2013-12-05



(Binasa ko ini kasubago, Disyembre 4, sa PEN CONFERENCE na igwa nin temang Literature of Concord and Solidarity: The Writer as Peacemaker)

Wala akong masyadong alam tungkol sa usapin ng kapayapaan at ng Kabikolan kung pagbabasehan ko ang ilang akdang naisulat ko tungkol dito. Hindi ako babad sa mga aktwal na pagkilos. At totoong hindi ko rin naman isinasangkot ang aking sarili sa mga usaping higit na kumikilala sa pangangailangang itaguyod ang isang panibagong kaayusan sa pamamagitan ng rebolusyunaryong pagkilos. Lumaki ako sa panahong ikintal sa amin ang takot at pangangailangang iwasan sa mga di-armas lalo na ang mga NPA. Usap-usapan lamang ng mga matatanda noon ang naririnig ko patungkol sa mga pangyayaring ipinapaliwanag ang mga putukan at enwkentro. Post-EDSA 1 na ito at maraming mga kuwento ang lumalaganap tungkol sa mga NPA noong araw kasabay ng mga kuwento tungkol sa mga batang kinukuha di umano ng mga kidnappers na nagdadamit pangmadre.  Madali ko namang nakalimutan ang mga kuwentong ito na binalikan ko na lamang nang pinili ko ring magsulat ng ilang tula at kuwento na may tema ng militarisasyon sa Kabikolan, at dahil malaking bagay din ang naging impluwensya sa akin ng mga kontemporanyong manunulat sa Bikol katulad nina Frank Penones at Merlinda Bobis na hitik ang panulat sa pagtatala ng karahasang dala ng militarisasyon, na maging sa ngayon ay nagpapatuloy pa rin sa mga kabayanan, ipinagpapatuloy ko pa rin naman ang ganitong uri ng pag-aakda sa kabila ng mga personal na saloobin at agam-agam sa mga ginagawa kong pagtataya sa mga samu’t saring ideyolohiyang kailangan kong pakibagayan. Ngunit, aaminin kong limitasyon ko bilang manunulat na sa kabila ng mga akdang sinusulat ko nanatili akong “at peace” “safe” sa comfort zones ko bilang manunulat na nagtuturo rin sa isang Katolikong unibersidad.

Sa isang banda, kung susuyurin ang kontemporanyong panitikan saBikol, higit na mahihiwatigan na hindi mga akdang “para sa kapayapaan” ang kinikilingan ng mga manunulat kundi nasa pagpapakita ng mukha ng karahasan na dala ng ganitong mga pagkilos at sagupaan ng magkabilang kampo.  Dahas na hindi rin lang dulot ng militarisasyon, kundi ng mga pwersang higit pa sa tao. Sa katunayan, ang mga engkwentro ng military at NPA ay madalas na lamang na ibalita na parang kahalintulad

ito ng mga ordinaryong balita ng krimen ng pagpatay, pagnanakaw ng cellphone o motor, ng pagdating ng pangulo o ng Reyna ng Espanya, o ng bagong natuklasang langgam sa bundok Isarog. Sympathetic ba ang mga manunulat sa Bikol sa rebolusyunaryong kilusan? Hanggang saan ang abot at saklaw ng simpatiyang ito? O wala na sa imahen ng Bikol na minsan o magpasahanggang ngayon ay naging pugad at tanggulan ito ng maraming “namundok” o patuloy na nanahan at itinataguyod ang rebolusyunaryong kilusan. Na ang higit na marahas ay ang paglagay o pagturing sa rebolusynaryong gawain bilang isang historical footnote na lamang sa kasaysayang Bikol, sapagkat hindi na rin ito ang concerns ng nagmamadaling salin-lahi. Wala akong tiyak na mga sagot para dito dahil marahil sa gaya ng sinabi ko na kanina, wala rin naman talaga akong ganap o sapat na pagkakaunawa sa kasaysayang ng ganitong pagkilos. Bagaman naging mga materyal ko naman ito sa aking panulat sapagkat marami pa rin namang mga pangyayaring masasagupa mo ang ganitong mga ku

wento at lagi’t laging may instant drive para sa manunulat na magsulat tungkol dito. Ngunit kaiba sa mga naunang akda na hayagang sinasaad ang pangangailangan ng rebolusyunaryong pagkilos, naging “materyal ko lamang” ang mga pangyayaring ito, upang higit na kilalanin o isuplong ko rin ang sariling pag-iisip at pandama sa katotohanang nangyayari pa rin naman ito sa Kabikolan.

Totoong abstraktong maituturing ang kapayapaang ito na higit na ibinibigay marahil ng insititusyonal na relihiyon, kaysa isang epekto o isang proyektong kailangang itaguyod ng mga mamamayan. Masasabi rin na sa maraming akdang pampanitikang Bikol, tinatahak na ng mga kontemporanyong kuwento ang kaugnayan ng personal at politikal na sitwasyon at kung paaano nabubuhay at nagsusulat ang makata, ang kuwentista, ang mandudula, sa harap ng mga magkabilaang kontradiksyon sa lipunang Bikol at sa mas malawak na mundo na unti-unti na ring nanunuot sa buhay ng mga Bikolnon dala ng malakas na daloy ng urbanisasyon, ang pagpasok ng mga kakabagong teknolohiya at ang pagharap sa mga isyung pangkalikasan at ang nanatiling gahum ng politikal na dinastiya. Anong kapayaan ang itinataguyod ng mga manunulat na nananahan sa singsing ng apoy at mata ng bagyo? Hinahanap pa rin ba namin ang ganitong kapayapaan o sadyang sanay at tanggap na namin ang manahan sa espasyo ng kontradiskyon, an tagilid na daga kung saan kami’y napapaligiran ng mga bundok at bulkan, at ang katubigan na matamang nakatanod sa amin. Metapora nga lang ba ang usapin ng digmaan at kapayapaan sa Kabikolan, na namumutiktik sa mga panitikang isinusulat namin at para sa amin? O kinakaharap namin ang isa pang marahas na kapaligirang naririyan at walang pakialam?

Ano ang aking pakikisangkot? Saan ko inilalagay ang aking sarili bilang manunulat sa usapin ng kapayapaan? May bisa ba ang mga salita ng tula kung ang tanging nakapaloob dito ay ang ulitin, gagarin, palakihin ang dahas? Sa koleksyong Labi at Canticos, pareho kong tinukoy ang karanasan ng militarisasyon bilang isang mahalagang isyu sa rehiyong pinagmumulan ko at upang siyasatin ang sariling etika sa panahong ginugutay ng samu’t saring dahas ang katawan, ang kaluluwa ng tao:

The art critic John Berger in one of his essays wrote: To break the silence of events, to speak of the experience however bitter and lacerating to put into words is to discover the hope that these words maybe heard and when heard, the events will be judged. This hope is the origin of prayer and prayer is the origin of speech itself. Of all language, it is poetry that preserves most purely the memory of this origin. This is why poetry opposes more absolutely than any other force in the world the monstrous cruelties by which the rich today defend their ill-gotten riches. This is why poetry speaks always to the immediate wound.

Naririto pa rin ang mga tula at mga akdang pampanitikan sa Bikol, na tumatayong saksi. At may sinasabi ito tungkol sa pag-asa.

Show more