Paano pa kung ikaw na mahal namin ang magsasalita? Magtiwala ka na buong-buo kami na makikinig sa iyo.
Sa kabila ng malaking eyebags, lagi pa rin kaming nakangiti. Nasanay kami na magbahagi ng ngiti sa bawat pasyente namin. Kung ano ang ngiti sa umaga, yun din ang ngiti pagkatapos ng walong oras na shift. Ngiti sa pangbungad na pagbati, at ngiti pa din sa pagpapaalam sa hapon o sa gabi. Ayaw mo pa ba noon? Sa kabila ng pagod at hirap na dinadanas namin, sa oras na magkita tayo, asahan mo na ngingiti at ngingiti ako, lalo at ikaw ang dahilan nito.
Hindi ko itatanggi, “emo” rin kami, umiiyak at nasasaktan. Siguro, dahil sa kasama kami lagi ng ibang tao sa iilang sobrang halagang bahagi ng buhay nila, hindi namin maiwasan na maging “emo” paminsan-minsan. Mula sa luha ng ina na katatapos manganak, ngiti ng ama nang unang beses kargahin ang anak niya, unang uha ng sanggol, unang akap ng pamilya sa taong nakaligtas sa tiyak na kamatayan o kahit na huling bulong ng hininga ng isang mahal sa buhay na namatay, lahat yun tumatanim sa alaala namin. Lahat ng yun, tumataktak sa pagkatao namin, at nagsisilbing paalala na magbigay-halaga sa bawat simpleng pangyayari sa buhay. Umiiyak kami, tumatawa, naiinis o nagagalit, “emo” man naturingan, pero wala kaming pagpapanggap sa iyong harapan.
At panghuli, tinitiyak ko sa’yo na may sakit man o wala, ikaw ay aalagaan ng husto. Kung kaya naming magbigay ng pagkalinga at pagmamahal sa bawat taong dumadaan sa aming kamay, mga taong hindi naman namin kaano-ano, mga taong minsan pa ay nakakaaburido, paano pa kaya ikaw? Ikaw na nag-iisa sa puso ko. ^_^
Alam ko na lahat naman ng tao, may kanya-kanyang papel na ginagampanan sa mundo, lahat may kanya-kanyang kontribusyon sa pagbuo ng mabuting lipunan. Pero ikararangal kong sabihin ng paulit-ulit, na ako ay isang Nurse. Ang taong nagpunas ng pawis mo habang hirap ka sa panganganak, ang taong buong ingat na nagbabantay sa bagong silang mong sanggol, ang taong halos umiyak nang masigawan ng doktor dahil sa sumbong mo, ang taong buong pagnanais na maitusok ang swero ng isang beses lang para hindi ka masaktan. Ako ang taong kasama mo, habang pinapanood mo siyang bawian ng buhay, ang taong kasama mong napuyat sa pagbabantay sa anak mong inaapoy ng lagnat, at ang taong nagtulak ng wheelchair mo nang lumabas ka sa pintuan ng hospital, ako ang naging kapamilya mo pansamantala nang lisanin mo ang tunay mong tahanan.
Kung itong mga gawain na ito ang nakababawas ng pagkalalaki para sa’yo, isang salita lang siguro ang masasabi ko sa’yo... “Wapakels!”.