by Christopher Malco
Advocacy.
Hinanap ko sa Google ang akmang kahulugan nito sa Tagalog, pero wala akong mapili sa mga kahulugang ipinakita doon. Siguro nga sa lalim at lawak ng kahulugan nito, wala pang sinuman ang nangahas bumuo ng salita para dito. Kaya hayaan nyo na lang akong gamitin ang salitang “adbokasiya”.
Ang adbokasiya ay pinagsama-samang pagkilos upang suportahan, tulungan at gabayan ang isang tao o grupo upang isaboses ang kanilang pananaw o hinaing. Sa pamamagitan ng adbokasiya, tinutulungang maabot ang impormasyon at serbisyo na karapat-dapat at akma para sa tao o kalagayang kailangan ito. Sa adbokasiya din ipinapakita ang paninindigan para sa karapatan o kaya nama’y para sa nararapat na tungkulin.
Sa Pilipinas napakarami ng adbokasiya na aktibong sinusuportahan ng mga ordinaryong tao, maging ng mga celebrity, ng mga korporasyon, mga pilantropo, ng media at maging ng pamahalaan. Mas kilala ang mga adbokasiya kung ito ay para sa kalikasan, para sa karapatan ng bata at kababaihan, mga mahihirap at isama na natin kung ito ay para sa kalusugan o karamdaman.
Ngunit hindi lahat ng adbokasiya ay nagtatagumpay. Merong tumatagal ngunit meron din namang bigla-biglang nawawala na lang . Ilan lamang ang mga sumusunod sa mga dahilan:
Mahinang lider – Ang adbokasiya ay personal at kusang loob na pakikiisa sa isang adhikain o kusang sinisimulan ng isang taong may matinding pagnanais ng pagbabago. Ngunit minsan nagiging dahilan ng pagbagsak ng isang adbokasiya kung mahina o hindi buo ang loob ng lider. Kahinaan ng isang grupo kung ang lider ay may mahinang pundasyon, kaalaman at kakayahan sa pamamahala. Kelangang ang lider ay may kakayahang humawak ng tao, magaling mamahala ng pormal na organisasyon at kakayahang mapanatiling masigla at nag-aalab ang adbokasiya. Importante din sa isang grupo ang pagkakaroon ng isang malinaw na layunin upang lahat ng plano at gawain ng mga miyembro ay may direksyon. At napakaimportanteng may kakayahan ang lider ng isang adbokasiya na maipasa ang alab ng kanyang paniniwala, pananaw at plano para sa malayong hinaharap. Maipasa ito hindi lamang sa mga miyembro kundi lalo at higit sa ilang indibidwal na nagpapakita ng potensyal at kakayahan sa pamamahala. Sa ganitong paraan, hindi mapuputol ang mga sinimulang programa at magpapatuloy ang programa sa pangmatagalang panahon.
Kawalan ng taong gagawa— Mas maraming boses, mas mapakikinggan. Ngunit higit sa boses, kelangan ng isang organisasyon ng mga kamay na gagawa. Matagumpay ang isang organisasyon kung boluntaryong nakikiisa ang mga miyembro sa lahat ng mga gawain nito. Ang adbokasiya ay isang dedikasyon. Ito ay isang hakbangin ng kailangang paglaanan ng oras, lakas, talento at maging yaman ng bukal sa loob at walang hinihintay na kapalit. Ngunit hindi lahat ng sumusuporta sa isang adbokasiya ay may kakayahang ibigay ang kanyang oras at pisikal na pakikiisa. Sa ganitong kalagayan, nagiging mabagal ang pag-usad ng mga programa. Kung minsan pa, nawawalan na rin ng sigla ang mga aktibong miyembro dahil wala silang nakikitang tao na tumutulong sa mga aktibidad.
Kawalan ng pondo – Hindi lahat ng grupong may adbokasiya ay nangangailangan ng pondo. Ngunit mas higit na mapapabilis ang pagkamit ng kanilang layunin kung may sapat na pondo para sa mga programa. Kadalasang nangyayari na ang mga lider at miyembro ang nag-aambagan para lang umusad ang mga aktibidad. Pero ang pamamaraang ito ay hindi pangmatagalan. Darating ang oras na mananawa, mapapagod at ayaw ng mag-ambag pa ang mga miyembro. Dito papasok ang kakayahan ng lider, kelangan niyang mag-isip ng epektibo at pangmatagalang paraan upang makalikom ng pondo na sapat para sa programang nais ipatupad.
Walang suporta mula sa gobyerno – Dahil sa matabang, walang pakialam at pagbibingi-bingihan ng ilang sangay ng gobyerno, ang ilang grupo ng adbokasiya ay sumuko na lamang at minarapat na lang manahimik. Iniisip nila na kung wala din namang magandang patutungahan ang kanilang ipinaglalaban mas mamabutihin na lang nilang tumuon sa kanilang personal na buhay. Ang mga grupong may adbokasiya ang dapat pagtuunan ng pansin at suporta ng gobyerno. Dahil ang paniniwala nila, pananaw at programa ay nanggaling mismo sa sariling karanasan, taimtim at bukal sa puso at may tunay na malasakit sila sa kapwa tao.
Ilan lang ito sa mga problemang kinakaharap ng ilang grupo sa Pilipinas. Isa sa mga grupong ito ang Yellow Warriors Society Philippines, Inc (YWSP) o mas kilala sa tawag na Yellow Warriors. Ang adbokasiya ng grupo ay naglalayong maipaalam sa publiko ang tamang impormasyon tungkol sa Hepatitis B and C Virus (HBV and HCV). Ninanais ng grupo na maibsan ang diskriminasyon sa mga taong nagdadala ng HBV and HCV lalong higit sa sektor ng paggawa. Malaking tulong din ang grupo upang mapaglabanan ng kapwa may HBV o HCV ang kalungkutan at kawalan ng pag-asa dahil sa pagkakaroon ng ganitong sakit. Sa kabuuan, nilalayon nilang mapigilan ang lalo pang pagdami ng mayroong sakit na Hepatitis B and C upang magkaroon tayo ng mas malusog at produktibong mamamayan sa hinaharap.
Wala mang maraming miyembro na tagapaggawa kung kinakailangan, o malaking pondo para mapabilis makamit ang kanilang mga layunin, o kahit matamlay ang pagtanggap at suporta ng gobyerno sa adbokasiya ng YWSP:
Ang YWSP ay patuloy na mag-aabot ng kamay sa mga may Hepatitis B and C upang magabayan sila sa kanilang sitwasyon at maakay sa pagharap sa pagsubok ng kanilang buhay. Tuwing ika-28 ng Hulyo ipinagdiriwang ang World Hepatitis Day, isa ito sa mga programang pinaghahandaan, isinasagawa at sinusuportahan ng YWSP.
Ang YWSP ay aktibo sa kanilang facebook page (search: Yellow Warriors Society Philippines, Inc), twitter account (@ywsp) at website (www.yellowwarriors.webs.com)
Christopher Malco is the founder and chairman of Yellow Warriors Society Philippines, Inc. He is a Civil Engineer, Green Building Professional, Materials Engineer and Master Plumber. He likes to write poem and sing in a choir. Currently an OFW and happily married. Email him: ywsp.chairman@gmail.com